BULALACAO, Oriental Mindoro – Nadiskubre ng mga tropa ng 4IB ang balak na gagawing pananambang ng CPP-NPA sa may daan sa Sitio Pawikan, Barangay Benli, Bulalacao, Oriental Mindoro nito lamang ika-17 ng Disyembre, taong kasalukuyan.
Nasamsam mula sa pwesto ng balak sanang pagtambangan ang 1 Improvised Explosive Device (IED), 100 metro ng wire, 1 fragmentation grenade, 5 cellular phone, 1 jungle pack, 2 sling bag, 1 handheld radio ICOM, 2 baterya na may detonator ng IED, 1 blasting cap, personal na kagamitan at mga dokumento ng mga komunistang CPP-NPA.
Napigilan ang nasabing pangyayari sa pamamagitan ng sumbong ng mga sibilyan na nakakita sa pwesto sana ng pagtambangan sa ating mga tropa. Ito ay patunay lamang na sawa na ang ating mga kababayan sa mga panlilinlang at panloloko ng mga teroristang komunista.
Kamakailan lamang ay matatandaan na nagkaroon din ng pananambang ang mga teroristang ito sa Borongan City, Eastern Samar kung saan ay tatlo (3) ang nasawi na kinabibilangan ng isang pulis (1) at dalawang (2) sibilyan at labinglimang (15) sugatan na kinabibilangan naman ng limang (5) pulis at sampung (10) sibilyan. Ang pagtatanim ng IED at pananambang na siyang laging gawain ng mga teroristang CPP-NPA ay isang katunayan na wala silang pakialam kahit na sino pang mamatay at madamay na mga sibilyan at isa ring malinaw na paglabag sa Karapatang Pantao.
Inaanyayahan ni LTC ALEXANDER M ARBOLADO, Commander ng 4th Infantry (Scorpion) Battalion ang ating mga kababayan na patuloy na makipag-ugnayan sa mga kinauukulan tungkol sa mga aktibidad ng mga CPP-NPA para tuluyan na silang mapuksa na siyang pangunahing daan para sa kaunlaran ng ating bayan. Inaalok din niya ang mga natitira pang mga terorista na magbaba na ng armas at magbalik-loob sa pamahalaan para matulungan silang makapagbagong buhay sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) at idagdag pa ang pagkakataong makapiling nila ang kanilang mga pamilya ngayong Kapaskuhan ng walang kinatatakutan.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.