Wednesday, November 4, 2020

Tagalog News: 11 rebelde sumusuko sa pamahalaan sa Bansud

From the Philippine Information Agency (Nov 4, 2020): Tagalog News: 11 rebelde sumusuko sa pamahalaan sa Bansud (By Dennis Nebrejo) 


Sumuko ang 11 dating rebeldeng katutubong Mangyan sa hanay ng kasundaluhan at kapulisan upang magbalik-loob sa pamahalaan kamakailan sa Brgy. Benli Bulalacao. (kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

BANSUD, Oriental Mindoro, Nob. 4 (PIA) --May labingisang kasapi sa Milisyang Bayan (MB) ng CPP-NPA ang nadagdag sa mga rebeldeng sumuko at nagbalik-loob sa pamahalaan, matapos isagawa ang pakikipagdayalogo sa pagitan nila at ng mga hanay ng kapulisan at kasundaluhan na bumubuo sa samahang Community Support Program (CSP) Team na nakabase sa Sitio Bailan, Brgy. Benli Bulalacao kamakailan.

Base sa ulat ni LTC Alexander Arbolado, Commanding Officer ng 4th Infantry Battalion, boluntaryong ipinaabot ng grupong MB ang intensiyong sumuko sa CSP dahil umaasa aniya sila sa mga ipinangako ng pamahalaan na sila’y pagkakalooban ng magandang buhay, agarang tulong pinansiyal, edukasyon, tulong pangkabuhayan at iba pa.

Ayon sa team leader ng CSP Team, ang mga dating rebelde ay pawang mga katutubong Mangyan na napapabilang sa tribong Hanunuo kung saan isa dito ay babae. Tinatayang mga nasa edad 24-53 gulang ang mga sumuko.

Batay pa sa nakalap na impormasyon, buo ang kanilang desisyon na magbalik-loob dahil nakita nila ang sinseridad ng gobyerno na handa nilang tulungan at protektahan ang mga kapwa nila katutubo taliwas sa itinuturo sa kanila ng mga pinunong rebelde.

Samantala, ipinaabot ni 203rd Infantry (Bantay Kapayapaan) Brigade Commnder Col. Jose Augusto Villareal ang pasasalamat sa CSP Team dahil sa kanilang pakikipagugnayan sa mga katutubo at ipinapaliwanag ang mga magagandang programa para sa kanila ng pamahalaan. Nais ni Villareal na patuloy lamang ang kanilang pakikipagusap sa mga Mangyan upang hindi na sila mahikayat na mamundok ng mga rebeldeng grupo.

Patuloy din ang kanyang panawagan sa iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan sa suportahan ang Executive Order No. 70 ni Pangulong Rodrigo Duterte upang matuldukan na ang insurhensiya dulot ng CPP-NPA.

Sa kasalukuyan, inaayos na ng pamahalaan ang mga dokumento ng mga nagbalik-loob upang agad na makatanggap ng tulong pinansiyal at pangkabuhayan na nakapaloob sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP).

Dahil sa 11 sumuko, umabot na sa 144 ang mga nagbalik-loob ngayong taon lamang at mahigit kalahati dito ay mga katutubo. (DN/PIA-OrMin)

https://pia.gov.ph/news/articles/1058024

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.