Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 10, 2020): Huwag palulupig. Magpunyagi sa paglaban at pagtatanggol sa karapatang pantao. Wakasan ang tiraniko at pasistang paghahari ni Rodrigo Roa Duterte!
PATNUBAY DE GUIASPOKESPERSON
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
DECEMBER 10, 2020
DECEMBER 10, 2020
Ipinaparating ng National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog ang mahigpit nitong pakikiisa at pagsuporta sa sambayanang Pilipino na ngayon ay nagtitipon-tipon sa iba’t ibang panig ng bansa sa paggunita sa ika-72 taon ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao ngayong Disyembre 10, 2020. Pinagpupugayan ng NDFP-ST ang mga nagaganap na mga pagkilos ng taumbayan, sa iba’t ibang panig ng kapuluan, para kondenahin ang malaganap na panunupil sa bansa, sa mga panunugis, red-tagging at terrorist-tagging ng gubyernong Duterte sa mga aktibista, mga progresibong organisasyon, taong simbahan, abugado, mga mamamahayag at dyornalista at iba pang mga kritiko na inaakusahang “kaaway ng estado”. Kailinsabay nito, sinusuportahan ng NDFP-ST ang malakas na panawagan ng taumbayan na papanagutin ang pasistang rehimeng US-Duterte sa kanyang mga kriminal na kapabayaan at iba pang kasalanan sa bayan lalo ang usapin sa malaganap at walang patumanggang paglabag sa karapatang pantao ng kanyang rehimen.
Makatwiran at nararapat lamang na kumilos ang sambayanang Pilipino para kondenahin ang masahol na mga paglabag ng pasistang rehimeng US-Duterte sa karapatang pantao at sibil ng mamamayan. Dapat maramdaman ng rehimeng Duterte na kailanman ay hindi palulupig at titigil ang sambayanang Pilipino sa pagsusulong at pagtatanggol sa kanilang mga pundamental na karapatang pantao at sa pagkakamit ng hustisya sa lahat ng mga naging biktima ng paglabag sa karapatang pantao ng rehimeng Duterte. Patuloy itong magpapalakas at magpupunyagi sa paglaban para igiit ang kanilang mga pundamental na karapatan at kagalingan at magkamit ng makabuluhang pagbabago sa lipunang Pilipino.
Mataas ang pagpapahalaga ng rebolusyonaryong kilusan sa karapatang pantao ng mamamayang Pilipino. Bilang lehitimong belligerent force na nagsusulong ng makatarungang digma sa bansa, mahigpit na ginagalang ng CPP-NPA-NDFP ang karapatang pantao ng mamamayang Pilipino. Ang mga programa, patakaran at disiplina na pinatutupad ng rebolusyonaryong kilusan kaugnay sa kondukta ng digmang bayan ay naglalaman ng mga pagkilala at paggalang sa mga pundamental na karapatang pantao ng mamamayang Pilipino. Patunay dito ang Saligang Alituntunin ng BHB, na kinapsula sa Tatlong Disiplina at Walong Bagay na Dapat Tandaan (3/8) at ganundin ang Programa para sa Pambansang Demokratikong Rebolusyon na matamang kumikilala at nagtataguyod sa karapatang pantao ng mamamayang Pilipino.
Mahigpit at matapat na tumatalima ang rebolusyonaryong kilusan sa mga nakasaad na probisyon sa Comprehensive Agreement on the Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na isa sa mga kasunduang nakamit sa mga usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Mahigpit din nitong ginagalang at sinusunod ang iba pang internasyunal na makataong batas na tinakda sa ilalim ng Geneva Convention of 1949 at mga Protocols 1 & 2 sa paglulunsad nito ng armadong rebolusyon laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo na siyang pangunahing dahilan kung bakit patuloy ang nararanasang kahirapan at pang-aapi ng sambayanang Pilipino. Ang labis na pagsasamantala at pang-aapi sa sambayanang Pilipino ng mga malalaking burgesya komprador, panginooong maylupa, burukrata-kapitalista at amo nilang mga imperyalista ang dahilan at ugat kung bakit may nagaganap na armadong tunggalian sa bansa.
Sa paggunita sa pandaigidigang araw ng karapatang pantao, nanawagan ang NDFP-ST sa sambayanang Pilipino na pag-ibayuhin ang paglaban para isulong at ipagtanggol ang kanilang karapatang pantao sa harap ng maigting na pasismo ng estado at talamak na pag-atake sa karapatang pantao ng pasistang rehimeng US-Duterte laban sa mga mamamayan nito.
Ginagamit ngayon ni Duterte ang rekurso at buong makinarya ng estado (ehekutibo, lehislatibo, mga armadong pwersa, hukuman, kulungan at mga institusyon sa panunupil) sa malawakan, sistematiko at orkestradong demonisasyon, panunugis, red-tagging at terrorist-labelling na pangunahing nakatutok sa mga progresibong kongresista at partylist ng Makabayan Bloc, mga aktibista mula sa mga makabayang grupo at organisasyon at iba pang kritiko sa burges na oposisyon. Napakalaking balakid para kay Duterte ang mga aktibista’t mga progresibong grupo at organisasyon sa kanyang maitim na hangarin na patahimikin ang lahat ng mga kritiko na pumupuna at naglalantad sa kanyang mga kabulukan at katiwalian. Patuloy na lumalalim ang kultura ng impyunidad sa hanay ng PNP at AFP sa panahon ni Duterte. Nagiging institusyunalisado at normal na kalakaran na ang mga ginagawang pag-atake, intimidasyon, paninira at maging pamamaslang ng mga ahente ng estado sa mga aktibista, kritiko at inaakusahang mga “kaaway ng estado” ng rehimeng Duterte.
Tatak ng isang diktador at tirano, hindi kinikilala ni Duterte maging ang burges na pagkahulugan ng demokrasya. Hindi kinikilala ni nirerespeto ni Duterte ang mga batayang karapatan sa kalayaan sa pananalita, pamamahayag, asosasyon at mapayapang pagtitipon para iparating ng mga mamamayan ang kanilang mga karaingan at kahilingan sa gubyerno. Binabalewala ni Duterte ang mga pundamental na karapatan ng mamamayang Pilipino na nakasaad sa Saligang Batas ng Pilipinas na kanyang pinanumpaang tutupdin at ipagtatanggol. Palibhasay tiraniko at diktador, sensitibo at galit na galit si Duterte sa sinumang mamamayang Pilipino na pumupuna sa kanyang mga katiwalian at pagmamalabis sa kapangyarihan.
Pangunahing pinupuntirya ni Duterte ng kanyang mga pagbira at paninira ang mga makabayan at progresibong grupo at organisasyon dahil ang mga ito’y konsistente, nasa unahan at determinadong nagsusulong sa karapatang pantao at ng pambansa at demokratikong interes ng sambayanang Pilipino. Pilit na inuugnay at pinararatangan ng pasistang rehimeng US-Duterte ang Makabayan Bloc at iba pang mga lehitimong organisasyong kritikal sa kanyang gubyerno bilang mga tagasuporta at legal fronts ng CPP-NPA-NDFP para ikundisyon ang kaisipan ng publiko sa maitim nitong balak na ideklara ang mga ito bilang mga “teroristang organisasyon” at iligal sa balangkas ng RA 11479 o Anti Terrorism Act of 2020 (ATA 2020), at maging daan sa malawakang crackdown sa mga lider at kasapian ng mga ito.
Sa pamamagitan din ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) nagtatangka ngayon ang pasistang si Duterte na mapatalsik sa Kamara ang Makabayan bloc para alisan ng boses at kinatawan sa mababang kapulungan ng Kongreso ang mga walang tinig at nagdarahop nating mga kababayan. Habol din ni Duterte na maidiskwalipika ng Commission on Election (COMELEC) ang mga progresibong partylist para hindi na ito makatakbo sa darating na halalan (kung magkakaroon) sa Mayo 2022. Takot si Duterte na mapunta ang milyong bilang ng baseng elektoral ng mga progresibong partylist sa sinumang tatakbo sa pagkapangulo sa Mayo 2022 mula sa hanay ng oposisyon na magiging kalaban ng kanyang kandidatong patatakbuhin. Subalit malinaw din ang mga indikasyon na ang mga pinaggagawa ni Duterte laban sa mga aktibista, progresibong grupo at organisasyon, human rights defender at iba pang oposisyon at kritiko ay mga hakbangin para alisin ang mga balakid sa kanyang imbing pangarap na manatili sa kapangyarihan lagpas sa kanyang termino na nakatakdang magtapos sa Hunyo 30, 2022 o ng sinuman sa kanyang angkan.
Lalong mainit ang dugo ni Duterte sa mga nagsusulong at nagtatanggol sa karapatang pantao. Patunay dito ang patuloy na humahabang listahan ng mga human rights defender na nakakasuhan at naipakukulong batay sa mga gawa-gawang kaso at talamak na pagtatanim na ebidensya ng mga operatiba ng PNP at AFP. Subalit ang higit na kasuk-suklam ay ang patuloy na mga ekstra-hudisyal na pamamaslang sa mga tagapagtanggol sa karapatang pantao, sa mga consultants ng NDFP sa usapang pangkapayapaan at sa ilang mga pinuno ng rebolusyonaryong kilusan na isinagawa ng mga armadong ahente at death squads ng rehimeng Duterte.
Sa araw ng paggunita sa pandaigdigang araw ng kaparapatang pantao, dapat patuloy na manindigan ang sambayanang Pilipino na kailanman ay hindi ito palulubig sa tiranikong paghahari ni Duterte. Magpunyagi sa paglaban para pagbayarin at papapanagutin si Duterte sa mga pamamaslang na isinagawa ng kanyang mga armadong ahente. Si Duterte ang nasa likod at siyang pangunahing nag-iinstiga sa PNP at AFP na magsagawa ng extra judicial killings sa bansa hindi lamang kaugnay sa madugo at huwad na kampanya nito sa iligal na droga kundi maging sa madugong kampanya sa “kontra-insurhensya” na pinatutupad nito laban sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan.
Sa kasalukuyan, walang ibang maaaring lumansag sa pinatutupad na tiranya at pasistang paghahari ni Duterte sa bansa kundi ang lakas at paglaban ng sambayanang Pilipino. Ang lakas at kapangyarihan ng taumbayan ang hahadlang at bibigo sa imbing pangarap ni Duterte na manatili sa katungkulan at maghari lagpas sa kanyang termino. Huwag tayong palulupig sa gubyernong walang pakundangan sa pagsasamantala, pang-aapi at paniniil sa mamamayang Pilipino. Patuloy tayong magpalakas at patindihin ang paglaban at pagtatanggol sa karapatang pantao at sa pagsusulong ng interes at kagalingan ng taumbayan. Higit tayong magpunyagi para wakasan ang tiraniko at pasistang paghahari ni Rodrigo Roa Duterte.###
https://cpp.ph/statements/huwag-palulupig-magpunyagi-sa-paglaban-at-pagtatanggol-sa-karapatang-pantao-wakasan-ang-tiraniko-at-pasistang-paghahari-ni-rodrigo-roa-duterte/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.