Wednesday, October 28, 2020

CPP/NDF-ST: SOLCOM Commander Lt. Gen. Parlade, mukha ng nauulol na desperasyon ng berdugong AFP at pasistang NTF-ELCAC!

Propaganda article posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 27, 2020): SOLCOM Commander Lt. Gen. Parlade, mukha ng nauulol na desperasyon ng berdugong AFP at pasistang NTF-ELCAC!

FORTUNATO MAGTANGGOL
SPOKESPERSON
REVOLUTIONARY COUNCIL OF TRADE UNIONS-SOUTHERN TAGALOG
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

OCTOBER 27, 2020



[UPDATED] Kasama ng buong sambayanang Pilipino, mariing kinokondena ng Revolutionary Council for Trade Union (RCTU-NDF-ST) si Lt. Gen. Antonio Parlade, pangunahing tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at kumander ng AFP Southern Luzon Command (AFP SOLCOM)    sa walang habas ng lason ng red tagging sa mga kritiko ng rehimeng US-Duterte. Tila nauulol na aso si Parlade sa pagkakalat ng kanyang rabies na red tagging sa mga artistang sina Liza Soberano, Catriona Gray, Angel Locsin at sa mga pangkaraniwang aktibista.

Larawan ng matinding desperasyon ng AFP at NTF-ELCAC ang anti-Komunistang panunugis ni Parlade sa artistang si Liza Soberano dahil lamang sa pagtataguyod nito ng adbokasiya para sa karapatan ng mga kababaihan at kabataan sa webinar na inorganisa ng Gabriela Youth. Ang kanyang adbokasiya na isulong ang mga karapatan ng mga kababaihan at kabataan ang nagtulak sa NTF-ELCAC, sa pamamagitan ng kanilang tagapagsalita, na agarang pagbantaan ang buhay ng mga artistang nagpapahayag ng kanilang mga paninindigan.

Ano nga ba ang aasahan sa isang heneral na gaya ni Parlade, kung ang kanya mismong commander-in-chief na si Duterte ay lapastangan din sa kababaihan at pasimuno sa mabagsik na pagtugis sa mga kritiko ng kanyang gubyerno? Sa apat na taong panunungkulan ni Rodrigo Duterte, ipinakita nya ang kanyang pagiging macho-pasista lagpas pa sa pagiging misogynista o sexista. Lagi niyang itinuturing na laruan at ginagawang katatawanan ang mga kababaihan na nagiging dahilan sa pagkabawas sa kanilang pagkatao at dignidad. Bukambibig niya palagi ang pag-alipusta at paglapastangan sa kababaihan. Hindi makakalimutan ng buong bayan ang kautusan ni Duterte na barilin sa ari ang mga babaeng Pulang Mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan.

Ipinakita lamang ng mga huling kaululan ni Parlade ang tunay na katangian ng NTF-ELCAC – ang magparatang nang walang katwiran na maging ang mga kababaihan at prominenteng indibidwal na nagtataguyod ng kagalingan ng mamamayan ay iniuugnay sa NPA at armadong pakikibaka. Kahit pa nga naghuhumiyaw ang katotohanang wasto at tunay na makamamamayan ang mga adhikain na isinusulong ng Gabriela at ng Makabayan Bloc, pilit na dinudumihan ni Parlade, ng AFP/NTF-ELCAC at ni Duterte ang mga progresibo at demokratikong organisasyon ng mamamayan na paborito nilang tugisin, targetin ng red tagging at pagbantaan ang buhay.

Ang pagdamay sa mga artistang kagaya nina Angel Locsin, Liza Soberano at Catriona Gray ay patunay kung gaano kabagsik ang kamandag ng pasismo na nananalaytay sa katawan at lumulukob sa buong AFP at sa rehimeng US-Duterte. Kahit sinong mamamayan ay nanganganib na mabiktima ng kamandag na ito.

Hinahangaan at pinagpupugayan ng RCTU-NDF-ST ang matatapang na kababaihang kagaya nina Angel Locsin, Liza Soberano, Catriona Gray sampu ng mga kababaihang aktibista na patuloy na nagtataguyod ng kagalingan ng mga bata at kababaihan maging sa harap ng seryosong pagbabanta sa kanilang buhay ng isang baliw at ulol na si Parlade.

Dahil sa mabilis na paglawak ng pagkondena ng buong sambayanan, nagkakagulo na ang mga berdugong heneral ng NTF-ELCAC maging ang mga hepe nilang si Lorenzana at Duterte kung paano pagtatakpan at aampatin ang pinsalang ginawa ng kanilang baliw na tagapagsalitang si Gen. Parlade.

Imbes na kondenahin ng MalacaƱang, agaran at pilit pang ipinagtatanggol ng isa pang sinungaling na tagapagsalita ni Duterte na si Harry Roque ang ginawa ni Parlade na pagbabanta sa buhay ng mga artista at aktibista. Kagaya ng inaasahan, agad-agad ding dinepensahan ng kapwa berdugo na si AFP Chief of Staff Gen. Gilbert Gapay si Parlade sa kanyang kawalanghiyaan at pagbubulag-bulagan sa karapatan ng mga kababaihan at karapatang pantao, na nagpapatunay lamang na walang ibang isinusulong ang rehimeng US-Duterte kundi paghahasik ng malawakang panunupil, panghaharas at pagpatay gamit ang mga uhaw sa dugong AFP/PNP.

Matagal nang naghahasik ng lagim at karahasan sa Timog Katagalugan ang Southern Luzon Command sa pamumuno ngayon ng sinungaling at ulol na berdugong heneral na si Lt. Gen. Parlade. Aktibo ang 202nd Infantry Battalion ng Philippine Army at 2nd Civil Military Operations Battalion, katuwang ang PNP Regional Office 4A sa paglulunsad ng malawakang panunupil at karahasan sa mga lider-manggagawa, organisador at maging sa mga pangkaraniwang manggagawa na kasapi ng mga militanteng unyon, pederasyon at alyansa ng mga manggagawa.

Nagtutuloy-tuloy din ang kaliwa’t kanang pagbabahay-bahay ng mga ahente sa paniktik at mga traydor sa kilusang manggagawa para takutin at sindakin ang mga lider manggagawa at organisador ng mga lehitimong organisasyong masa sa rehiyon. Ginawa nila ito sa mga progresibong lider manggagawa ng Coca-Cola upang sapilitang agawin nila ang pamumuno sa unyon at wasakin ang unyon para sa kapakinabangan at interes ng kapitalistang Coca-Cola. Dahil dito, naipatutupad na nila ang malawakang tanggalan sa kumpanya nang walang pagtutol mula sa mga bagong halal na pamunuan.

Sa pagkukunwaring makatao, luha ng buwaya ang binibigay nila Parlade sa mga pinapatay at binabastos nilang mga Pulang Mandirigma. Malinaw ang kanilang kawalanghiyaan at kawalang-respeto sa karapatang pantao sa bawat pamilyang namamatayan ng mga kapamilya nilang kasapi ng NPA. Matapos lapastangin at bulukin ang katawan ng mga nasawi, kanilang pupwersahin at lalansiin ang mga namatayan talikuran ang mga organisasyon sa karapatang-pantao na tumutulong sa kanila.

Ang kasinungalingang nasa anyo ng red tagging at tumitinding panunupil ay nagpapakita ng napakalaking desperasyon ng rehimeng US-Duterte na wasakin ang rebolusyonaryong kilusan bago matapos ang kanyang termino. Ngunit hinding-hindi magtatagumpay ang tiranikong rehimen ni Duterte na gapiin ang pakikibaka ng sambayanan, bagkus magtutulak pa para tahakin ng sambayanang lumalaban ang landas ng armadong pakikibaka dahil sa nararanasan nilang matinding kalupitan.

Matagal nang lantad ang kabiguan ng rehimeng Duterte at kanyang mga berdugong heneral sa kanilang hungkag na ilusyong wakasan ang armadong pakikibaka at durugin ang NPA. Nananatiling wasto ang paglulunsad ng armadong pakikibaka laluna sa panahon ng pasismo, malawakang kahirapan, pagdusta at kawalang-respeto sa karapatan ng mga manggagawa at mamamayan.

Dahil sa kawastuhan at pagiging makatarungan ng armadong pakikibakang isinusulong ng NPA, patuloy itong minamahal ng sambayanan bilang kanilang tunay na hukbo na walang pag-iimbot na naglilingkod sa masa laban sa panunupil ng mga lokal na naghaharing uri sa pamamagitan ng berdugo at mersenaryong AFP at PNP.

Sa gitna ng maruming kontra-rebolusyonaryong gerang pinamumunuan ni Duterte, ibayong lalakas lamang ang rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan at ng mga manggagawa. Walang anumang kasinungalingan, black propaganda o pananakot ang makapaninindak sa mamamayang matagal nang nagdarahop, ginugutom at pinapatay ng rehimeng Duterte, ng kanyang mga alipores, at ng mga malalaking burgesya komprador, panginoong maylupa at burukratang kapitalista. #

MABUHAY ANG RCTU-NDF-ST!

MABUHAY ANG CPP-NPA-NDF!

MABUHAY ANG REBOLUSYONG PILIPINO!

https://cpp.ph/statements/solcom-commander-lt-gen-parlade-mukha-ng-nauulol-na-desperasyon-ng-berdugong-afp-at-pasistang-ntf-elcac/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.