February 02, 2024
Binatikos ng University of the Philippines (UP)-Manila University Student Council (USC) ang pagpasok ng US Agency for International Development (USAID) at pagsasagawa nito ng lektura sa loob ng kampus noong Enero 31. Tinuligsa ito ng konseho dahil sa pagtatangka ng US na itulak sa loob ng unibersidad ang imperyalistang adyenda nito.
“Kasama ang iba pang makabayang konseho ng mga mag-aaral at organisasyong masa, tinutuligsa namin ang pagpasok ng imperyalistang mga pwersang militar, o kahit anong balangay ng ahensyang pang-ayuda nito tulad ng USAID, sa aming pamantasan, kahit na at lalo sa tabing ng pagbibigay ng suportang pang-akademiko, mga porum, talakayan at iba pang pakikipagtulungan sa akademya,” ayon sa pahayag ng konseho.
Anito, mahaba na ang kasaysayan ng US sa pagpapadala ng ayudang militar at pinansya sa mga reaksyunaryong estado, tulad ng Pilipinas at Israel. Ginagawa umano ito ng imperyalistang US para panatilihin ang kontrol sa mga rekurso at mamamayan ng bansang kanilang kinukubabawan at supilin ang mga tumutuligsa sa kanilang mapagsamantalang mga intensyon. Sa Pilipinas, anila, ginagawa ito sa pamamagitan ng mga kaso ng Red-tagging, pagdukot, pag-aresto at maging pagpaslang.
Liban dito, naniniwala ang konseho na manipestasyon din ng pagkubabaw ng US sa Pilipinas ang pagpapanatili sa kolonyal, komerysalisado at mapanupil na sistema ng edukasyon sa bansa. “Ang sistema ng edukasyon ay nananatiling naka-angkla sa Kanluraning sistema ng edukasyon na nagtataguyod ng komersyal at indibidwalistang kultura,” ayon sa konseho.
Kaugnay nito, hinimok ng UPM USC ang administrasyon ng unibersidad na “abisuhan at konsultahin ang mga estudyante kaugnay ng mga kaganapan at pakikipagtulungan nito sa iba’t ibang institusyon.” Anila, mayroon silang karapatang malaman kung sino ang pumapasok sa kampus bilang bahagi ng komunidad ng UPM.
Kahapon lamang, Pebrero 1, napaatras ng mga estudyante ng UP Diliman ang porum ng US Air Force na ilulunsad sana nito sa College of Science. Mahigit 46 organisasyon at 464 indibidwal ang pumirma sa petisyon para ikansela ang naturang porum. Giit nila, ang abanteng teknolohiya ay di dapat gamitin para sa mga krimen sa digma, katulad ng ginagawa ngayon ng US sa Palestine.
https://philippinerevolution.nu/angbayan/lektura-ng-usaid-sa-up-manila-binatikos-ng-mga-estudyante/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.