Friday, January 17, 2020

Tagalog News: Mga sumukong rebelde, tumanggap ng benepisyo mula E-CLIP

From the Philippine Information Agency (Jan 15, 2020): Tagalog News: Mga sumukong rebelde, tumanggap ng benepisyo mula E-CLIP (By 4th Infanty Battalion)



Laman ng panunumpa ng anim na dating rebelde ang pagtalikod sa dating gawaing armadong pakikibaka at pagsuporta sa pamahalaan. (4th Infantry Battalion)

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Enero 14 (PIA) -- Idinaos ang Awarding Ceremony para sa pagtanggap ng anim na dating kasapi ng New Peoples Army (NPA) ng kanilang benepisyo mula sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP), na ginanap sa Camp Winston Ebersole, Barangay San Roque, San Jose Occidental Mindoro kamakailan.

Ang pagtanggap ng tulong ng mga dating rebelde ay isang katunayan na seryoso ang gobyerno na tumugon sa pangangailangan ng sinumang gustong magbalik-loob sa pamahalaan para makapagbagong buhay.

Ayon sa mensahe ni Gov Eduardo Gadiano, “sama-sama nating tahakin ang daan tungo sa isang lipunan na pinapangarap natin. Isang lipunan na mapayapa, maunlad at nagkakaisa.” Aniya, dapat na magtulungan at magkaisa ang lahat para sa tunay na kapayapaan ng bayan.

Sinabi naman ni Brigadier General Antonio R. Lastimado, 203rd Brigade Commander, na ang pagtutulungan ng Provincial Task Force (PTC) Occidental Mindoro ay isang patunay sa sinseridad ng pamahalaan na tulungan ang mga nabiktima at nahikayat ng mga teroristang NPA, upang ang mga ito'y magbalik loob at mabuhay ng mapayapa kasama ang kanilang mga pamilya.

Patuloy naman ang panawagan ni LTC Alexander Arbolado, Commander ng 4th Infantry Battalion (IB), sa mga kababayang naliligaw ng landas na magbalik-loob na sa gobyerno at tanggapin ang mga tulong na nararapat upang sila’y makapagsimula muli ng bagong buhay, idagdag pa rito ang pagkakataong makakapiling nila ang kanilang pamilya ng walang kinaiilagan o kinatatakutan.

Ayon pa sa opisyal ng 4th IB, marami na sa mga sumukong rebelde ang maayos na ngayon ang buhay at ito aniya'y dahil sa pagkakataon, tulong at gabay na ibinigay sa kanila ng pamahalaan.

Ang nabanggit na seremonya ay pinangunahan ni Gov. Gadiano, at dinaluhan nina LTC Arbolado , Police Provincial Office (PPO) Provincial Director PCOL Joseph Bayan, Provincial Director Ulysses Feraren ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at iba pang ahensya ng pamahalaan. (4th Infantry Battalion)

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.