Wednesday, May 20, 2020

CPP/NPA: P2.4-B mga artileri, bibilhin sa gitna ng krisis

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (May 21, 2019): P2.4-B mga artileri, bibilhin sa gitna ng krisis



Nagpabatid noong Mayo 12 ang rehimeng Duterte na bibili ito ng dalawang sistema ng artileri na nagkakahalaga ng P2.4 bilyon mula sa kumpanyang Israeli na Elbit Systems sa kabila ng patuloy na pananalasa ng krisis ng Covid-19 sa kabuhayan ng mamamayan.

Laman ng kontrata ang pagbili sa dalawang ATMOS 2000 155mm/52 Caliber Self-propelled Howitzer System, na may dalawang bateri at tig-anim na mobile firing unit, at iba pang mga kaakibat na mga pansuportang kagamitan.

Ang naturang kanyon ay may maksimum na abot na 41 kilometro at kayang magpaputok ng 3 bomba kada 15 segundo sa burst mode, 5 bomba kada minuto sa rapid mode, at mahigit 80 bomba kada oras sa sustained mode.

Ang kontrata ay nakapailalim sa AFP Modernization Program na naglalayong palakasin ang arsenal ni Duterte para tupdin ang kanyang ambisyong durugin ang armadong rebolusyonaryong kilusan bago magtapos ang kanyang termino.

Ang paggamit sa napakalalaking kanyon at mga pandigmang helikopter ay nagreresulta sa walang patumanggang pangwawasak sa mga komunidad at kalikasan, nagsasapanganib sa buhay ng mamamayan at kanilang kabuhayan, at nagdudulot ng matinding troma, laluna sa mga bata.

Nakatakdang dumating sa bansa ang isang artileri sa 2021.

Kaugnay nito, inaprubahan ng Defense Security Cooperation Agency (DSCA) ng US Department of State noong Abril 30 ang rekwes ng rehimeng Duterte na bumili ng anim na AH-64E Apache Attack Helicopter kalakip ang iba pang mga kagamitang pandigma at serbisyo na nagkakahalaga ng P75 bilyon sa kabuuan.

Umalma si Defense Sec. Delfin Lorenzana sa presyo ng mga helikopter at sinabing hindi ito kaya ng rehimen. Gayunpaman, hindi niya itinanggi ang pagbili sa libu-libong misayl, armas at iba pang kagamitang pandigma na bahagi rin ng kontratang pinirmahan nito. Mas pabor lamang siya na bumili ng mas murang mga helikopter mula sa Turkey.

Nabanggit ni Philippine Ambassador to Washington na si Jose Romualdez sa isang panayam noong Mayo 13 na nakatakda nang ipadala ng US ang mga UH-60 Black Hawk Helicopter na binili ng rehimen noong nakaraang taon. Pinirmahan ang kontrata para sa pagbili ng 16 helikopter noong Marso 2019 sa halagang P1.21 bilyon. Binili ang mga ito mula sa PZL Mielec na subsidyaryo ng Lockheed Martin, isa sa pinakadambuhalang kumpanya sa depensa na bumubuo sa military-industrial complex ng US.

Samantala, parating na rin sa Pilipinas sa Mayo 23 ang bagong barkong pandigma ng Philippine Navy na BRP Jose Rizal, na pinagawa ng rehimen sa Hyundai South Korea kasama ang BRP Antonio Luna sa halagang P18 bilyon.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippinesand is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2020/05/21/p2-4-b-mga-artileri-bibilhin-sa-gitna-ng-krisis/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.