Tuesday, May 2, 2023

CPP/NPA-Batangas: Pinakamataas na Pagpupugay kina Kasamang Benito at Wilma Tiamzon at mga Martir ng Catbalogan!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (May 1, 2023): Pinakamataas na Pagpupugay kina Kasamang Benito at Wilma Tiamzon at mga Martir ng Catbalogan! (Highest Tribute to Comrade Benito and Wilma Tiamzon and Martyrs of Catbalogan!)



Gregorio Caraig
Spokesperson
NPA-Batangas (Eduardo Dagli Command)
Southern Tagalog Regional Operational Command (Melito Glor Command)
New People's Army

May 01, 2023

Pinakamataas na pagpupugay ang iginagawad ng Eduardo Dagli Command – NPA Batangas kina Kasamang Benito at Wilma Tiamzon, mga natatangi at huwarang lider at guro ng rebolusyong Pilipino at sa 8 pang kasamang namartir mula sa kamay ng pasistang kaaway sa Catbalogan, Samar noong Agosto 2022.

Labis na hinagpis at paghihimagsik ang nararamdaman ngayon ng rebolusyonaryong mamamayan ng Batangas sa karumal-dumal na pagpaslang ng pasistang AFP at tropang militar ng US sa ilalim ng berdugo at ilehitimong rehimeng US-Marcos sa ating mga dakilang kasama, lider at guro ng rebolusyong Pilipino na sina Kasamang Benito at Kasamang Wilma Tiamzon, gayundin sa 8 pang mga kasamang martir. Sadyang sukdulan na ang kaitiman ng budhi at desperasyon ng AFP na durugin ang makatarungang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan. Sa pag-aakala nilang maaampat ang rebolusyonaryong pagdaluyong ng nag-aalsang mamamayan, nilaanan nito ng milyun-milyong pondo, pwersa at makabagong mga kagamitang pandigma, katuwang ang pasistang tropa ng imperyalistang US, upang mapaslang ang itinuturing nilang pinuno ng rebolusyonaryong kilusan.

Subalit, nagkakamali ang AFP kung inaakala nilang maghahatid ito ng malaking pinsala at demoralisasyon sa hanay ng rebolusyonaryong kilusan na malaon nang nakalatag sa buong bansa sa loob ng 54 na taon. Ang rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan ng pinakamamahal nating Partido Komunista ng Pilipinas, ay malaon nang nakakalat at umugat na sa maraming larangang gerilya sa mga probinsya at bayan-bayan sa buong bansa. Ang mga kadre ng Partido, mga mandirigma ng BHB at rebolusyonaryong baseng masa sa loob ng mahigit 5 dekadang pakikibaka para sa pambansang demokrasya ay pinanday na ng maraming hirap, sakripisyo at matitinding atake ng kaaway na magiting at paulit-ulit nitong nilalaban, binibigo at pinapangibabawan. Hindi kailanman mapapadapa ang rebolusyonaryong kilusan saan mang panig ng bansa, anumang tindi ng hagupit at karahasan ang ilukob ng sagad sa kasamaang estado ng naghaharing uri.

Ang masang magsasaka, manggagawa at buong masang anakpawis ay malaon nang mulat sa tunay na kalagayan at ugat ng kahirapang patuloy na naglulugmok sa ating bayan dahil sa tatlong salot ng lipunan – ang imperyalismong US, ang pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Paulit-ulit mang hagupitin ng panunupil ang ating rebolusyonaryong baseng masa, hukbo at pinakamamahal nating Partido, paulit-ulit din itong bumabangon, lumalaban at nagpapalakas upang dalhin ang rebolusyon sa mas mataas na antas hanggang tagumpay.

Sa kasalukuyan, labis nang inilulugmok ng kronikong krisis ng mala-kolonyal at malapyudal na lipunan ang mamamayan ng Batangas. Labis na pahirap ang hatid sa mamamayan ng nagpapatuloy na programa ng estado sa pagbuyangyang sa ating likas yaman at agrikultura sa mga dayuhan. Hindi bababa sa 29,000 ektarya ng kalupaan ng Batangas ang sasaklawin ng mapaminsalang proyektong pagmimina ng tambalang MRL-Bluebird Ventures Inc. sa mga bayan ng San Juan, Rosario at Lobo, bukod pa ang mahigit 11,000 ektaryang Kalupaan na sasaklawin naman ng dayuhang pagmimina ng Asian Arc Mining sa bayan ng Taysan. Wawasakin ng proyektong ito hindi lamang ang kabundukan, kundi maging ang yamang lupa at karagatan kabilang ang tinaguriang center of the center of marine biodiversity sa buong mundo – ang Verde Island Passage.

Kamakailan lang, muling ipinangalandakan ng estado ang pagtatayo naman ng Batangas Forest City sa kabundukan ng Banoy. Humigit kumulang 300 ektaryang kalupaan at kabundukan ang itatransporma nito sa isang syudad para sa mayayaman na tiyak magpapalayas na naman sa libu-libong mamamayang naninirahan dito. Humigit 35 barangay naman ng Batangas City ang tatamaan ng planong internasyunalisasyon ng Batangas Pier kung saan inilalako ito ngayon ng gubernador na si Hermilando Mandanas sa mga dayuhang mamumuhunan upang magsilbing lagusan ng mga likas-yamang dadambungin mula sa ating lalawigan, tulad ng ginto at iba pang mineral na ilalabas nang buong-buo sa ibang bansa.

Sadlak sa krisis ang industriya ng asukal at niyog na siyang pangunahing produkto ng mga magsasaka sa ating lalawigan. Kamakailan lang, humigit 12,000 magsasaka ang apektado ng pagsasara ng Central Azucarera de don Pedro na pag-aari ng mga Roxas sa Nasugbu, Batangas. Hindi bababa sa 500,000 tonelada ng tubo ang hindi na nailo at nangabulok na lamang dahil sa biglaan at di-makatwirang pagsasara ng sentral na nakatuon na sa pagpapalit gamit ng lupa at malawakang pagtatanggal sa trabaho ng kasalukuyang mga empleyado nito. Kamakailan lang, muling ipinapakana ng Department of Agriculture (DA) ang malakihang importasyon ng palm oil, na sa kagyat na hinaharap ay muli na namang pipinsala sa industriya ng kopras at labis na magpapababa sa presyo nito. Tiyak na maaapektuhan na naman nito ang mga maliliit na magniniyog at maralitang magsasaka sa ating lalawigan.

Sa ilalim ng ganitong krisis sa kabuhayan at labis-labis nang kahirapan na dinaranas ng mamamayang BatangueƱo, sa halip na sinserong lutasin ang suliranin ng mamamayan, karahasan at patung-patong na paglabag sa karapatang pantao ang tugon dito ng estado ng naghaharing uri. Mula Enero 2022, ipinakat sa lalawigan ang berdugong tropa ng 59th Infantry Battalion ng Philippine Army upang maglunsad ng focused military operations sa mga nakikibakang komunidad sa ilalim ng direktang pangangasiwa sa operasyon ng 201st Infantry Brigade.

Noong 2022, umabot sa humigit kumulang 1,500 pasistang kasundaluhan ang kumuyog sa mga kabundukan at mga baryo sa kanayunan ng Batangas sa imbing layuning durugin ang New People’s Army at maghasik ng teror sa rebolusyonaryong baseng masa. Walang pakundangang pinatay ng 59th IB ang dalawang sibilyan, kabilang ang isang 9-na anyos na batang si Kyllene Casao sa Brgy. Guinhawa, Taysan at ang isang 50-anyos na magsasakang si Maximino Digno sa bayan ng Calaca na walang-awa nilang pinagbabaril at pinalabas na diumano ay napatay ng NPA sa mga pekeng labanan na ipinakana nila. Maramihang tinakot at sapilitang pinasuko ang mamamayan sa iba’t ibang baryo at bayan sa lalawigan, nilinlang at pinaniwalang bibigyan ng pabuyang Php25,000 pero sa katotohanan ay pinagkaperahan lamang nila at naging gatasan ang milyon-milyong pondong inilaan ng pasistang estado para sa mga diumano ay susukong NPA. Sa aktwal, hindi mga NPA kundi mga karaniwang masa ang paulit-ulit na ipinagmamalaki ng 59th IB na napapasuko nila.

Ilan lamang ang mga kalagayang ito na malinaw na nababatid, nasasaksihan at nararanasan ng mamamayang BatangueƱo sa pang-araw araw nitong pamumuhay. Ang masahol na kalagayan ng mamamayan, ang matinding paglabag at pagyurak sa karapatang pantao sa lalawigan at ang nagpapatuloy na papalalang krisis sa kabuhayan ng mamamayan dahil sa pagsasamantala at pandarambong ng mga dayuhan ang matabang kondisyon upang patuloy na hawakan at tahakin ng mamamayan ng Batangas ang landas ng rebolusyonaryong paglaban. Hindi mapapatid, hindi mapanghihina at lalong hindi maigugupo ng pagkawala ng pinakamamahal nating mga lider at kasama na sina Ka Benito at Wilma Tiamzon ang matinding paghahangad ng sambayanang Pilipino na lumaya mula sa pagka-api at pagsasamantala. Bagkus, apoy itong ibayong maglalagablab sa ating mga diwa at puso upang lalong paigtingin ang ating paglaban at kamtin ang hustisya para sa lahat ng mga biktima ng walang awang pamamaslang at karahasan ng estado at ng nagpapatuloy na pang-aapi at pambubusabos ng naghaharing uri sa lipunang Pilipino. Apoy itong kakalat hanggang sa kasuluk-sulukang bahagi ng kanayunan, hanggang sa bawat eskinita ng kalunsuran. Hangga’t may pang-aapi at pagsasamantala, ang maghimagsik ay makatarungan, ang demokratikong rebolusyong bayan lamang na pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas, katuwang ang BHB at ang Pambansa Demokratikong Prente na nagdiriwang ngayon ng ika-50 taong anibersaryo ng pagkakatatag nito, ang tanging solusyon upang wakasan ang tatlong salot sa ating lipunan.

Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!
Mabuhay sina Kasamang Benito at Wilma Tiamzon!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Pambansa Demokratikong Prente at ang sambayanang Pilipino!

https://philippinerevolution.nu/statements/pinakamataas-na-pagpupugay-kina-kasamang-benito-at-wilma-tiamzon-at-mga-martir-ng-catbalogan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.