Wednesday, February 15, 2023

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Pagbabalik ng harapang klase sa UP, sinalubong ng protesta

Ang Bayan Daily News & Analysis online propaganda article posted to the Philippine Revolution Web Central site of the Communist Party of the Philippine (Feb 15, 2023): Pagbabalik ng harapang klase sa UP, sinalubong ng protesta (Return of face-to-face classes in UP, met with protest)






February 15, 2023

Ang muling pagbabalik sa harapang porma ng klase sa mga kampus ng University of the Philippines (UP) sa buong bansa ay sinalubong ng mga kilos-protesta ng mga iskolar ng bayan noong Pebrero 13. Binansagan nila itong ‘First Day Fight.’ Binuksan na ang mga kampus para sa harapang klase matapos ang ilang taong pagkakasara dulot ng pandemyang Covid-19.

Sa UP Diliman, nagmartsa ang mga iskolar ng bayan sa kampus sa pangunguna ng University Student Council (USC)-UP Diliman at mga progresibong organisasyong pangkampus. Ipinanawagan nila ang pagtataguyod ng libre, dekalidad, at pangmasang edukasyon para sa lahat. Liban dito, nagkaisa ang mga estudyante sa pagtataguyod ng kalayaang akademiko sa harap ng bantang panghihimasok ng mga armadong pwersa ng estado sa mga kampus ng UP.

Ipinabatid din ng mga grupo ng kabataan ang pagtutol sa mapanupil at pasistang pakanang ROTC o Reserve Officers’ Training Corps ng rehimeng Marcos. Nagsalita sa programa ang bagong luklok na presidente ng UP na si Atty. Angelo Jimenez.

Sa pahayag ni Latrell Felix, chairperson ng konseho ng mag-aaral, hinamon niya ang pamunuan ng UP na pahigpitin ang pakikipagkaisa sa komunidad nito para sa paglaban sa anumang banta sa kanilang mga demokratikong karapatan mula sa armadong pwersa ng rehimeng Marcos. Kabilang dito ang pagtatanggol sa kalayaang pang-akademiko, pagtitiyak ng tunay na representasyon ng mga mag-aaral at pagbibigay ng batayang serbisyo.

Sa UP Los Baños, nagprotesta ang mga estudyante at organisasyon sa Carabao Park sa loob ng kampus. Nagkaisa sila para sa panawagang dagdag-badyet sa unibersidad at pagtugon ng pamantasan sa kakulangan ng mga klase at pasilidad sa kampus. Matapos ang programa dito, nagmartsa ang ilampung iskolar ng bayan tungong UPLB Freedom Park.

Nagsalita sa programa sa Freedom Park si Siegfred Severino, rehente ng mga mag-aaral ng UP. Ang naturang protesta rin ang nagbukas sa inilulunsad na UP Los Baños February Fair na nagtatampok ng iba’t ibang isyung panlipunan.

Naglunsad din ng mga protesta ang mga kabataan at progresibong organisasyon sa UP Cebu, UP Manila, at UP Mindanao sa parehong araw. Binatikos ng mga kabataan sa mga protestang ito ang panunupil ng estado at walang tigil na red-tagging sa mga progresibo at ang mga neoliberal na patakaran sa edukasyon na nagpapahirap sa mga kabataan.

Nauna nang nagsagawa ng First Day Fight ang mga estudyante ng UP Baguio noong Pebrero 7 nang buksan ang klase sa kanilang kampus.

https://philippinerevolution.nu/angbayan/pagbabalik-ng-harapang-klase-sa-up-sinalubong-ng-protesta/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.