January 16, 2024
Pinasok ng limang elemento ng Philippine Army Scout Ranger lulan ng isang trak ng militar ang komunidad ng Lupang Ramos sa Dasmariñas, Cavite noong Enero 15. Binatikos ng Katipunan ng mga Lehitimong Magsasaka at Mamamayan sa Lupang Ramos (Kasama-LR) ang pagpasok ng mga sundalong may dalang matataas na kalibre ng armas sa kanilang komunidad. Anila, paninindak at panggigipit sa mga residente at magsasaka ang pakay ng mga ito.
Ayon sa ulat ng Kasama-LR, hindi awtorisadong pumasok ang mga sundalo at nang komprontahin ay nagkasa ng baril ang isa sa kanila para takuhin ang mga magsasaka. “Ito ay isa lamang sa serye ng mga pagtatangkang pagpasok ng militar at kapulisan sa komunidad ng Lupang Ramos at ang serye ng red-tagging sa mamayan at magsasaka ng aming komunidad,” ayon pa sa grupo.
Sa pamumuno ng Kasama-LR, nakikibaka ang mga magsasaka ng Lupang Ramos para sa kanilang karapatan sa 372 ektaryang lupain na pag-aari ng mga lehitimong magsasaka at mamamayan sa komunidad. Inaagaw ang lupa ng National Grid Corporaton of the Philippines’ (NGCP) na nais magtayo ng mga poste ng kuryente sa lupa simula pa 2014.
Mag-iisang dekada na ang pakikibaka ng mga magsasaka ng Lupang Ramos para ipaglaban ang kanilang karapatan sa lupa. Hanggang sa kasalukuyan ay nilalabanan nila ang pang-aagaw sa pamamagitan ng mga kampanyang barikada at sama-samang bungkalan.
Giit ng Kasama-LR, patuloy silang lalaban para sa kanilang karapatan sa lupa. Dapat umanong patuloy na biguin ng mga magsasaka ang panggigipit at panghaharas ng mga sundalo dahil lantaran itong paglabag sa kanilang mga karapatan at nagsasapanganib sa kanilang buhay at kaligtasan.
https://philippinerevolution.nu/angbayan/mga-magsasaka-ng-lupang-ramos-sa-cavite-sinisindak-ng-militar/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.