Wednesday, July 7, 2021

Pang-aaresto at militarisasyon sa Bicol

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jul 7, 2021): Pang-aaresto at militarisasyon sa Bicol



Isang magsasaka ang pinatay at 19 sibilyan ang inaresto sa iba’t ibang operasyong militar sa Bicol nitong nagdaang dalawang linggo. Nakapailalim pa rin sa okupasyong militar ang maraming bahagi ng rehiyon.

Binaril at napatay ng mga pwersa ng Regional Mobile Force Battalion si Alex Llabres, magsasaka at residente ng Barangay San Roque Heights, Bula, Camarines Sur, sa kanyang bahay noong Hunyo 24.

Sa Sorsogon, iligal na inaresto ng 22nd IB ang 13 na indibidwal, kabilang ang anim na menor de edad, sa Bulan noong Hunyo 28. Unang dinukot ang magsasakang si Alvin Mapula kasama ang kanyang mga pamangkin na sina Althea Mapula, 2-taong gulang, at Janrex Mapula, 13, mga residente ng Barangay Bulawan.

Iligal ding ibinimbin ang mga kamag-anak na naghanap sa tatlo. Hanggang ngayon, nakapiit pa rin sina Editha Mapula, 43; Mary Ann Mapula, 29; Angel Mapula, 12; Rey Mapula, 4; RJ Mapula, 7; Renz Guelas, 13; Sunny Preconcillo, 48; Emy Preconcillo, 39 at Dante Bandola, 50.

Sa parehong araw, inaresto si Laurente Gestole, residente ng Barangay Cadandanan. Tinakot at pinagbantaan naman ng mga berdugo sina Regine Graida at Geraldine Gestole, mga residente ng Barangay Calpi. Sa bayan ng Donsol, binaril at iligal na inaresto si Jesus Macenas, isang magsasaka, noong Hunyo 17.

Sa Masbate, inaresto sina Mariel Suson, 22, titser, Jennifer Dollison Nuñez, myembro ng Amihan Bicol at Sano Arendain ng Kilusang Magbubukid ng Bicol noong Hunyo 22 at 23 sa Barangay San Jose, Uson.

Noong Hunyo 18, dinakip ng 2nd IB sina Joseph Delara, 18, residente ng Candelaria, Uson at si Jude Serafin ng Tuburan, Cawayan. Nasa kustodiya pa ng pulis si Serafin.

Samantala, 23 sa 44 barangay sa Tinambac, tatlo sa Lagonoy at dalawa sa Goa, Camarines Sur ang hinahalihaw ngayon ng mga tropa ng 83rd IB. Mula pa Mayo nakakampo ang mga sundalo sa mga bayan na ito sa tabing ng Retooled Community Support Program.

Layon ng pagkakampo na ihanda ang lugar para sa pagpasok ng dambuhalang mga kumpanya sa pagmimina, quarry at ekoturismo sa distrito na tinaguriang “Partido.” Target pangunahin ng mga ito na dambungin ang Tinambac na nagsisilbing pinakamalaking water reservoir sa Camarines Sur. Mayaman sa mineral at punong kahoy ang kabundukan ng lugar.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2021/07/07/pang-aaresto-at-militarisasyon-sa-bicol/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.