Thursday, December 10, 2020

CPP/NDF-Bicol: Soberano at Demokratikong Karapatan ng Mamamayan ang Magrebolusyon at Pabagsakin ang Teroristang Rehimeng US-Duterte!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 10, 2020): Soberano at Demokratikong Karapatan ng Mamamayan ang Magrebolusyon at Pabagsakin ang Teroristang Rehimeng US-Duterte!

MA. ROJA BANUA
SPOKESPERSON
NDF-BICOL
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

DECEMBER 10, 2020


“It is essential, if man is not to be compelled to have recourse, as a last resort, to rebellion against tyranny & oppression, that human rights should be protected by the rule of law.” [GA. Res. 217A, at 135, U.N. Doc. A/810 (1948).] – Universal Declaration of Human Rights 1948

Sa harap ng panibagong tirano at panunupil ng terorismo ng estado sa ilalim ng rehimeng US-Duterte, pinatatampok ng ating paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Tao ang paglahok sa armadong rebolusyon bilang pinakamatibay at hindi-masusupil na karapatang maigigiit ng mamamayan.

Ilinulunsad ni Duterte ang isa sa pinakamarahas na pambubusabos sa karapatang tao at mga kalayaang sibil ng mamamayan hatid ng pinakamahaba at pinakamapanupil na lockdown sa mundo, walang taning na batas militar, at todong terorismo ng estado. Nagresulta ang pasistang paghaharing ito ni Duterte sa isa sa pinakamatitinding pagsahol ng krisis panlipunan at pang-ekonomya sa kasaysayan na dumagan pa sa kumunoy na krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino.

Nakaamba ring tumindi ang kanyang opensibang teror hudyat ng kanyang tuluyang pagsasara sa anumang posibilidad ng usapang pangkapayapaan at tigil-putukan. Kaugnay nito, binasbasan ni Donald Trump at ng susunod na pangulo ng US na si Joe Biden ang paggamit ni Duterte ng “Jakarta method” na nangangahulugan ng malawakang pamamaslang at panunugis sa bandera ng anti-Komunismo. Halaw ito sa karanasan sa Indonesia kung saan milyun-milyong Indones na inakusahang may kaugnay sa komunistang kilusan ang pinapatay ng diktador na si Suharto noong dekada ’50.

Ang pagtayo ng rehimeng US-Duterte bilang isa sa mga pinakanotoryus na tagalabag ng karapatang tao at pinakamalupit na awtoritaryan sa buong daigdig ay repleksyon na hindi na makapaghari ang reaksyunaryong estado sa postura at mapanlinlang na burges o kahit pa liberal-demokratikong mga pamamaraan. Wala na itong masulingan sa armadong paggigiit ng mga magsasaka para sa lupa, pagtatanggol ng mga pambansang minorya ng kanilang lupaing ninuno at kahit pa sa kongreso at parlamento ng lansangan ay naging balat-sibuyas na ang makapal nitong mukha at naging istupido, mangmang at batang pikon sa harap ng mga aktibista at pwersang progresibo.
Ang pagbaling ng estado sa teroristang mga pamamaraan ay higit lamang nagdidiin sa kawalang-kakayanan at kawalang-interes nitong tugunan ang mga batayang demokratiko at sosyo-ekonomikong pangangailangan ng mamamayan. Wala sa hangarin ng estadong ito ang tunay na reporma sa lupa at kaunlaran sa kanayunan ganundin ang pambansang industriyalisasyon na magbubunga ng tunay at malayang kaunlaran ng bansa.

Pinakamatinding paglabag sa karapatan sa hustisyang pang-ekonomya at panlipunan. Walang singsahol na kagutuman, kawalan ng trabaho at kahirapan ang dinaranas ngayon ng mamamayan. Higit pang pinalubha ng pandemya at sunud-sunod na mga kalamidad ang pahirap nang epekto ng mga kontra-mamamayang patakaran ni Duterte pabor sa adyendang neoliberal ng imperyalismong US. Naitala sa ilalim ni Duterte ang isa sa pinakamalubhang pagbagsak ng ekonomya sa kasaysayan. Nagaganap ang isang krisis sa agrikultura kung saan milyong magsasaka ang nawalan ng lupa at kabuhayan. Kasabay nito ay ang krisis sa paggawa kung saan 50% ng lakas paggawa ng bansa ang walang trabaho.

Samantalang gutom ang taumbayan, katakut-takot na kurakot ang hinuhuthot ni Duterte at ng kanyang kroni mula sa pondong imprastruktura, ayuda, kalusugan at pangkalamidad. Kanser na laganap ang katiwalian at korupsyon sa lahat ng ahensya ng gobyerno at sistemang burukrasya sa ilalim ng mahigpit na kontrol “Galit Ako sa Korapto” ng tirano. Bilyun-bilyon din ang kita nito sa pagiging punong protektor ng mga druglord sa bawat pag-awit nito ng “Galit Ako sa Droga”. Sinamantala niya ang pandemya at mga nagdaang kalamidad upang patindihin pa ang pandarambong gamit ang kanyang kapangyarihang emergency sa ilalim ng state of calamity at emergency. Kakutsaba ang mga upisyal sa militar, bilyun-bilyon din ang kanilang kinukubra mula sa hungkag na kampanyang kontrainsurhensya at modernisasyon ng AFP-PNP. Alagang-alaga din ang pinakamayayamang pamilya at pinakamalalaking korporasyong pag-aari ng mga malalaking burgesya-komrador at panginoong maylupa.

Sukdulang kataksilan sa soberano at patrimonyal na karapatan ng mamamayan. Hindi na kataka-takang kasabay ng umiigting na kontrol at impluwensya ng Tsina at US sa bansa sa ilalim ni Duterte ay siya ring walang-kapantay na paglawak ng pangangamkam at panghihimasok militar ng naturang mga imperyalistang kapangyarihan sa West Philippine Sea. Kapalit ng bilyong dolyares na kurakot mula sa pautang, suportang militar at bakunang mula sa US at Tsina, traydor na binenta ni Duterte ang soberanong karapatan ng mamamayan sa mga teritoryong dagat ng Pilipinas.

Ngayong pandemya, higit pa ngang naging agresibo ang pagpupusisyon ng Tsina sa WPS sa kabila ng umano’y mga pampahupang pakana ni Duterte tulad ng joint exploration sa naturang bansa. Isa sa mga salik nito ay ang kahiya-hiyang pagtuon ng AFP at PNP sa kampanyang pandarahas sa walang kalaban-labang sibilyang populasyon ng bansa. Kung anong bangis nito sa masang Pilipino ay siya namang paninikluhod nito sa harap ng mas malakas na kapangyarihang militar at ekonomya ng Tsina.

Pinakamatinding mga paglabag sa kalayaang sibil. Ginamit ng rehimen ang lockdown upang sukdulang gipitin ang mga kalayaang sibil tulad ng pamamahayag, pagsasalita, pagprotesta, at kalayaang akademya. Marahas na sinikil ang mga karapatan tulad ng pag-uunyon, pagtatayo ng mga samahan ng magsasaka at pambansang minorya. Ipinasara at/o kinasuhan ang mga institusyon ng midyang tulad ng ABS-CBN at Rappler na kritikal sa administrasyon. Ipinasara ang mga eskwelahan ng Lumad. Pinagbantaan ng crackdown ang Simbahan. Pinakontrol sa militar ang sibilyang burukrasya. Maraming mga unyon at welgang manggagawa ang marahas na binuwag. Maging ang karapatang bumoto ay sinalaula tulad ng halalang 2019 na garapal na ginamit ang elektronikong manipulasyon upang maipwesto ang kanyang mga kandidato sa senado at kongreso.

Pinakamarahas na paglabag sa karapatang mabuhay. Ang gera kontra-mamamayan ni Duterte sa tabing ng pagdurog sa rebolusyonaryong kilusan at pagsugpo sa droga ay maikukunsiderang isa sa mga pinakabrutal at pinakamadugo sa kasaysayan. Nahigitan na ni Duterte lahat ng nagdaang rehimen sa bilang ng ekstrahudisyal na pamamaslang gamit ang kanyang mga death squad o istilong Tokhang o nanlabang mga operasyon ng pulis at militar. Ang kanyang people-centered, whole-of-nation approach ay pinabangong pakete sa kanyang taktikang ituon ang lakas ng militar at pulis sa pagsupil sa sibilyang populasyon.

Sa kanayunan, milyun-milyong magsasaka ang biktima ng paglabag sa karapatan at internasyunal na batas humanitaryan hatid ng malaganap na militarisasyon sa ilalim ng mga operasyong focus at Retooled Community Support Program. Kabilang rito ang katakut-takot na bilang ng mga masang sapilitang pinasurender bilang mga NPA, tinortyur, sapilitang inimbestigahan, iligal na inaresto at pinatay. Hindi rin matatawaran ang pangwawasak sa mga komunidad ng magsasaka’t pambansang minorya bunga ng talamak na pambubomba, istraping, panganganyon at hamletting. Daan-daang pamilya din ang pinalayas sa kanilang mga lupang binubungkal upang bigyang-daan ang mga kontra-mamamayang proyekto.

Sa kalunsuran, hayagang idineklara ni Duterte ang crackdown at anti-Komunistang may bihis ng anti-teror laban sa ligal-demokratiko, makabayan at progresibong kilusan. Nire-Redtag ang mga kasapi at lider masa ng mga progresibong organisasyon at tinatarget para arestuhin, sampahan ng gawa-gawang kaso at patayin.

Higit na dinanas ng masang Bikolano ang mga atakeng ito. Pinokusan din ang rehiyon ng atakeng militar sa ilalim ng Memorandum Order No. 32 at EO 70. Nananatiling isa ang rehiyon sa pinakamaraming bilang ng pampulitikang EJK (higit 130) at sibilyang pinasurender. Sa Bikol matatagpuan ang umano’y pinakamaraming bilang ng impluwensyado ng CPP-NPA at sa gayo’y target na paglunsaran ng mga operasyong FMO at RCSP. Unang ibinigwas ang Anti-Terror Law sa rehiyon kung saan tinarget ang mga lider ng progresibong organisasyon tulad nina Jen Nagrampa-Caballero, Ramon Rescovilla, Nelsy Rodriguez at Rev. Pastor Dan Santos. Sa kabila nito, nananatiling isa sa pinakamahirap ang masang Bikolano at pinakatinamaan ng mga kontra-mamamayang patakaran ng rehimen sa ekonomya. Tinatamasa sa rehiyon ang malulubhang epekto ng TRAIN Law, Rice Tarrification Law at kapabayaan ni Duterte sa pagharap sa mga kalamidad.

Ngayong Pandaigdigang Araw ng Karapatang Tao, nananawagan ang NDF-Bikol sa masang Bikolano: Manindigan at ipagtanggol ang karapatan! Lahat ng batayan at katwiran ay nasa atin upang mag-aklas. Tanging sa paggiit sa ating demokratikong interes sa sama-samang pagkilos at paglaban magagapi ang papatinding terorismo ng estado.
Pinakamagiting na karapatan ng mamamayan ang pagrerebolusyon at pagpapabagsak sa estadong ngayo’y kinakatawan ng pasista-teroristang rehimeng US-Duterte. Ang armadong rebolusyonaryong kilusan ay ibinunga ng daan-taong pambubusabos ng imperyalismong US at mga kasapakat nitong naghaharing uri laban sa mamamayan. ##

https://cpp.ph/statements/soberano-at-demokratikong-karapatan-ng-mamamayan-ang-magrebolusyon-at-pabagsakin-ang-teroristang-rehimeng-us-duterte/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.