Tuesday, February 16, 2021

Tagalog News: Pang-aabuso at pananakot ng rebeldeng CPP-NPA, pinatunayan ng mga residente sa isinagawang peace rally

From the Philippine Information Agency (Feb 15, 2021): Tagalog News: Pang-aabuso at pananakot ng rebeldeng CPP-NPA, pinatunayan ng mga residente sa isinagawang peace rally (By Mark Djeron C. Tumabao)


Mahigit 300 na mga residente ng barangay Bural ang dumalo sa nasabing peace rally upang ipakita na ang mga miyembro ng rebeldeng CPP-NPA na wala silang lugar sa kanilang barangay.

LAL-LO, Cagayan, Peb. 13 (PIA) -- Nagkaroon ng pagkakataon ang mga residente ng Barangay Bural sa Zinundungan Valley sa bayan ng Rizal na mailabas ang kanilang mga hinaing dahil sa mga pang-aabuso at pananakot na ginagawa sa kanila ng mga teroristang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Mahigit 300 na mga residente na pinangunahan ni Barangay Captain Evelyn Baloran ang dumalo sa nasabing peace rally upang ipakita na ang mga miyembro ng rebeldeng CPP-NPA na wala silang lugar sa kanilang barangay.

Ayon kay Ginang Venancia Gayagos, nawalan siya ng anak dahil sa panlilinlang ng mga rebeldeng CPP-NPA.

“Sa mga rebeldeng NPA, ibalik niyo ang anak ko! Wala na kayong ginawa kundi sumira ng kinabukasan ng mga kabataan na tinuturuan niyo ng walang katuturan at puro kasinungalingan. Ibalik ninyo ang aking anak! Hindi niyo alam kung gaano kasakit mawalan ng anak,” aniya.

Bukod sa anak ni Gayagos, isang katutubong agta ang nawawala na sumampa rin sa rebeldeng CPP-NPA.

Sabay-sabay din na nanumpa ng kanilang katapatan (Oath of Allegiance) ang mga residente sa gobyerno na pagpapatunay na tuluyan na nilang itakwil ang CPP NPA sa kanilang lugar kasunod ng kanilang ginawang pagsunog sa bandila ng teroristang CPP-NPA-NDF tanda ng kanilang pagtalikod at pagtatakwil sa rebeldeng grupo.

Samantala, sa naging mensahe naman ni Lt. Col Angelo Saguiguit, commanding officer ng 17th Infantry Battalion, Philippine Army, hangad ng kasundaluhan ang kaligtasan at kapakanan ng mga residente lalo na ng mga kabataan sa naturang lugar.

“Malaking tulong ang naging inisyatiba ng mga residente sa Barangay Bural upang masugpo ang mga teroristang CPP-NPA at maprotektahan pang lalo ang mga kabataan. Tulong-tulong tayong sagipin ang mga kabataan sa mga panlilinlang ng teroristang CPP-NPA. Kayo na rin mismo ang nakapagpatunay na walang magandang maidudulot ang pag-anib at pagsuporta sa mga rebeldeng CPP-NPA,” Dagdag ni Saguiguit.

Siniguro rin ng commanding officer na kabalikat ng mga residente ang hanay ng 17IB sa mga programa at aktibidad upang maisulong ang kapayapaan at kaunlaran hindi lamang sa bayan ng Rizal kundi sa kanilang buong nasasakupang mga lugar. (MDCT/PIA-2)

https://pia.gov.ph/news/articles/1066851

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.