February 02, 2024
Nagtapos ngayong araw, Pebrero 2, ang 10-araw na pagbisita ng UN Special Rapporteur para sa pagtataguyod at pagtatanggol sa karapatan sa malayang pagbibigay ng opinyon at pagpapahayag para siyasatin ang kalagayan nito sa Pilipinas. Kabilang sa pinagtuunan niya ng pansin ay ang mga gawi na nakaaapekto sa malayang pagpapahayag tulad ng Red-tagging, harasment at ligal na panggigipit.
Sa kanyang press conference, ipinanawagan niya ang pagbuwag sa NTF-Elcac na aniya’y “lipas na” at “tagapagtulak” ng Red-tagging.
“Diretsahan kong tinanong ang gubyerno kung mayroon ba itong patakaran sa Red-tagging at sinabi nilang hindi nila ito inieendorso o hinihikayat. Gayunpaman, klaro ang ebidensya: Ginagawa ng mga pwersang panseguridad (ng estado) ang Red-tagging at terror-tagging bilang bahagi ng estratehiyang kontra-terorismo.”
Inirekomenda rin ni Khan ang pag-“unblock” o pagtanggal sa restriksyon sa mga progresibong website na ipinataw ng reaksyunaryong estado.
Ang rekomendasyong ito ay mula sa pakikipagdayalogo ni Khan sa iba’t ibang grupo ng midya at iba pang demokratikong sektor, at kahit sa mga upisyal at armadong pwersa ng estado. Binisita rin niya sa kulungan sa Tacloban ang nakakulong na mamamahayag na si Frenchie May Cumpio ng independyenteng midya na Eastern Vista at dalawa pa niyang kasama.
Pangalawang pagkakataon nang inirekomenda ng isang espesyal na tagapag-ulat ng United Nations (UN) ang pagbubuwag sa National Task Force-Elcac. Noong Nobyembre 2023, ito na rin ang rekomendasyon ni Ian Fry, ang UN special rapporteur para sa pagtataguyod at pagtatanggol ng karapatang-tao sa konteksto ng climate change. Tulad ni Khan, nakipagpulong si Fry sa iba’t ibang demokratikong sektor sa bansa.
Malugod na tinanggap ng Altermidya, network ng mga alternatibong midya at mamamahayag sa komunidad, ang mga rekomendasyon ni Khan.
“Sinusuportahan ng alternatibong midya ang rekomendasyon ni Ms. Khan para sa pagbubuwag sa NTF-Elcac, gayundin ang pagpapanagot sa mga tagapagtaguyod ng Red-tagging,” pahayag ng grupo matapos ang press conference. Dapat ding ibasura ang Executive Order No. 70 na batayan ng pagkakatatag ng ahensyang ito.
Ikinalugod din ng grupo ang pagbisita ni Khan sa myembro nitong si Cumpio at pagpanawagan para sa kanyang kagyat na pagpapalaya. Si Cumpio ang pinakabatang mamamahayag na nakakulong sa Pilipinas. Nagdiwang siya ng kanyang ika-25 kaarawan ilang araw bago ang bisita ni Khan. Iligal siyang inaresto, kasama ang dalawa pa, noong 2020. Ayon kay Khan, ang matagal nang pagkukulong kay Cumpio ay “justice delayed, justice denied.”
Nagpasalamat naman ang National Union of Journalists of the Philippines kay Khan sa pagtutulak nito ng mga rekomendasyon para sa proteksyon ng mga mamamahayag at kalayaan sa pamamahayag.
“Nakikiisa kami sa mga pananaw ni Ms. Khan tungkol sa Red-tagging, at sang-ayon kami na dapat nang buwagin ang NTF-Elcac,” anito. Ikinalugod din ng NUJP ang pusisyon ni Khan laban sa Cybercrime Prevention Act na aniya’y pumipigil sa media freedom, partikular ang probisyon nito sa cyberlibel.
“Panahon na para gawing di-kriminal ang libel sa Pilipinas,” ayon sa NUJP.
https://philippinerevolution.nu/angbayan/pagbuwag-sa-ntf-elcac-inirekomenda-ng-espesyal-na-tagaulat-ng-un/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.