Sunday, May 28, 2023

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Mga akusasyon ng AFP kontra sa mga Lumad sa Davao, ibinasura ng korte

Ang Bayan Daily News & Analysis online propaganda posted to the PRWC Newsroom, the blog site of the Communist Party of the Philippines (CPP) Information Bureau (May 28, 2022): Mga akusasyon ng AFP kontra sa mga Lumad sa Davao, ibinasura ng korte (Accusations by the AFP against the Lumads in Davao, dismissed by the court)






May 28, 2023

Nakalaya noong Biyernes, Mayo 26, ang magkapatid na Lumad na sina Ismael Pangadas at Mawing Pangadas, at ang mga boluntir na guro sa paaralang Lumad na sina Lerna Laiwan Diagone, Jeffrey Diagone at development worker na si Elenita Elmino matapos silang ipawalang-sala sa gawa-gawang kasong human trafficking na isinampa laban sa kanila. Nakulong ang lima nang walo hanggang 10 buwan.

Ang magkapatid na Pangadas ay inaresto sa Davao City noong Hulyo 25, 2022 matapos dumalo sa protesta kontra sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Ferdinand Marcos Jr. Ang magkapatid ay mga Manobo na mula sa bahagi ng Pantaron Range na saklaw ng Talaingod, Davao del Norte. Samantala, ang mag-asawang Diagone kasama ang kanilang noong 9-buwang anak ay inaresto ng 39th IB noong September 6, 2022.

Sa mga desisyon ng korte, bigo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na patunayan ang krimeng ibinintang sa lima dahil sa mahihinang ebidensya.

Binati ng grupong Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas ang paglaya ng lima. Ayon sa grupo, ang pagpapawalang-sala sa mga “kasapi at tagasuporta ng mga eskwelahang Lumad ay nagpapatibay sa laban para sa…edukasyon na nakaugat sa kaalamang Katutubo, siyentipikong konsepto ng sustainability, at dekolonisadong pamamaraan sa kasaysayan.”

Pinagpugayan din ng grupo ang kahandaan ng mga bagong-laya na ipagpatuloy ang kanilang pakikibaka at pakikiisa sa laban para sa sariling pagpapasya ng mga pambansang minorya.

Giit ng grupo, ang paglaya ng lima ay isa lamang unang hakbang. Nangako rin ang grupo na igigiit ang pananagutan at pagpapanagot sa mga sangkot sa hindi makatarungang pagkukulong sa lima nilang kasamahan.

Samantala, patuloy ang panawagan ng mga grupong sumusuporta sa mga pambansang minorya na tuluyan nang ibasura ang mga gawa-gawang kaso sa binansagang Free Lumad and Environmental Defenders (FLED) 14, kung saan kabilang ang lima. Ang FLED 14 ay mga katutubong Lumad at tagapagtanggol ng karapatang-tao na binubuo ng anim na estudyanteng Lumad, anim na mga guro ng paaralang Lumad at dalawang lider ng komunidad, na ginigipit ng estado dahil sa kanilang pagtindig para sa lupang ninuno.

https://philippinerevolution.nu/angbayan/mga-akusasyon-ng-afp-kontra-sa-mga-lumad-sa-davao-ibinasura-ng-korte/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.