Sunday, May 28, 2023

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Hustisya at “kambalingan,” panawagan sa ika-6 taong anibersaryo ng Marawi Siege

Ang Bayan Daily News & Analysis online propaganda posted to the PRWC Newsroom, the blog site of the Communist Party of the Philippines (CPP) Information Bureau (May 27, 2022): Hustisya at “kambalingan,” panawagan sa ika-6 taong anibersaryo ng Marawi Siege (Justice and "peace", a call on the 6th anniversary of the Marawi Siege (Justice and infidelity call on the 6th anniversary of the Marawi Siege)
 





May 27, 2023

Nagmartsa sa loob ng Marawi City ang mga bakwit at grupong Maranao sa ika-6 na taong anibersaryo ng pananalakay ng AFP sa syudad noong Mayo 23. Isinagawa nila ang “Solemn Walk for Justice and Peace” para patuloy na igiit ang hustisya at pagbabalik nila sa kanilang syudad.

Panawagan nila ang kambalingan (homecoming) na ligtas at may dignidad, hindi lamang sa kanilang mga buhay kundi pati na sa kanilang identidad bilang mga Meranao. Kasama sa martsa ang mga residenteng may mga kaanak na napatay o nawala sa panahon ng pananalakay at hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan.

“Sa ika-anim na taong paggunita ng Marawi siege ay muling ipinapahayag naming mga bakwit ng Marawi na walang substansyal na pagbabago sa aming buhay, nananatlili pa rin kaming bakwit na nahaharap sa samutsaring problema at kahirapan,” pahayag ng Reclaiming Marawi Movement sa naturang araw.

Sa tala ng ReliefWeb, mayroon ang 80,300 katao o 16,070 pamilya na hindi pa rin nakauuwi sa kanilang lugar. Nasa 70% sa kanila ay nananatili sa kanilang mga kamag-anal, habang mayroon pa ring natitira sa mga pansamantalang tirahan. Wala na ngang katiyakan ng kanilang kalagayan sa mga tirahang ito, kulang pa ang mga ito sa tubig at puno na ang mga septic tank. Isa sa pinoproblema nila ang banta ng pagpapalayas sa sobrang tagal nang mga temporary shelter, tulad nang nangyari sa Bakwit Village I sa Matungao, Lanao del Norte na napilitang ilipat sa Dulay Temporary Shelter na napakalayo na sa syudad.

Sa Metro Manila, isinagawa ng Sandugo-Movement of Moro and Indigenous Peoples for Self-Determination ang isang pagtitipon para gunitain ang pambobomba sa Marawi at ang kasabay nitong pagpataw ng batas militar sa buong Mindanao.

Sa Davao City, nagpiket naman ang mga demokratikong grupo para gunitain ang pagpataw ng batas militar sa Marawi at sa buong Mindanao anim na taon na ang nakararaan. Nagbunga ito ng napakaraming paglabag sa karapatang tao, kabilang na ang walang pakundangang pambobomba at ekstra-hudisyal na pamamaslang sa mga sibilyang Moro. Marami sa mga ito ay ipinalabas ng estado na myembro ng nakalaban nitong grupong Maute sa syudad.
Kumpensasyon sa mga biktima

Sa araw na iyun, pinirmahan ang Implementing Rules and Regulations ng Republic Act 11696 o Marawi Siege Victims Compensation Act, ang lubha nang naantalang kumpensasyon sa mga biktima ng pananalakay. Matagal na nila itong hinihintay para makabalik na sila sa kanilang dating lugar at masimulan ang pagtatayo ng kanilang nasirang mga bahay at ari-arian. Ang malala, naantala na nga, lubha pa itong mababa. Aminado maging ng mga upisyal ng Marawi na kulang na kulang ang matatanggap na kumpensasyon ng mga biktima.

Alinsunod sa batas, makatatanggap ang bawat pamilyang nawalan ng kamag-anak nang P350,000. Makatatanggap naman ng P35,500 kada kwadro metro ang mga may-ari ng mga bahay na sementado na nawasak at P18,000 kada kwadrado metro ang matatanggap ng mga may-ari ng nawasak na bahay na gawa sa kahoy. Gayunpaman, naglaan lamang ang estado ng P1 bilyong pondo para sa kabuuang kumpensasyon. Ayon sa mga residente, lubha itong mababa lalupa’t buu-buong mga ospital, paaralan at iba pang pribadong negosyo at gusali ang pinulbos ng militar sa araw-araw nitong pambobomba sa syudad.

Malayong-malayo ito sa taya ng Asian Development Bank noong 2018 na P11.5 bilyong halaga ng nasirang mga pampubliko at pribadong mga ari-arian, at P7 bilyon na pinsala sa kabuhayan ng mamamayan.

Higit dito, nananatili ang panawagan ng mamamayang Meranao para sa hustisya. “Totoo na isa ang compensation sa mekanismo para makamit ang transitional justice at dapat at kinakailangan na hangarin ng lahat ang hustisya,” anila. “Pero bago ang lahat, dapat na may pagkilala sa mga naging inhustisya at kung ano ang mga ito, kinakailangan na maipahayag ang katotohanan at mapanagot ang mga gumawa sa anyo man ng pagkukulang at mga kalabisan. Sa ganitong paraan lamang masisimulan ang proseso sa pagkamit ng hustisya at maghilom ang mga sugat.”

Samantala, patuloy na inookupa ng militar ang syudad. Mula 2017, umaabot sa 3,000 sundalo, o isang “supersized brigade” ang permanenteng nakatalaga sa syudad para diumano sa seguridad. Binubuo ito ng 103rd IBde, isang engineering brigade, isang yunit para sa Civil Military Operations at isang logistics team. Liban sa kanila, naglipana ang mga sundalong Amerikano sa syudad, laluna sa tinaguriang Ground Zero, kung saan itinatayo ang isang kampong militar.

Noong Mayo 22, pormal na inilunsad ang Task Force Marawi na binubuo ng 103rd IB, Philippine National Police at mga upisyal ng lokal na gubyerno. Ang pormasyong ito ay katulad sa itinayo sa ibang syudad sa Mindanao.

https://philippinerevolution.nu/angbayan/hustisya-at-kambalingan-panawagan-sa-ika-6-taong-anibersaryo-ng-marawi-siege/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.