Tuesday, May 2, 2023

CPP/NDF-MAKIBAKA: Pahayag ng MAKIBAKA sa Pangdaigdigang Araw ng Manggagawa

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (May 1, 2023): Pahayag ng MAKIBAKA sa Pangdaigdigang Araw ng Manggagawa (Statement by MAKIBAKA on International Workers' Day)
 


Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka)
National Democratic Front of the Philippines

May 01, 2023

Isang mainit na pagpupugay ang ipinapaabot ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan sa lahat ng manggagawa sa Pilipinas at buong mundo sa makasaysayan at makabuluhang Araw ng Paggawa. Sa gitna ng papatinding krisis ng imperyalismo, itinatala ng rebolusyonaryong kababaihang Pilipino ang mahigpit na pakikiisa sa kilusang manggagawa at iba pang uring inaapi at pinagsasamantalahan, para isulong at ipagtagumpay ang pambansa demokratikong rebolusyon upang hawanin ang landas patungong sosyalismo.

Ang magkakawing na krisis sa ekonomiya at politika ang higit na nagsasadlak sa mga manggagawa sa kadusta-dustang kalagayan. Ang mga dayuhang kapitalista at burgesya komprador sa buong bansa ay nag-uunahan sa kung sino ang magkakamal ng natitirang kayamanan ng bansa, kung gayon ay sino ang higit na makakapiga ng mas malaking tubo mula sa paggawa ng uring anakpawis. Samut-saring dahilan ang ibinibigay ng mga malalaking kapitalista upang iwasang harapin ang kahingian ng mga manggagawa para sa dagdag na sahod at iba pang benepisyo. Ginagawa pang sangkalan ang mga small and medium enterprises (SMEs) sa pagiging gahaman ng mga komprador. Walang intensyon ang mga gahamang kapitalista para hatian, kahit sentimo mula sa inangkin nilang tubo, ang mga manggagawang maylikha nito.

Maging ang benepisyong hinihingi tulad ng paid menstrual leave para sa mga kababaihang manggagawa, ilang araw na pahinga upang pangalagaan ang kalusugan sa panahon ng buwanang dalaw ay agad na isinasantabi, ginagawang katatawanan, o mas masahol ay ginagamit upang hatiin ang mga pagkakaisa ng mga kababaihang manggagawa. Mahirap paniwalaang ang mga kapitalistang nabibilang sa Fortune 500, ang listahan ng pinakamalalaki at mayayamang kompanya sa buong mundo, ay malulugi dahil sa pagtataas ng sahod sa P750 at pagbibigay ng ilang araw na pahinga sa pagtatrabaho sa mga kababaihan.

Wala namang pagpapanggap ang mga tauhang burukrata sa gubyerno sa pangunguna ng Presidenteng si Ferdinand Marcos, Jr. para pakinggan ang daing ng mga manggagawa para makaagapay sa gitna ng matinding krisis. Abala ang pangulo ng mga burgesya sa pag-e-entertain sa imperyalistang US para tulungan ito sa panghahamon sa gyera sa Asya. Sa katunayan, sa mismong Mayo 1 ay kausap nito si Joe Biden, Presidente ng imperyalistang US upang higit pang pagtibayin ang mga kasunduan sa ekonomiya at militar sa kapahamakan ng mga Pilipino. Sa kabilang banda, alumpihit naman sa pagpapakalama at pagtatanggol sa Tsina para hindi atrasan ang mga bilyones na pangako sa imprastraktura noong pang panahon ni Duterte habang may panibago na namang insidente ng pagpasok at pagbabanta ng mga coast guard ng Tsina sa ating teritoryo sa West Philippine Sea.

Tila isang palaruang ibinukas ang buong Pilipinas para sa napipintong gyera ng dalawang naglalakihang imperyalista, ipinaubaya nang walang pag-aatubili ang 5 na bagong lugar sa ilalim ng EDCA para sa pagkakampo at ehersisyong militar ng mga sundalong Amerikano nang walang pagsasaalang-alang sa kabuhayan at kaligtasan ng mamamayan at maging sa epekto nito sa kalikasan. Gagawing launching pad / lunsaran ng US ang Pilipinas sa kanyang proxy war laban sa Tsina. Katulad ng ginagawa nito sa Ukraine, patuloy ang pang-uupat sa Tsina na unang humakbang sa paggyera sa Taiwan upang mabigyang katwiran ang paghahanda para sa at mismong pagsali sa digmaan.

Ang napipintong gyerang ito para pag-agawan ang yaman at kapangyarihan sa pulitika sa Asya ay hindi gyera ng mamayang Pilipino, subalit tiyak na tayo ay direktang madadamay. Walang ibang isusubo sa kanyon para lumaban sa gyera ng mga imperyalista kundi mga manggagawa at kabataan, hindi ang mga burukrata, hindi ang mga heneral na kukuyakuyakoy lamang sa mga opisina. Ang pagkasira sa ekonomiya, pagkasira ng mga imprastraktura, at pagkamatay ng mga sibilyan at mamamayang isinusubo sa gyera ay nangangahulugan ng bilyong dolyar na kita ng mga imperyalista lalo na ng US, katulad ng kung paano pinagkakitaan at pinagkakakitaan ang mga gyera sa Gitnang Silangan, Aprika, at sa Ukraine.

Walang ni katiting na pakinabang ang mga manggagawa at mamamayang Pilipino sa mga ehersisyong militar na isinasagawa sa buong bansa. Sa halip ay gagamitin pa ang mga ito para sa higit na supilin ang mga demokratikong karapatan ng mga magsasaka at mga katutubo para sa lupa at maging sa pagsupil sa pag-uunyon at pagwewelga ng manggagawa. Dagdag pa, sa gitna ng kawalan ng trabaho at krisis ng implasyon, itutulak ng kahirapan ang maraming manggagawa at magsasakang kababaihan upang pumasok sa prostitusyon para pang-aliw sa mga dayuhan at lokal na sundalong bahagi ng exercises. Hindi din malayong magkaroon na naman ng mga kaso ng pagpatay, panggagahasa, at harassment sa mga kababaihan at bata sa mg lugar kung nasaan ang mga sundalong Amerikano.

Bukod sa pakikisali sa gyera ng mga imperyalista, abala din si Marcos, Jr. at mga alipores nya sa Kongreso at Senado sa paglalako ng mga kalupaan at ng buong Pilipinas sa mga dayuhang negosyo sa pamamagitan ng Charter Change. Walang ititira ang mga gahaman sa tubo para sa samabayang Pilipino at sa susunod na henerasyon dahil ibubukas nang buung-buo sa pagmamay-aring dayuhan ang mga kalupaan, likas na yaman, at mga negosyo sa Pilipinas. Nais ilagay mismo sa Saligang Batas ng Pilipinas ang mga polisiyang neo-liberalismo, na tanging malalaking lokal at dayuhang kapitalista lamang ang makikinabang at tiyak na papatay sa kabuhayan ng 90% ng mamamayang Pilipino, kabilang na ang mga maliliit na negosyante.

Isang malaking hamon kung gayon sa mga manggagawa na higit na palakasin at palawakin ang kilusang paggawa sa Pilipinas upang isakatuparan ang tungkulin nitong pamunuan ang demokratikong rebolusyong bayan sa Pilipinas. Ang pagpapalakas ng kilusang unyon, kabilang na ang pagpapadami ng mga unyonistang kababaihan, pagpapalakas ng kilusang welga at pagsanib sa malawak na demokratikong pwersa ng sambayanang Pilipino ay magtutulak para ipagtagumpay ang mga kahingian ng mga manggagawa para sa sahod at iba pang benepisyo. Ito ang magiging matibay na pananggalang natin laban sa tumitinding atake sa mga demokratikong karapatan ng mga mamamayang Pilipino. Ito din ang magiging matibay na pwersa para ipagtanggol ang mga soberanya ng bansa laban sa panghihimasok at pambubusabos ng mga imperyalista kabilang na ang US at Tsina.

Ang pagpapatibay ng pagkakaisa ng mga demokratikong pwersa ng sambayanang Pilipino ay magagawa lamang natin sa pamamagitan ng walang pagod at tuluy-tuloy na pagmumulat, pagoorganisa, at pagpapakilos sa pinakamalawak na sambayanang Pilipino. Kailangang pangunahan ng rebolusyonaryong kilusang kababaihan ang pag-abot sa pinakamalawak na bilang ng demokratikong pwersa ng kababaihan—mga magsasaka at katutubong inaagawan ng lupa, mga kabataang estudyanteng inaagawan ng kinabukasan at pilit na pinapalunok ng militaristang kultura, mga propesyunal na inilulubog sa utang at kahirapan, mga migranteng pinapabayaan at hinuhuthutan ng gubyerno, mga lokal at maliliit na negosyanteng na nilulugi at nilalamon ng mga burgesya komprador.

Isanib ang lakas ng lakas ng manggagawang kababaihan sa samabayanang Pilipino sa para sa tunay na kalayaan, hustisya, at pagkakapantay-pantay.

Mabuhay ang uring manggagawa!
Mabuhay ang kababaihang mangagawa!
Mabuhay ang rebolusyonaryong kababaihan!

https://philippinerevolution.nu/statements/pahayag-ng-makibaka-sa-pangdaigdigang-araw-ng-manggagawa/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.