Propaganda editorial from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (May 21, 2019): Pasakit at peligrong hatid ng palyadong gubyerno
Dahil sa palyadong pagharap ng rehimeng Duterte sa pandemyang Covid-19, labis ang dinaranas na pasakit at kinakaharap na peligro ng sambayanang Pilipino. Hindi lamang hinaharap ng milyun-milyong Pilipino ang nagpapatuloy na banta ng Covid-19, binabalikat din nila ang mabigat na pasanin ng mga hakbangin sa ekonomya na lalo pang nagpapalala sa krisis na ibinunga ng ilang dekadang mga patakarang neoliberal.
Nitong mga nagdaang araw, pinahintulutan na ng MalacaƱang ang pagbubukas ng mga upisina at pabrika, matapos ang mahigit 60-araw na lockdown. Nagmamadali na si Duterte na paandarin ang ekonomyang pinatigil niya noong Marso sa harap ng mabilis na pagkasaid ng rekurso ng gubyerno, lumalalang problema ng kagutuman at tumitinding galit ng bayan. Gayunman, bunga ng mga palyadong hakbangin ng gubyernong Duterte, malayung-malayo pa ang Pilipinas sa pagkontrol sa banta ng pandemyang Covid-19. Nangangamba ang marami na hindi makaaagapay ang sistemang pangkalusugan ng bansa kung mabilis na kumalat ang bayrus at sumirit ang bilang ng mga magkakasakit at maoospital.
Matapos ang dalawang buwang walang sahod o kita, sabik na sabik na ring makabalik ang mga manggagawa sa kani-kanilang trabaho. Labis na nalugmok sa hirap at gutom ang masang anakpawis sa ilalim ng lockdown. Sanhi ito ng lubhang kulang ang inilaang pondo para sa usad-pagong at napakagulong pamimigay ng ayuda. Subalit sabik man, lubha rin silang nangangamba na oras na magkumpulan silang muli sa mga pabrika o tindahan, mabilis na namang kakalat ang bayrus.
Tahasang isinubo ni Duterte ang mga manggagawa sa panganib nang hindi nito inobliga ang mga kapitalista na isagawa ang pagpapasuri sa mga manggagawa at sinabing ang mga may sintomas lamang ang kailangan ipaeksamen. Pero batay sa datos, mahigit 80% ng nahahawa ng sakit ay wala o halos walang ipinakikitang sintomas. Sinasamantala ng rehimen at ng mga kapitalista ang mga manggagawang desperadong makapaghanapbuhay at sumweldo, kahit pa tiising maglakad ng ilang kilometro sa ilalim ng init ng araw o maipit nang ilang oras sa trapik dahil naglipana ang pahirap na mga tsekpoynt ng mga abusadong pulis at sundalo.
Kamakailan, inamin ng gubyernong Duterte na wala itong balak na magsagawa ng mass testing. Kahit sa gitna ng pandemya, patuloy ang patakaran ng hindi pagbibigay ng sapat na pondo para sa kalusugan at pagpapailalim nito sa kontrol ng mga kapitalista.
Dahil rin sa walang paghahanda, libu-libong nars at duktor at nahawa ng Covid-19 sa mga ospital bunga ng kakulangan ng mga kagamitang pangkaligtasan. Nasa kasagsagan na ng pandemya bago naglaan ng pondo pambili ng mga ito.
Sa kabila ng pagmamalaki na isasagawa ang “test, trace and treat” o “suriin, hanapin at gamutin”, wala namang inilaang sapat na pondo ang gubyerno ni Duterte at iniasa sa mga malalaking kapitalista ang pagbili ng mga kagamitan at pagpondo sa operasyon ng mga laboratoryo. Sa mga kapitalista, maging sa harap ng pandemya, tubo pa rin ang unang kinukwenta.
Sa kalakhan, ang testing o pagsusuri ay ginagawa lamang sa mga may sakit na, sa mga nakahalubilo nila, at sa mga umuuwing migranteng Pilipino. Pero sa panahon ng pandemya, kailangan ang mass testing (pagsusuri kahit sa walang sintomas at hindi suspetsadong nahawa) bilang pinaka-estratehiya para alamin kung saan kumakalat ang bayrus, upang maihiwalay ang mga nahawa, gamutin ang mga nagkasakit, at bigyang proteksyon ang mga wala pang sakit.
Dahil walang mass testing at mababa ang kapasidad sa pagsusuri, bulag pa rin ang gubyerno sa tunay na lagay ng bansa kaugnay ng Covid-19. Ang datos nito’y di kumpleto at di nagpapakita ng aktwal na lala ng pandemya. Hindi nito alam kung gaano pa kadami ang nahawa ng bayrus na walang sintomas at di nadala sa ospital.
Mabuti’t may ilang mga lokal na upisyal na gumawa ng hakbang para ipasuri ang kanilang mga residente. Gayunman, kung walang pambansang koordinasyon sa ganitong mga pagsusuri, malilimita lamang sa saklaw ng isang baryo o bayan ang maiipong kaalaman tungkol sa pagkalat ng pandemya, at malamang na masasayang lamang ang ganitong lokal na mga pagsisikap.
Dahil wala talagang alam, dinadaan ni Duterte sa panlilito, pagbibigay ng hungkag na katiyakan, pananakot at pagbabanta ang pagharap sa pandemya. Sa dulo, taumbayan ang sisisihin sa patuloy na pagkalat ng bayrus upang bigyang matwid ang pagpapataw ng bagong paghihigpit sa ngalan ng paglaban sa pandemya.
Atrasado ang kilos at utak ng gubyerno ni Duterte pagdating sa pagharap sa pandemyang Covid-19. Palibhasa, ayaw nitong sagutin ang gastusing kailangang ilaan sa mass testing at sa kaakibat na kailangang gawing pagtalunton sa posibleng mga nahawa (contact-tracing) at pagbubukod (isolation) sa kanila. Ito ay dahil mas gusto nitong atupaging ituloy ang mga inutang na proyektong imprastruktura, ang balak nitong bilhing mga helikopter, kanyon at mga bomba, at siyempre, ang mabubulsa nila sa mga kontrata rito. Hindi nito pinaglaanan ng sapat na kapital ang lokal na talino ng mga siyentista at mananaliksik upang makapagmanupaktura ng sapat na bilang ng mga kagamitan para sa pagsusuri ng bayrus at iba pang kinakailangan sa pagharap sa pandemya.
Mas inaatupag pa ang iskema nitong maitatag ang isang pasistang diktadura. Militar at pulis ang nasa tuktok at unahan ng mga hakbangin ng gubyerno. Mas inuuna nitong supilin ang mga nagrereklamo kaysa lutasin ang reklamo. Ilan nang nagpahayag ng galit at disgusto (“patayin si Duterte”) ang inaresto kasabay ng pagpapasara sa ABS-CBN. Namamayagpag ang mga abusadong pulis na buong lupit sa pagparusa sa mga “sumuway.” Takot ang pinaiiral para manahimik ang lahat. Kahit ang pamimigay ng ayuda sa ilalim ng “social amelioration program” (SAP) ngayon ay nasa maruming kamay na rin ng AFP, para siguraduhing walang magrereklamo.
Sambayanang Pilipino, hindi dapat pagtiisang pasanin ang palyadong mga hakbang ni Duterte at ang pang-aabuso nila sa kapangyarihan. Dapat panagutin si Duterte at ang kanyang mga upisyal sa labis na pagpapahirap at panunupil sa mamamayan sa ilalim ng lockdown. Dapat silang singilin sa kabiguan nilang ipatupad ang kinakailangang hakbanging pangkalusugan upang daigin ng bansa ang pandemya. Hindi dapat manahimik. Bagkus, dapat ipahayag nang buong lakas at ipamalas sa iba’t ibang paraan ang galit at protesta sa mga palyado at pahirap na hakbang ni Duterte.
Dapat patuloy na igiit ang pangangailangan para ipatupad ng pambansang gubyerno ang programa sa mass testing bilang susing hakbang sa pagharap sa pandemyang Covid-19. Dapat patuloy na itulak ang pagpapalakas ng sistemang pangkalusugan, laluna ang mga pampublikong ospital at mga laboratoryo sa iba’t ibang panig ng bansa, pagkuha ng mas maraming nars at manggagawang pangkalusugan at pagtataas ng kanilang sahod. Dapat ipaglaban ang kinakailangang subsidyo para sa pagkain, gamot at atensyong medikal para mapangalagaan ang kalusugan ng mga matatanda na silang bulnerable sa Covid-19.
Dapat singilin ang rehimeng Duterte sa lubhang kulang at makupad na pagbibigay ng ayuda sa ilalim ng dalawang buwan nang lockdown. Dapat ilantad at batikusin kung papaanong sinasamantala ng mga burges-kumprador na kasosyo ni Duterte ang pandemya upang kumita ng tubo at makalusot sa buwis sa ngalan ng pagtulong at donasyon.
Dapat igiit ng mga manggagawa ang mga hakbanging pangkaligtasan sa mga pabrika at upisina. Dapat igiit ang nararapat na dagdag na sahod, ang pambansang pamantayan sa minimum na sahod at dagdag na kabayaran sa peligro sa pagtatrabaho sa panahon ng pandemya. Gayundin, dapat nilang ipaglaban ang kanilang karapatan sa permanenteng trabaho, sa pag-uunyon at kolektibong pakikipagtawaran. Sa harap ng krisis na dulot ng nagtagal na lockdown, maaaring makipagkaisa ang maliliit na kapitalista sa mga manggagawa para itulak ang gubyerno na maglaan ng pangkagipitang pondo para maibigay ang umento sa sahod.
Dapat itulak ang tunay na reporma sa lupa bilang tanging paraan para buhayin ang ekonomya sa kanayunan. Batikusin ang malawak na pagpapalit-gamit ng lupa para sa mga proyektong imprastruktura at turismo, plantasyon at minahan, at pagtutulak ng pagtatanim ng komersyal na kahoy at prutas. Dapat isakatuparan ang libreng pamamahagi ng lupa at pagbigay ng suporta para sa produksyon ng pagkain at pagtatayo ng lokal na mga industriya para sa pagpuproseso ng mga produktong agrikultural.
Dapat labanan ang itinutulak na lalong pahirap na mga hakbang kabilang ang planong dagdag na mga buwis bilang pambayad sa halos $4 na bilyong dagdag na inutang ng gubyerno. Dapat ilantad at batikusin ang planong “imprastruktura” na ibayong maglulubog sa Pilipinas sa utang at krisis, laluna ang mga proyektong yumuyurak sa karapatan ng mamamayan at sumisira sa kalikasan.
Dahil sa krisis bunga ng Covid-19, lumitaw ang nagnanaknak na kabulukan ng sistemang malakolonyal at malapyudal. Nalantad ang labis na pagsalalay ng bansa sa pag-aangkat ng mga materyales at kagamitan. Nalantad sa kabuuan ang ekonomyang sadlak sa krisis at di produktibo.
Dahil sa pasakit at pahirap sa ilalim ng palyadong mga hakbang ng gubyernong Duterte, marapat lamang na kumilos ang sambayanang Pilipino na hingin ang pagbibitiw ni Duterte o pagpapatalsik sa kanya at sa kanyang buong palpak na gubyerno. Ito na ang pinakaepektibong paraan upang labanan at harapin ng sambayanang Pilipino ang pandemyang Covid-19.
https://cpp.ph/2020/05/21/pasakit-at-peligrong-hatid-ng-palyadong-gubyerno/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.