Wednesday, October 28, 2020

CPP/NDF-Bicol: Kundenahin ang tangkang pagpaslang ng death squad ng rehimeng US-Duterte kay Judge San Joaquin!

Propaganda article posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 27, 2020): Kundenahin ang tangkang pagpaslang ng death squad ng rehimeng US-Duterte kay Judge San Joaquin!

MA. ROJA BANUA
SPOKESPERSON
NDF-BICOL
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

OCTOBER 27, 2020



Brutal at mapaghiganti ang rehimeng US-Duterte sa mga sumusuway sa mga pasistang adyenda nito. Nitong Oktubre 20 lamang, pinagbabaril ng death squad ng estado sina Judge Jeaneth Gaminde San Joaquin at Rocelle S. Martinez sa Brgy. Puro Batia, Libmanan, Camarines Sur. Pauwi na sana si Judge San Joaquin, lulan ng isang itim na sasakyang pick-up. Matatandaang si Judge San Joaquin ang naglabas ng mandamiento de aresto laban sa tagapangulo ng Bicolana Gabriela na si Jenelyn Nagrampa-Caballero noong Hulyo. Sa parehong buwan, pinirmahan niya ang temporary release order ni Nagrampa-Caballero matapos masuri ng kanyang korte ang kawalan ng merito ng kaso.

Napakalaking insultong linlangin ng estado ang mamamayang naghahangad lamang ng katarungan. Pilit na pinalilitaw ng rehimeng US-Duterte na NPA ang nagtangka sa buhay ni Judge San Joaquin. Walang nakasampang kaso laban kina Judge San Joaquin at Martinez sa rebolusyonaryong hukumang bayan. Ang hukumang bayan ay mayroong karampatang prosesong sinusunod at kabilang na rito ang matamang pagdinig ng kaso at pagsusuri sa panig ng lahat ng sangkot. Ang paggawad ng rebolusyonaryong hustisya ng NPA ay nakasalalay sa pasya ng hukumang bayan.

Kapugay-pugay ang independyenteng paggampan ni Judge San Joaquin ng kanyang tungkulin sa panahong sinusukluban ang bansa ng isang pasistang diktadurang tumuturing sa hudikatura bilang tagaluwal ng libu-libong pekeng arrest at search warrant para sa panunugis at pagpapakulong ng mga patriyotiko at progresibong indibidwal at mga kritiko. Para sa diktaduryang ito, hindi na baleng deka-dekada nang inaamag ang mga nakabinbing kaso basta’t manatili sa piitan ang mga bilanggong pulitikal. Pinalalaya, at nagbabayad-danyos pa nga, sa mga tauhan ng US at elemento ng naghaharing-uri na mayroong mga karumal-dumal na krimen habang ang mamamayang tumitindig para sa kanilang karapatan ay pinararatangang mga terorista. Hamon para sa iba pang huwes, mahistrado at mga abugadong tumindig para sa katarungan at makiisa sa laban ng mamamayang pabagsakin ang diktaduryang rehimeng nagmamaliit sa institusyong pinagsisilbihan nila.

Mahigpit na nananawagan ang NDF-Bikol sa mamamayan, laluna sa mga huwes at mahistrado ng mga korteng magkaisa at maging bahagi ng pakikibaka para sa tunay na katarungan. Tumindig at ipanawagan ang masinsing imbestigasyon sa tangkang pamamaslang kay Judge San Joaquin at sa lahat ng iba pang pambabanta sa buhay ng mga huwes na nagsusumikap itaguyod ang kasarinlan ng hudikatura.

https://cpp.ph/statements/kundenahin-ang-tangkang-pagpaslang-ng-death-squad-ng-rehimeng-us-duterte-kay-judge-san-joaquin/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.