Friday, February 2, 2024

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Nagpapatuloy na pag-block ng rehimeng Marcos sa mga progresibong website, binatikos

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis propaganda article (Jan 29, 2024): Nagpapatuloy na pag-block ng rehimeng Marcos sa mga progresibong website, binatikos (Marcos regime's continued blocking of progressive websites, criticized)
 




January 29, 2024

Nagprotesta ang mga progresibong grupo at mga tagapagtanggol sa kalayaan sa pamamahayag sa harap ng upisina ng National Telecommunications Commission (NTC) sa Quezon City ngayong Enero 29 para batikusin ang nagpapatuloy na pag-“block” o pagharang sa 27 website ng mga alternatibong midya, progresibo at rebolusyonaryong grupo sa bansa. Nagsimula itong i-block noong Hunyo 2022 sa ilalim ng rehimeng Duterte.

Ang kautusan ay inilabas ng NTC noong Hunyo 8, 2022 matapos iutos ng hepe ng National Secutiry Council na si Gen. Hermogenes Esperon. Ginawa ito ni Esperon alinsunod sa walang-batayang designasyon ng Anti-Terror Council sa Partido Komunista ng Pilipinas bilang isang teroristang organisasyon at mga binansagan nitong “tagasuporta” o “may kaugnayan” sa Partido.

Kabilang sa mga website na naka-block ang sa pahayagang Bulatlat at Pinoy Weekly, at sa mga grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura, Amihan Women, at PAMALAKAYA-Pilipinas.

Muling iginiit ng mga grupo sa rehimeng Marcos na tanggalin ang pagka-block ng mga website bilang pagkilala at pagrespeto sa karapatang magpahayag sa bansa. Itinaon nila ang pagkilos sa isinasagawang pagbisita at imbestigasyon ni Irene Khan, United Nations Special Rapporteur for Freedom of Opinion and Experession, sa bansa. Kabilang din ang mga kasong ito sa isinumite ng mga grupo na ulat kay Khan.

Matapos ang pagkilos sa NTC, tumungo ang mga grupo sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA) na upisina ng National Task Force-Elcac para magsagawa ng isa pang protesta. Binatikos ng mga grupo ang ginagawang panunupil at kampanya ng malawakang red-tagging ng naturang ahensya. Iginiit nilang buwagin na ang NTF-Elcac.

Ayon sa Bayan, inilunsad nila ang magkasunod na pagkilos para “pasinungalingan ang pahayag ng gubyerno sa pagbisita ni Khan na buhay na buhay ang kalayaan sa pagpapahayag sa bansa.”

https://philippinerevolution.nu/angbayan/nagpapatuloy-na-pag-block-ng-rehimeng-marcos-sa-mga-progresibong-website-binatikos/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.