Friday, February 7, 2014

CPP/NDF: Gregorio “Ka Greg” Ratin: Martir ng uring magbubukid

Posted to the CPP Website (Feb 6): Gregorio “Ka Greg” Ratin: Martir ng uring magbubukid (Gregorio "Ka Greg" Ratin: Martyr of the peasant class)

Andres Agtalon
Spokesperson
Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid

Pinakamataas na pagpupugay at pagsaludo ang ipinapaabot ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid – National Democratic Front (PKM-NDF) kay Kasamang Gregorio “Ka Greg” Ratin, isang proletaryong rebolusyonaryong nagmula sa hanay ng maralitang magsasaka sa lalawigan ng Negros Occidental, na pumanaw habang sumasailalim sa operasyon ng kanyang puso.

[Highest tribute and salute to the National Confederation of Peasant - National Democratic Front (NDF-PKM) Comrade Gregorio "Ka Greg" Ratin, a proletarian revolutionary who originated from poor farmers in the province of Negros Occidental (and) who died while undergoing a heart operation.]

Pumanaw si Ka Greg sa harap ng mga maniobra, sa katunayan ay sa mismong araw ng unang pagdinig ng reaksyunaryong Kongreso sa panukalang muling palawigin ng limang taon ang huwad, kontra-magbubukid, at maka-panginoong maylupang Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER). Ang CARPER ang isa sa mga programang nilabanan ni Ka Greg kahit sa gitna ng kanyang karamdaman.

Walang kapagurang pinaglingkuran ni Ka Greg ang masang magbubukid bilang isa sa mga pinakamahuhusay na kadre ng kilusang magsasaka. Pinamunuan at pinangunahan ni Ka Greg ang matatagumpay na kampanya at pakikibakang magsasaka sa Isla ng Negros. Tampok dito ang mga matatagumpay na organisadong paggigiit, bungkalan at okupasyon sa lupa ng mga magsasaka sa Bago City noong taong 2008. Parang apoy na lumaganap ang kampanyang bungkalan na sa kasalukuyan ay umabot na sa mahigit 86 na tipak ng mga lupain ang sama-samang binubungkal at nasa pangangasiwa ng organisasyon ng mga magsasaka at manggagawang bukid. Sumasaklaw ito sa mahigit 2,100 ektarya at tinatamna ng palay, mais at iba pang halamang pagkain para sa mahigit 2,500 pamilyang magbubukid sa Negros.

Bilang lider-masa at propagandista, isa si Ka Greg sa matiyagang nagmulat, nag-organisa, at nagpakilos sa libu-libong magsasaka at mamamayan sa isla ng Negros upang lumahok sa pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa. Buong katapangan nilang inilantad ang pagsasamantala, korapsyon, pandarahas, at pagkapapet ng rehimeng US-Aquino at ng mga kakutsaba nitong mga panginoong maylupa. Inilantad ni Ka Greg ang monopolyo sa lupa ng amain ni Aquino na si Eduardo “Danding” Cojuangco Jr. at ang pangangamkam ng lupa at pagwasak sa kalikasan ng mga lokal at dayuhang kumpanya ng pagmimina sa isla ng Negros. Walang takot din na hinarap at nilabanan ni Ka Greg ang pasistang pandarahas ng estado at ng mga bayarang maton ng mga panginoong maylupa.

Kabilang na ngayon si Ka Greg sa mga martir at bayani ng uring magbubukid sa pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa. Kasama niya na sina Ka Eddie Gumanoy, ni Ka Nilo Arado na biktima ng sapilitang pagdukot ng pasistang militar, at ni Ka Roger Rosal. Ilan sa mga magigiting na bayani na nagmula sa uring magbubukid na nag-alay ng kanilang buhay para sa dakilang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa at sa rebolusyong Pilipino.

Sa kanyang pagpanaw, iniwan ni Ka Greg ang libu-libong mga kasama at masang nakahandang magpatuloy sa kanyang rebolusyonaryong gawain. Ang mga binhing itinanim ni Ka Greg sa matabang lupa ng Negros ang nagtitiyak na magpapatuloy at higit pang susulong ang rebolusyong agraryo, armadong pakikibaka,at higit pang lalakas ang Pulang kapangyarihan hindi lamang sa isla ng Negros kundi sa buong bansa. Ang kamatayan ni Ka Greg ay kasimbigat ng Bundok Kanlaon.

Ibaling ang dalamhati sa rebolusyonaryong katapangan!

Mabuhay si Ka Greg Ratin! Mabuhay ang uring magsasaka!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas! Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon!

http://www.philippinerevolution.net/statements/20140206_gregorio-ka-greg-ratin-martir-ng-uring-magbubukid

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.