Saturday, December 21, 2019

CPP/NDF-Southern Tagalog: Ang NPA ang tunay na lingkod at tagapagtanggol ng bayan

NDF-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 19, 2019): Ang NPA ang tunay na lingkod at tagapagtanggol ng bayan

PATNUBAY DE GUIA
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

DECEMBER 19, 2019

Ang New People’s Army (NPA) ang tunay na Hukbo ng Bayan. Wagas at dalisay ang kanyang hangaring paglingkuran ang sambayanang Pilipino. Laging handang i-alay ang tanging buhay alang alang sa kapakanan ng uring anakpawis. Ang NPA ang tunay na tagapagtaguyod at tagapagtanggol ng mga inaapi’t pinagsasamantalahang uri at sektor ng lipunang Pilipino.

Sa darating na ika-21 ng Disyembre 2019, ipagdiriwang ng mersenaryo at pasistang Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanyang ika-84 na pagkakatatag. Tiyak na katakut-takot na papuri sa sarili ang sasabihin ng pamunuan ng AFP at ng amo nilang pasista na si Duterte para ipagmalaki sa taumbayan ang kanilang paulit ulit at niresiklong kasingunalingan hinggil sa kanilang mga nakamit (achievements) at mayor na tagumpay laban sa mga itinuturing nitong kaaway ng estado. Muling ipagmamalaki ng AFP ang kanilang mga tagumpay sa diumano’y pagbibigay ng proteksyon sa sambayanang Pilipino, sa pangangalaga ng seguridad ng bayan laban sa terorismo at sa pagpapairal at pananatili ng kaayusan sa bansa.

Pero ang tanong, kailan pa naging protektor ng sambayanang Pilipino ang AFP at maging ang PNP? Kaninong seguridad ba at interes ang kanilang pinangagalagaan? Ano ang kanilang maaaring ipagmamalaking nakamit sa pagtatanggol sa mga inaapi’t pinagsasamantalahang Pilipino? Hindi ba wala?

Sapul nang pormal na itatag ang AFP noong Disyembre 21, 1935 sa ilalim ng National Defence Act of 1935, sa ilalim ng kolonyal na paghahari ng imperyalismong US sa Pilipinas hanggang sa maging malakolonyal ang bansa noong 1946, gumampan na ang AFP bilang masugid na tagapagtaguyod at tagapagtanggol ng interes ng mga nagsasamantala at naghaharing uri sa bansa. At upang higit na mapaglingkuran ang mga mapagsamantala at mapang-aping uring ito, buong lakas na ginagampanan ng AFP ang kanyang papel bilang marahas na instrumento ng estado sa panunupil at pang-aapi sa sambayanang Pilipino. Ang AFP kasama ang PNP ang pangunahing tagasuhay sa nabubulok na malakolonyal at malapyudal na sistema ng lipunang Pilipino. Nakilala at naging bantog ang AFP at PNP sa kalupitan, sa pagiging berdugo, kriminal at sa walang pakundangan sa pagyurak sa karapatang pantao ng sambayanang Pilipino.

Ito ang katotohanan na hindi mapasusubalian sa mahabang kasaysayan ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino para maka-alpas sa lukob ng imperyalismo, sa problema ng pyudalismo at burukrata-kapitalismo na siyang pangunahing sanhi at dahilan kung bakit labis ang kanilang kahirapan at nararanasang pang-aapi. Ang AFP kasama ang PNP ang salot sa buhay ng sambayanang Pilipino at nagsisilbing malaking balakid sa kanilang aspirasyon na makamtan ang tunay na kalayaan at demokrasya sa bansa.

Kailan ba pumanig at nagtanggol ang AFP at PNP sa mga magsasakang humihiling ng lupang masasaka, sa paglaban nila sa pangangamkam ng lupa ng mga malalaking asyendero at panginoong maylupa, sa kahilingan nilang mapababa ang upa sa lupa, mapataas ang sahod ng mga manggagawang bukid, maitaas ang presyo ng kanilang produktong bukid at sa panawagan nilang ibasura ang Rice Tarrification Law? Di ba wala? Di ba’t ang AFP at PNP ang nagsagawa ng brutal na mga pagpatay sa mga magsasakang naghahangad ng lupa sa Negros sa ilalim ng Oplan Sauron at SEMPO?

Kailan ba pumanig at nagtanggol ang AFP at PNP sa mga Lumad at iba pang katutubong Pilipino na lumalaban para ipagtanggol ang kanilang lupang ninuno mula sa pagpasok at pandarambong ng mga malalaking minahan at dayuhang korporasyon? Di ba’t ang AFP ang naghuhulog ng bomba sa mga kumunidad ng mga Lumad at nagsasagawa ng masaker at iba pang kalupitan?

Kailan ba pumanig at nagtanggol ang AFP at PNP sa mga manggagawang Pilipino na nanawagan sa gubyerno para sa nakabubuhay na sahod, ng kanilang kahilingan para sa mababang presyo ng mga pangunahing bilihin, sa lubusang pagbabawal sa anumang uri ng kontraktwalisasyon kapalit ng pagkakaroon ng regular na trabaho, sa mahusay na kundisyon sa paggawa at kalayaan sa pagbubuo ng unyon? Di ba’t ang AFP at PNP ang marahas na tagabuwag ng welga ng mga manggagawa at protektor ng mga iskirol para maipasok at mailabas ang produkto ng kapitalista?

Kailan ba pumanig at nagtanggol ang AFP at PNP sa kahilingan ng mga maralitang tagalunsod na magkaroon ng disenteng hanapbuhay, ng libre at murang pabahay, ng mura at abot kamay na serbisyong pampubliko, at murang halaga ng mga pangunahing bilihin sa bansa? Di ba’t sila ang tagagiba ng bahay sa di mabilang na mga operasyon para idemolis at palayasin ang mga maralitang tagalunsod?

Kailan ba pumanig at nagtanggol ang AFP at PNP sa iba pang uri at sektor ng lipunang Pilipino na nakikibaka para sa pagbabasura sa Train Law, sa pagtutol sa pag-amyenda sa saligang batas sa pamamagitan ng charter change, sa mga anti-mamamayang batas at patakaran ng administrasyong Duterte, sa lumalalang paglabag ng rehimeng US-Duterte sa karapatang tao at pagsikil sa karapatang sibil at demokratiko ng mamamayan at sa pagtutol sa madugong pekeng kampanya ng rehimen sa iligal na droga?

Kailan ba pumanig at nagtanggol ang AFP at PNP sa mariing pagtatanggol ng sambayanang Pilipino sa West Philippine Sea at sa pambansang soberenya ng bansa laban sa lantarang agresyon ng bansang China sa karagatan na pag-aari ng Pilipinas? Matapang lamang ang AFP sa mamamayang Pilipino pero bahag ang buntot pagdating sa imperyalistang China.

Sa kabilang panig, saksi ang mamamayan sa Timog Katagalugan kung gaano nila naranasanan ang kakaibang pagmamalasakit at pagmamamahal sa kanila ng NPA sa rehiyon. Naranasan nila kung gaano katiyaga ang mga kasama sa pagtuturo at pagpapaliwanag sa kanila kung paano lulutasin sa pamamagitan ng sarili nilang lakas at sama-samang pagkilos ang mga suliranin sa baryo. Karanasan ang nagtuturo sa kanila na laging masasandigan at malalapitan ang NPA para hingan ng tulong at gabay. Ang tinatamasa nilang pagbabago sa buhay ay produkto ng kanilang mga tagumpay sa pakikibaka para sa minimum at maksimum na layunin ng rebolusyong agraryo na kanilang isinulong sa gabay at patnubay ng NPA. Lubos ang kanilang kasiyahan kapag dumarating sa kanilang baryo ang mga kasama at bahagyang nalulungkot kapag ito’y umalis para tumungo naman sa ibang baryo o lugar para gumampan ng mga rebolusyonaryong gawain. Kapapanabikan nila ang muling pagbabalik sa kanilang baryo ng mga kasama dahil damang-dama nila sa NPA ang tunay na diwa ng paglilingkod sa bayan at bilang tunay na hukbo ng bayan na handang magtanggol ng kanilang interes at kapakanan. Kapanatagan at katiwasayahan ang kanilang nararanasan kapag naroon ang presensya ng NPA sa kanilang lugar.

Samantala, takot, pagkabalisa at pangamba naman ang kanilang nararanasan kapag nakakabalita sila ng operasyong militar. Sa mahaba na nilang karanasan sa tuwing may isinasagawang operasyong militar ang AFP at PNP, karahasan, kaguluhan at paglabag sa kanilang karapatang tao ang kanilang nararanasan sa kamay ng mga berdugo at mersenaryong AFP at PNP. ###

https://cpp.ph/statement/ang-npa-ang-tunay-na-lingkod-at-tagapagtanggol-ng-bayan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.