Balon ng korapsyon ang bilyun-bilyong pisong inilaan ng rehimeng Duterte sa tugong nito sa pandemyang Covid-19. Sa ulat ng mga ahensya ng estado noong Hunyo 25, tinatayang aabot pa sa ₱168.7-bilyong pondo o 25.43% ng kabuuang ₱665.7 bilyong inilaan para rito ang hindi nagastos ng iba’t ibang ahensya ng gubyernong Duterte simula pa Marso sa nakaraang taon sa di maipaliwanag na mga dahilan.
Nagmula ang pinagsama-samang pondong ito sa mga batas na Bayanihan 1 (₱393.63 bilyon) at Bayanihan 2 (₱205.12 bilyon) at sa inilaang pondo sa mga ahensya sa pambansang badyet ngayong 2021 (₱66.97 bilyon).
Pinakamalaking bulto ng hindi nagamit na pondo ay nasa Department of Health (DOH). Sa pondong ₱157.4 bilyon, ₱51.4 bilyon pa lamang ang ginamit ng ahensya para sa pagbili ng bakuna, suporta sa mga manggagawang pangkalusugan, at iba pa.
Sa inilaang ₱5.26 bilyon para sa mga bakuna, ₱1.12 bilyon pa lamang ang nagagastos ng DOH. Ang ₱9-bilyong pondo naman para sa special risk allowance ng mga manggagawa sa kalusugan ay noon lamang Hunyo 29 nirelis mula sa pambansang pondo.
Ang ₱16.24 milyon na para naman sa mga manggagawang pangkalusugan ng University of the Philippines-Philippine General Hospital ay hindi pa rin nagagalaw. Sa kabila ito ng makailang-ulit na paggigiit ng sektor sa pangunguna ng Alliance of Health Workers.
Pagtatapos ng Bayanihan 2
Kabilang sa mga kagawarang mayroong hindi nagamit na pondo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) (₱1.3 bilyon), Department of Public Works and Highways (₱1 bilyon), Department of Agriculture (₱658.3 milyon), Department of the Interior and Local Government (₱580.471 milyon), DOH (₱266.2 milyon), at Department of Labor and Employment (₱224 milyon.)
Babalik sa National Treasury ang anumang pondong hindi naipamahagi sa ilalim ng pinalawig na Bayanihan 2 matapos napaso ang batas noong Hunyo 30. Tinatayang nasa 4.6% o ₱6.5 bilyon ng kabuuang ₱141.6 bilyon ng pinalawig na Bayanihan 2 ang hindi nagastos ng iba’t ibang kagawaran ng gubyerno.
Kinastigo ng iba’t ibang personalidad at grupo ang kapabayaang ito ng rehimen. Ayon kay Rep. Edcel Lagman, kinatawan sa prubinsya ng Albay, “seryosong pagsasakdal” sa kapabayaan at kabiguan ng rehimen sa pagharap sa pandemya ang pagkakaroon ng mga hindi nagamit na pondo.
Kinundena naman ng Alliance of Concerned Teachers ang Department of Education matapos bigong gamitin ng ahensya ang aabot sa ₱1.7 bilyong pondong para sana sa distance learning. Nakalaan ang naturang pondo para sa pag-iimprenta ng mga modyul, ayuda sa mga guro at iba pa.
Natigil na rin ang programang libreng pasakay ng rehimen matapos magwakas ang Bayanihan 2. Sa harap ito ng nagpapatuloy na kakulangan ng pampublikong transportasyon laluna sa Metro Manila.
Paghihimay sa gastos
Ayon kay Sen. Sonny Angara, pinuno ng komite sa pinansya ng Senado, hihimayin nito ang gastos ng bawat ahensya ng gubyerno para malaman ang dahilan ng mabagal na paglalabas ng mga pondo.
Kinwestyon din ng Senado noong nakaraang buwan ang mabagal na paglalabas ng pondo ng DBM sa kabila ng pagkakaroon ng Anti-Red Tape Authority (Arta) na itinalaga para pabilisin ang paggulong ng mga ito.
Pebrero at Mayo pa lamang nitong taon, naghain na ng mga resolusyon sa Senado sina Sen. Francis Pangilinan at Sen. Risa Hontiveros para busisiin ang paglalabas ng mga pondo. Sa Mababang Kapulungan, nagsumite rin ng resolusyon ang 37 mambabatas.
Isiniwalat naman ni Sen. Manny Pacquiao noong Hulyo 3 ang nawawalang ₱10.4 bilyong pondo ng Social Amelioration Program (SAP) sa ilalim ng DSWD. Ayon sa kanya, sa ginamit na aplikasyong Starpay, nasa 500,000 lamang ang nakatanggap ng SAP sa kabuuang 1.8 milyong benepisyaryo. Tumataginting na ₱14 bilyon ang hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo.
Liban pa sa DSWD, inakusahan din ng senador ng korapsyon ang DOH at Department of Energy. Bumibili umano ang DOH ng mga malapit nang ma-expire na mga gamot sa regular na presyo sa halip na mas mura.
“Kung walang maayos na pag-aakawnt, hindi natin masisisi ang taumbayan kung iisipin nilang gagamitin ito ng administrasyon para sa darating na eleksyong 2022,” ayon kay Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate.
https://cpp.ph/2021/07/07/pondong-pantugon-sa-covid-19-balon-ng-korapsyon/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.