Tuesday, May 2, 2023

CPP: Gunitain ang Mayo Uno na may higit na determinasyong ipaglaban ang interes ng uring manggagawa at buong bayan

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (May 1, 2023): Gunitain ang Mayo Uno na may higit na determinasyong ipaglaban ang interes ng uring manggagawa at buong bayan (Commemorate Mayo Uno with greater determination to fight for the interests of the working class and the entire nation)



Communist Party of the Philippines
May 01, 2023

Bilang pampulitikang partido at taliba ng uring manggagawang Pilipino, ipinapahayag ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang rebolusyonaryong pakikiisa sa malawak na masa ng uring manggagawang Pilipino at masang anakpawis sa paggunita ngayong taon sa makasaysayang araw ng Mayo Uno, Pandaigdigang Araw ng Uring Manggagawa.

Sa araw na ito, ibayo nating pag-alabin ang maka-uring determinasyong isulong ang mga pakikibaka ng masang manggagawa laban sa lumulubhang mga anyo ng pagsasamantala at pang-aapi at ang pakikibaka ng buong sambayanang Pilipino para sa tunay na kalayaan at demokrasya.

Papalala nang papalala ang kalagayan ng masang manggagawang Pilipino at kapwa anakpawis sa gitna ng sumisidhing krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal. Lalo pa ngayong lumalala ang mga anyo ng pagsasamantala at pang-aapi sa ilalim ng rehimeng US-Marcos na walang-awat ngayon sa pagtulak ng anti-manggagawa at anti-mamamayang mga patakarang pabor sa malalaking burgesyang komprador at mga dayuhang malalaking kapitalista.

Buong-lupit na ipinatutupad ngayon ng rehimeng US-Marcos ang mga patakarang neoliberal upang panatilihing mura at siil ang mga manggagawa at alisin ang lahat ng hangganan para sa kapitalistang pagsasamantala at pang-aapi.

Pangunahin sa mga patakarang ito ang pagpapanatiling napakababa ng sahod ng mga manggagawa na malayong mas mababa sa tunay na halaga ng lakas-paggawa ng mga manggagawa (o halaga ng pagkain at iba pang saligang pangangailangan ng mga manggagawa at ng kanilang pamilya). Bukod sa ginawang pagbaklas sa minimum na sahod (sa anyo ng tinaguriang “regionalization”), nariyan din ang “two-tier wage system,” at iba’t ibang iskema para hilahin nang hilahin pababa ang sahod ng mga manggagawa. Sinasamantala rin ng mga kapitalista ang kapit-sa-patalim na sitwasyon ng mayorya ng mga manggagawang Pilipino walang trabaho upang lalong ibaba ang sahod. Aabot sa 73% ng sinasabing may trabaho, ay walang regular na trabaho at pinagkakakitaan. Sa desperasyon, libu-libong Pilipino ang nangingibang-bayan para maghanap ng kabuhayan.

Inaapi at pinagsasamantalahan din ng mga kapitalista ang mga manggagawang Pilipino sa anyo ng laganap na kontraktwalisasyon (na ginawang ligal sa ilalim ng Herrera Law) at mga iskema ng “flexible employment.” Mayorya ng mga empresa at negosyo sa bansa ay nag-eempleyo mga manggagawang kontraktwal, na hindi binibigyan ng tamang sahod at mga benepisyo, at pinagkakaitan ng karapatan sa pag-uunyon at kolektibong pakikipagtawaran. Laganap ang mga kaso ng pagtatrabaho nang lagpas sa walong oras na walang bayad, at pagpapatrabaho sa mga di makatao o peligrosong kundisyon sa imbing layunin ng mga sakim na kapitalista na sagarin ang kanilang tubo.

Malaking mayorya ng mga pamilyang Pilipino ang nabubuhay nang kahig-tuka. Milyun-milyong manggagawa at mala-proletaryado ang lugmok sa hirap at gutom, laluna sa harap ng lumalalang kalagayan pang-ekonomya at panlipunan. Labis-labis ang pagdurusa sa harap ng mababang pasahod, mataas na tantos ng disempleyo, pang-aagaw o pagkakait ng kabuhayan, sumisirit na presyo ng pagkain at karaniwang bilihin, at malubhang kakulangan ng badyet ng estado sa kalusugan, edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan.

Walang mapapala ang masang anakpawis sa paghihintay sa anti-manggagawa at anti-mamamayang rehimeng US-Marcos. Mula maupo sa poder, nagtetengang-kawali si Marcos sa napakalakas na sigaw ng mga manggagawa para sa umento sa sahod, sa harap ng walang kapantay sa nagdaang dalawang dekada na tantos sa implasyon, at mga bigong pangakong mababang presyo ng bigas at mga bilihin.

Ang prayoridad ni Marcos ay mapasaya ang mga dayuhang malalaking kapitalista, at kasabay niyon, ang kanyang mga katotong malalaking negosyante tulad nina Ramon Ang, Lucio Tan, mga Cojuangco at iba, mga kamag-anak at mga alyado sa pulitika tulad ng mga Duterte, Arroyo, Romualdez at iba pa. Habang nagpapataw ng karagdagang buwis sa balikat ng sambayanan, kinakaltasan naman ng buwis ang malalaking kapitalista at mayayaman sa ilalim ng batas na CREATE. Maya’t maya ang biyahe ni Marcos sa ibang bansa upang magpasarap at maghanap ng mga kasosyong dayuhang mga bangko at kapitalista.

Kasuklam-suklam na ngayong Mayo Uno, sa halip na harapin ang mga manggagawang Pilipino, nagtungo si Marcos sa United States upang makipagpulong kay US President Biden, upang sementuhin ang mga kasunduan para sa pagtatayo ng karagdagang mga base militar ng US sa Pilipinas. Sunud-sunuran si Marcos na ipinagagamit ang Pilipinas sa US sa geopulitikal na estratehiya nito na palibutan ang China at mang-upat ng gera. Sa ganito, dinadamay ni Marcos ang Pilipinas at isinusugal ang kalayaan at buhay ng mga Pilipino sa imperyalistang gerang inuudyok ng US. Pakay din sa biyahe ni Marcos ang ayudang militar para sa brutal na gerang panunupil sa Pilipinas para supilin ang mga patriyotiko at rebolusyonaryong pwersang ng sambayanang Pilipino.

Napaka-importante na kumilos ang mga manggagawang Pilipino upang isulong ang kanilang kagalingan at mga kahingian, at ipaglaban ang interes ng buong sambayanan. Kailangang itaas ang antas ng kanilang organisadong lakas bilang bisig sa pakikibaka. Dapat patatagin, itayo o muling buuin ang mga unyon at iba pang anyo ng mga samahang manggagawa upang bigkisin ang milyun-milyong manggagawa at buuin sila bilang isang makapangyarihang pwersa ng pagbabago.

Dapat likhain ang isang malawak at makapangyarihang kilusang propaganda at pag-oorganisa sa masang manggagawa na umaabot sa pinakamaraming bilang ng mga unyon, pabrika at lugar ng pagtatrabaho, at mga komunidad. Tipunin ang mga manggagawa, talakayin ang kanilang kalagayan at mga hinaing, pag-isahin ang kanilang paninindigan, at itaas ang kapasyahang lumaban. Bigyang-alab ang diwa ng militanteng pakikibaka sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, welga at mga pagkilos sa lansangan. Itaas ang kamulatan para ipaglaban ang pambansa-demokratikong hangarin ng buong sambayanan, at makiisa sa pakikibaka ng uring manggagawa sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Kaalinsabay nito, dapat palalimin at palawakin ng Partido at mga rebolusyonaryong pwersa ang ugat nito sa masang manggagawa at anakpawis. Dapat puspusang itaas ang rebolusyonaryong at maka-uring kamulatan ng mga manggagawa. Buuin at palakasin ang kanilang mga rebolusyonaryong organisasyong masa. Pandayin ang libu-libong proletaryong rebolusyonaryo, rekrutin sila at tipunin sa parami nang paraming sangay ng Partido. Tipunin ang suporta para sa armadong pakikibaka, at magrekrut ng mga mandirigma at kumander para sa Bagong Hukbong Bayan, ang tunay na hukbo ng uring manggagawa at magsasaka.

Mabuhay ang uring manggagawang at masang anakpawis!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

https://philippinerevolution.nu/statements/gunitain-ang-mayo-uno-na-may-higit-na-determinasyong-ipaglaban-ang-interes-ng-uring-manggagawa-at-buong-bayan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.