Wednesday, November 4, 2020

Kalinaw News: Pagkasa ng kilos protesta ng mga kabataan sa Kalinga, ikinabahala ng pamunuan ng 5ID

Posted to Kalinaw News (Nov 4, 2020): Pagkasa ng kilos protesta ng mga kabataan sa Kalinga, ikinabahala ng pamunuan ng 5ID (By 5ID)



CAMP MELCHOR F DELA CRUZ, Upi, Gamu, Isabela – Nakababahala ang muling paggamit ng mga militanteng grupo sa mga kabataan upang magsagawa ng kilos protesta sa Bulanao, Tabuk City, Kalinga noong ika-3 nang Nobyembre taong kasalukuyan.

Nasa 17 na mga kabataan ang hinikayat na magsagawa ng kilos protesta bitbit ang mga plakards sa harap ng Sangguniang Panlalawigan. Sa maayos na pakikipag-usap ng mga otoridad, hindi natuloy ang planong kilos protesta at payapa naman silang umalis sa naturang lugar.

Matatandaan na sa idinaos na senate hearing, nagbigay ang mga sumukong miyembro ng rebeldeng NPA ng kanilang mga testimonya na kung saan, kanilang isiniwalat ang ginagawang panggagamit ng mga militanteng grupo sa mga kabataan. Ito ang isa sa mga patunay sa nangyayaring panlalason sa murang kaisipan ng mga kabataan upang magrebelde laban sa pamahalaan at maging sa kanilang pamilya hanggang tuluyang maligaw sa tamang landas.

Ang panggagamit na ito ng mga militanteng grupo ay paglabag sa karapatan ng bawat kabataang Pilipino, sapagkat, itinutulak sila sa pang aabuso, panganib at karahasan imbes na mabigyan sila ng proteksyon at seguridad para sa maayos nilang kinabukasan.

Panawagan ni BGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5ID sa mga magulang, mga guro at maging sa mga lokal na pinuno ng pamahalaan, na magtulungang bantayan ang mga kabataan upang hindi sila magamit sa maling ideolohiya ng mga militante at rebeldeng grupo. “Naniniwala ako na ang ating mga kabataan pa rin ang pag asa ng ating bayan. Nasa ating mga kamay bilang mga nakakatanda ang kanilang kaligtasan upang mailayo sila sa maling impluwensya,”

Pinaalalahanan din ni BGen Mina ang mga magulang na bantayan ang kani-kanilang mga anak upang matiyak na hindi sila maliligaw ng landas at hindi sasampa sa rebeldeng grupo, “Bilang isa ring magulang, alam ko kung gaano kahalaga sa inyo ang inyong mga anak. Kaya proteksyunan natin sila laban sa pang-aabuso at panlilinlang ng mga militante lalo na ng mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army- National Democratic Front (CPP-NPA-NDF). Marami na ang mga magulang na nawalan ng anak dahil sa kagagawan ng mga rebelde. Huwag nating hayaang mga anak pa natin ang kanilang sumunod na biktima.”

[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City. Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.