January 17, 2024
Inaresto ng mga pwersa ng estado ang limang sibilyan sa Masbate noong nakaraang linggo. Ang lima na sina Jamara Tumangan, Rowel Hagnaya, Alden Tumangan, Rico Cuyos at Senen Dollete ay inaakusahan na mga Pulang mandirigma na naka-engkwentro ng 2nd IB sa Barangay Balantay, Dimasalang noong Hunyo 16, 2023.
Itinanggi ito ng mga biktima at iginiit na, katunayan, sila ay mga sibilyang biktima ng pamamaril ng mga sundalo. Ang pamamaril na ito ay nagresulta pa sa pagkamatay ng noo’y kasama nilang 17-anyos na si Rey Belan.
Nangangaso ang mga biktima sa gubat nang makasalubong at pinaulanan sila ng bala ng nag-ooperasyong tropa ng 2nd IB bandang alas-3:35 ng hapon. Nauna nang pinasinungalingan ng mga residente at kaanak ng mga biktima ang palabas ng militar na isang “engkwentro” ang naganap noong Hunyo 2023.
Wala na ngang hustisya para kay Belan at kanyang mga kasamahan, ngayon ay inaresto pa ang mga biktima, pahayag ng BHB-Masbate. “Sa ilalim ng batas militar sa Masbate, ang biktima ang nagiging kriminal, at ang kriminal ang nagiging biktima,” ayon kay Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng BHB-Masbate.
Ayon pa kay Ka Luz, ginawa ito ng 2nd IB para pagtakpan ang kanilnag karumal-dumal na krimen at baluktutin ang katotohanan. “Nangangamba ang rebolusyonaryong kilusan na hindi lamang sina Belan, Tumangan at mga kasamahan ang makaranas ng ganitong paglapastangan kundi maging ang iba pang biktima at kanilang kaanak,” pahayag pa niya.
Ipinabatid ng yunit ng BHB sa prubinsya na magsisikap ito para mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng pasistang paghahari ng militar.
https://philippinerevolution.nu/angbayan/mga-biktima-ng-pamamaril-ng-2nd-ib-kinasuhan-at-ikinulong/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.