Tuesday, March 8, 2022

CPP/NDF-MAKIBAKA: Pahayag ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan

Posted to PRWC Newsroom, the blog site of the Communist Party of the Philippines (CPP) Information Bureau (Mar 8, 2022): Pahayag ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan (Statement of the New Women's Patriotic Movement (MAKIBAKA) on International Women's Day)



MAKABAYANG KILUSAN NG BAGONG KABABAIHAN (MAKIBAKA)
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT

March 8, 2022

Magpakatatag, magpalakas, magkaisa! Wala nang iba pang mas mabisang paraan upang mawakasan ang pang-aapi, pagsasamantala, at pambubusabos ng imperyalismo sa kababaihan ng daigdig kundi ang walang pagod na pagsisikhay tungo sa rebolusyonaryong tagumpay!

Nasasaklot sa imperyalistang gyera ang daigdig. Bago pa man ang sigalot sa Ukraine, matagal nang nagpapahirap sa kababaihan sa maraming bayan ang mga mga gyerang agresyon at interbensyon ng imperyalismo, sa pangunguna ng Estados Unidos. Sa gitna ng ganitong kahirapan, patuloy na lumalaban at nag-aarmas ang kababaihan at mamamayan upang igiit ang kanilang karapatan at kalayaan. Tiyak na kabahagi ang mga kababaihan sa rehiyon ng Donbass sa Ukraine at sa iba pang bahagi ng mundo sa ganitong paglaban.

Sa Pilipinas, ang pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan ngayong taon ay pagtatala ng lakas ng kababaihan sa nayon at mga lungsod, armado at di armado – laban sa pagpapatuloy ng pasismo at kalupitan ng rehimeng Duterte at sa panunumbalik ng mandarambong at pasistang mga Marcos. Sa araw na ito, alalahanin at pagpugayan natin ang mga kababaihang nag-alay at patuloy na nag-aalay ng buhay at nakikibaka upang biguin ang marahas at pahirap na mga papet na rehimen.

Sa gitna ng mga pangakong pagbabago at pag-unlad ng mga kandidato sa reaksyunaryong eleksyon, pinagtatakpan ng mga politiko ang katotohanang sa loob ng isang bulok na sistemang panlipunan, ang kahirapan at pagkabusabos ng mamamayan ay pinalalala ng mga patakarang sila din ang lumikha at nagpapatupad.

Ang mga neo-liberal na polisiyang tulak ng imperyalismo at ipinatupad mula pa sa panahon ng Martial Law ang bumarat at nagpako sa sahod ng mga manggagawa at mga kawani at nagtulak sa pagbenta ng lakas paggawa ng ating mga kababayan sa ibang bansa sa napakamurang halaga. Ito rin ang nagpalala ng pag-agaw ng lupa at nagpalayas sa mga magsasaka at mga katutubo at ang nagtiyak ng paglamon ng mga dambuhalang negosyo sa maliliit at nagsasariling lokal na negosyo. Tiniyak nito ang pagsasapribado ng mga serbisyong pampubliko lalo na ng kalusugan na sya sanang magsasalba sa atin sa hagupit ng pandemya. Itinulak din ang oil deregulation law na syang naglagay ng kontrol ng presyo ng langis sa kamay ng oil cartel. Ang umano’y epekto ng gyera sa Ukraine sa walang ampat na pagtaas ng presyo ng langis ay naglalantad ng kawalan natin ng ekonomiyang nagsasarili at hindi umaasa sa importasyon. Pinalala at pinagtibay ng imperyalismo ang kultura at kaisipang mapang-api at mapagsamantala sa kababaihan.

Sadlak ang mayorya ng kababaihan sa matinding kahirapan dahil sa papet at pasistang rehimeng Duterte. Noong 2020, 19.4 milyong kababaihang Pilipino ang walang katiyakan sa kabuhayan o economically insecure.i Pinalala pa ng krisis ang pyudal-patriyarkal na kultura na nagresulta sa pagdami at paglala ng mga kaso ng karahasan sa kababaihan at bata. Higit na naging bulnerable sila sa abuso at nasasadlak sa online prostitution. Tuluy-tuloy at dumadami din ang naitalang pang-aabuso ng mga pulis at sundalo, ginagamit ang karahasan sa kababaihan kasabay ng pasistang panunupil.

Para maigiit at mapanatili ang neo-liberal na patakaran, awtomatik din sa mga nagdaang rehimen ang paglalagay ng mas malaking budget sa ahensyang nagpapatupad ng pasismo. Ang National Task Force To End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ay tumanggap ng P10.8 Bilyong budget para sa 2022 para mangampanya at magsagawa ng mga malupit at iligal na operasyon laban sa mga rebolusyonaryo at mga indibidwal na ni-re-redtag nito. Habang ang 4.2 milyong Pilipinoii ang nagugutom, patuloy ang pagwawaldas ng rehimeng Duterte ng bilyun-bilyon sa pagbili ng mga fighter jets at iba pang gamit panggyera.

Madilim ang hinaharap ng kababaihang Pilipino kung hahayaang mamayagpag ang tambalang Marcos at Duterte (MaD). Gamit ang kinurakot ng mga rehimen ng kanilang mga ama, bukambibig ng MaD ang ‘pagkakaisa’ at pagpapatuloy ng ‘simulain ng kanilang mga ama.’ Para sa maraming kababaihan, ang pagkakaisang ito ay pagkakaisa ng mga naghaharing-uri para sa patuloy na pagsasamantala at pang-aapi, at ang “programa ng kanilang mga ama” ay programa ng pandarambong, pagpatay, panggagahasa, at pagpapakatuta sa imperyalista.

Ang pagkakaisa ng iba’t ibang mga sektor at uri sa mga pagkilos kasabay ng mga panawagan ng bayan ay mahalaga para sa paggapi ng tambalang MaD sa eleksyon. Subalit habang kinikilala ng MAKIBAKA ang kagustuhan ng mamamayan na baguhin ang kasalukuyang kalagayan sa pamamagitan ng paglahok sa eleksyon, mulat tayo na ito ay hungkag at dominado ng naghaharing-uri. Kailangang dalhin ang paglaban ng mga kababaihan at mamamayan, lagpas sa mga presinto at balota, tungong rebolusyunaryong pakikibaka.

Ang pinakamatibay at pinakamabisang bibigo sa pasista at pahirap na mga rehimen ay ang malakas na armadong pakikibaka sa kanayunan at demokratikong kilusan sa kalunsuran. Sa pamamagitan lamang ng pagtatagumpay ng rebolusyon makakawala sa kawing at dikta ng imperyalismo, sa pahirap ng pyudalismo at burukrata kapitalismo. Aalisin nito ang batayan sa patung-patung na pang-aapi at pagsasamantala sa kababaihan tungo sa kanilang mithiing tunay na paglaya at pagkakapantay-pantay.

Makibaka, huwag matakot hanggang sa tagumpay!
Mabuhay ang kababaihang anakpawis!
Mabuhay ang kababaihan ng daigdig!

https://prwcinfo.wordpress.com/2022/03/08/pahayag-ng-makabayang-kilusan-ng-bagong-kababaihan-makibaka-sa-pandaigdigang-araw-ng-kababaihan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.