NEW PEOPLE'S ARMY
SAMUEL GUERRERO
NPA-SORSOGON (CELSO MINGUEZ COMMAND)
APRIL 02, 2019
Si Ka Pilar
Iginagawad ng Celso Minguez Command-BHB Sorsogon (CMC- BHB Sorsogon) ang pinakamataas na pagpupugay sa dalawang Pulang mandirigma, sina Ka Pilar at Ka JM, na walang pag-iimbot na nag-alay ng kanilang buhay para sa sambayanan.
Nitong Marso 24, nagbuwis ng buhay sa isang depensiba sa Brgy. Tinampo, Bulusan, Sorsogon si Joseph “Ka Pilar” Loyola. Ganap na ala-una ng hapon nang paputukan ang mga kasama ng mga tropa ng 91st Division Reconnaissance Company at 31st IBPA. Umabot ng 10 minuto ang putukan bago nakaatras ang mga kasama.
Sa proseso ng pagmaniobra, tinamaan si Ka Pilar at nang abutan siya ng mga berdugong elemento ng Armed Forces of the Philippines (AFP), hindi nito iginalang ang karapatan ng isang sugatan na wala nang kakayahang lumaban, walang awang pinagbabaril si Ka Pilar hanggang malagutan siya ng kaniyang hininga.
Si Ka Pilar ay pinanganak noong Marso 31, 1977 sa bayan ng Pilar, Sorsogon. Mahirap ang buhay na kanyang kinagisnan. Mula sa pamilya ng mala-manggagawa, binuhay silang magkakapatid sa pagtitinda ng isda sa palengke ng kanilang mga magulang. Ngunit hindi sapat ang kinikita ng kanyang mga magulang kung kaya’t grade 6 lamang ang kanyang natapos at agad siyang naghanap-buhay upang makatulong sa kanyang pamilya. Nagtrabaho siya bilang konduktor ng bus, taga-deliber ng isda, at nagkonstraksyon.
Bago sumampa sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) si Ka Pilar ay muntik na siyang marekluta ng RHB sa Pampanga. Nakatira siya noon sa kanyang tiyuhin at nakilala niya ang mga elemento ng RHB dito. Nang tanungin niya ang mga ito kung ano ang mapapala niya sa pagsali sa kanila ay sinagot siya ng mga ito na kikita siya sa pagsali sa RHB. Makukumbinsi na sana siya ngunit nang malaman ito ng kanyang tiyuhin ay pinauwi siya agad sa Bikol.
Dahil sa pagpropaganda ng kanyang kamag-anak na nasa komite ng magsasaka sa kanilang lugar ay napagpasiyahan niyang sumampa sa BHB noong 2001 at agad rin siyang sumumpa bilang kasapi ng partido. Gumampan siya bilang tim lider at iskwad lider pagkalipas ng ilang panahon. Taong 2007 ay nadestino siya sa ibang rehiyon ngunit hindi na natuloy dahil nagtanan sila ng kanyang asawa na kasabay niya sa byahe at kasama niyang ililipat. Bumalik uli siya noong 2010 at maluwag niyang tinanggap ang kaniyang aksyong disiplina dahil sa kanyang pag-AWOL.
Isang mahusay na kasama si Ka Pilar. Mabait at mahusay makisalamuha sa masa at kasama na kanyang nakakasama sa trabaho. Aakalain mong tahimik si Ka Pilar dahil sa una ninyong pagkikita ay hindi agad ito makikipagkwentuhan sa iyo. Ngunit paglao’y malalaman mong masaya pala siyang kausap. Lagi niyang ikinukwento ang naging buhay niya bilang isang mala-manggagawa. Lagi niyang binibiro sa mga kasama na sa pagiging hukbo nya ay binitawan nya lahat ng luho nya maliban sa pag-ahit ng kilay at bigote.
Wala siyang tungkuling inaatrasan, sa labanan man ito o sa gawaing edukasyon. Ilang beses siyang nanguna sa mga maliliit na operasyon at kalaunan ay naging lider ng platun ng ilang taon. Sa kabila ng kanyang pag-aagam-agam sa pagtanggap sa mga atas ay sinisikap niyang magampanan ito sa abot ng kanyang makakaya. Sa gitna ng matinding kaba ay ipinakita pa rin ni Ka Pilar na mahusay din siyang magbigay ng mga pag-aaral sa BKP.
Maalalahanin, maalaga at mabait na asawa’t ama si Ka Pilar. Pilit niyang idinudugtong ang distansya niya sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagtawag at pangungumusta dito, kung may pagkakataon nga ay pinadadalo niya ito sa mga anibersaryo ng Partido o Hukbo.
Nitong 2018, pagkalipas ng walong taon ay nasundan din ang kanyang panganay na babae ng anak na lalake. Tuwang-tuwa at ipinagmamalaki lagi ni Ka Pilar ang kaniyang bunsong anak kahit bago pa man ito isilang.
Ka JM
Noong ika-15 ng Pebrero, si Angel “Ka JM” Almerol ay namatay dulot ng malubhang karamdamdaman sa edad na 25 taon.
Ipinanganak si Ka JM sa Salvacion, Magallanes noong Abril 18, 1993. Dahil isa siyang manggagawang bukid, nakita at dinanas niya ang hirap ng buhay ng inaaping mamamayan. Dahil dito, nakita niya ang kahalagahan ng gawaing hukbo kung kaya’t sumampa siya sa BHB noong 2010.
Masigasig niyang pinag-aralan ang mga paraan ng pakikidigma. Naging bahagi siya ng Larangang Yunit Gerilya at gumampan bilang pangalawang lider sa iskwad at namuno din. Makailang beses siyang nakasama sa mga taktikal na opensiba kung saan ipinakita niya ang kanyang katatagan ng loob at tapang.
Masayahing kasama si Ka JM, walang panahong hindi ka tatawa kapag kasama mo siya. Magiliw at malambing din si Ka JM, palibhasa bunsong lalaki siya sa anim na magkakapatid.
Gaya ng ibang mga kasama, inabot din ng paghina ng loob si JM, ngunit lagi’t-lagi ay bumabalik siya sa kasama upang gampanan ang kanyang gawain sa Hukbo.
Matindi din siya kung umibig, ang babaeng pinangarap niyang mapangasawa ay masugid niyang niligawan hanggang sa kanya itong pinakasalan. Sa kanyang pagpanaw, iniwan niya ang kanyang butihing kabiyak na si Edna at dalawang anak na lalaki.
Ang walang pag-iimbot na pag-aalay ng buhay nina Ka Pilar at Ka Jm para sa sambayanan ay isang malaking inspirasyon sa lahat ng masa at kasama na kanilang nakasama sa pakikibaka para sa pagpapalaya ng ating sambayanan. Nawala man sila, ay daan-daang mandirigma ang susunod sa kanilang yapak upang ipagpatuloy ang kanilang iniwang laban at tungkulin sa rebolusyon.
Taas-kamaong pagpupugay kina Ka Pilar at Ka JM!
Tularan ang kanilang dakilang buhay-rebolusyonaryo!
https://www.philippinerevolution.info/statement/pagpupugay-kina-kasamang-pilar-at-kasamang-jm/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.