Friday, January 17, 2020

CPP/NDF-Southern Tagalog: Hinggil sa pagputok ng Bulkang Taal

NDF-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jan 14, 2020): Hinggil sa pagputok ng Bulkang Taal

PATNUBAY DE GUIA
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
JANUARY 14, 2020

Ang National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST) ay nananawagan sa lahat ng mga kasaping organisasyon nito at mga kaibigan at kaalyado sa rehiyon na magsagawa ng mga relief operation at tumulong sa paglilikas ng iba pa nating mga kababayan na nasa baybaying bayan na nakapalibot sa Taal Lake na kinaroonan ng nag-aalburotong Taal Volcano. Itinaas na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvocs) ang babala sa level 4 at nagsabi na anumang oras o araw ay magkaroon ng mapanganib na pagsabog ang bulkang Taal at kapag nasa alert level 5, ayon sa Philvocs, ay maaaring magdulot din ng volcanic tsunami ang pagputok ng bulkang Taal. Dahil sa ganitong sitwasyon, kailangan nating makapagmobilisa, sa mabilis na paraan na kakayanin, ng mga boluntir para agarang magsagawa ng mga paglilikas sa ating mga kababayan sa probinsya ng Batangas at kaalinsabay magpatupad ng mga relief operations sa mga pagdadalhang evacuation areas.

Inaatasan din ang lahat ng mga kasaping organisasyon na magbuo ng mga task forces na siyang magsisilbing coordinating body para pamunuan ang paglilikas at pagsasagawa ng mga relief operations. Ang iba naman ay dapat sumentro sa pangangalap ng mga damit, pagkain, gamot, tubig at ibang materyal na gagamitin sa mga evacuation areas.

May mga nauna na tayong plano at mga standard operating procedures (SOP) na otomatikong pinatutupad sa panahon ng mga kalamidad. Kailangan na lang itong balikan at rebyuhin ng bawat kasaping organisasyon ng NDFP-ST upang maisakatuparan ang mabilis, puspusan at episyenteng relief operations at iba pang humanitarian missions.

Maaaring sa darating pang mga araw ay lalong titindi pa ang pag-aalboruto ng bulkang Taal kaya ang ating mga pagsisikap sa pagtulong at pag-alalay sa ating mga kababayan ay magpapatuloy habang patuloy ding gumagampan ng ating mga rebolusyonaryong gawain. Dapat laging ipauna ang kapakanan at kagalingan ng taumbayan lalo na ang mga kababayan natin sa Batangas na ngayon ay nahaharap sa matinding panganib dulot sa posibilidad na anumang oras o araw, ayon sa Philvocs, ay maaaring mangyari ang isang malakas at mapaminsalang pagputok ng bulkang Taal. Bigyan natin ng nararapat na tugon at atensyon ang kanilang pangangailangan sa kagyat.

Ngayon pa lamang ay malawak na ang naging pinsala sa pananim at kabuhayan ng ating mga kababayang magsasaka at mangingisda sa mga bayan na nakapalibot sa Taal Lake, sa iba pang bayan ng Batangas at maging sa mga karatig probinsya ng Batangas dahil sa makapal na abo at buhangin na ibinuga mula sa pagputok ng bulkang Taal. Matindi ang gagawing rehabilitasyon sa mga lupaing agrikultural at lawa ng Taal na nabalot ng makakapal na abo at buhangin na binuga ng pagputok ng bulkang Taal. Dapat nating paghandaan at matamang pagplanuhan, sa mga susunod na mga araw, kung ano ang ating mga susunod na hakbang para makatulong sa rehabilitasyon ng mga nasirang kabuhayan ng ating mga kababayan sa Batangas.

Pinapaalalahanan din ang lahat na laging maging alerto at mapagmatyag sa patraydor na mga pag-atake ng reaksyunaryong tropa ng AFP at PNP, na walang pinipiling panahon kung umatake, kahit panahon ng mga kalamidad. Ugali na ng AFP at PNP na militarisasahin at birahin ang anumang mga humanitarian missions na isinasagawa ng rebolusyonaryong kilusan at maging ng mga progresibong organisasyon at grupo, ng mga grupong sibiko at taong simbahan dahil sa hindi nila kinikilala ang Comprehensive Agreement on the Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na pinirmahan ng GRP at NDFP nuong 1998 kabilang ang iba pang makataong batas sa ilalim ng international humanitarian law ng United Nations.###

https://cpp.ph/statement/hinggil-sa-pagputok-ng-bulkang-taal/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.