Tuesday, April 2, 2019

CPP/NPA-Mountain Province: Biguin ang Oplan Kapayapaan! Labanan ang todo-gera ng rehimeng US-Duterte!

NPA-Mountain Province propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Apr 2, 2019): Biguin ang Oplan Kapayapaan! Labanan ang todo-gera ng rehimeng US-Duterte!

MAGNO UDYAW
NPA-MOUNTAIN PROVINCE (LEONARDO PACSI COMMAND) 
NEW PEOPLE'S ARMY

APRIL 02, 2019

Kaisa ng sambayanang Pilipino ang Leonardo Pacsi Command (New People’s Army – Mountain Province) sa pagkundina sa sunod-sunod na pasistang atake ng rehimeng US-Duterte laban sa mamamayan at sa rebolusyonaryong kilusan.

Sa ilalim ng Oplan Kapayapaan, walang-tigil ang pandarahas at pamamaslang ng mga ahente ng reaksyunaryong Estado sa masang magsasaka, manggagawa, at pambansang minorya.

Noong Marso 30, umabot sa 14 magsasaka sa 3 munisipyo sa Negros Oriental ang pinaslang sa magkakahiwalay na operasyon ng mga pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP). Tuloy-tuloy ang pananakot, panggigipit, at pambubomba sa mga komunidad ng Lumad sa Mindanao sa ilalim ng Martial Law.

Sa Mt. Province, patuloy ang okupasyon ng mga tropa ng AFP at PNP sa mga komunidad ng Bauko matapos ang dalawang matagumpay na aksyong-militar ng LPC noong Marso 29 at Marso 31, kung saan nagtamo ng pinsala (isang patay at di-bababa sa limang sugatan) ang mga tropa ng Estado.

Dagdag ang mga ito sa napakahaba nang listahan ng mga paglabag sa karapatang-tao ng rehimeng US-Duterte at ang armadong pwersa nito – mula sa pamamaslang sa libo-libong maralitang-lungsod sa ilalim ng gera kontra droga hanggang sa pambabraso at panunupil sa ligal na demokratikong kilusan at oposisyon.

Lalo lamang nakikita ng mamamayang Pilipino kung sino ang pinagsisilbihan ng AFP at PNP at para kanino ang “Kapayapaan” na ipinamamarali nito – ang mga panginoong maylupa, malalaking burgesta-kumprador, at imperyalista.

Pinalalakas ni Duterte ang AFP at PNP upang higit na makapaglingkod ang mga ito sa mga mapandambong na malalaking kumpanya sa enerhiya, logging, at mining.

Kung tutuusin, kaawa-awa ang mga katulad nina Patrolman Wilfredo Padawil at Police Corporal Eroeel Lapniten, na dahil sa kahirapan, kawalan ng disenteng trabaho, at sistemikong pang-aapi sa mga Igorot ay napipilitang isugo ang kanilang mga buhay para sa mga institusyong katulad ng AFP at PNP na korap, pasista, maka-dayuhan, at kontra-mamamayan.

Ang mga tulad din nina Padawil at Lapniten ay ang target ng IP-centric approach, kung saan malawakang nagrerekluta ang AFP at PNP sa hanay ng mga Igorot upang ipaing ang mga ito sa mga operasyon sa Cordillera, isang malawak na kabundukan na pinaglalawayan ng mga dayuhang korporasyon.

Higit pang lumilinaw ang katotohanan ng gera sibil sa pagitan ng iilang naghaharing-uri at ang armadong pwersa nito sa isang panig, at ng malawak na masang api at ang isinusulong nitong armadong pakikibaka sa kabila.

Sa kagyat, dapat magpunyagi ang mamamayang Pilipino na biguin ang pasista at kontra-mamamayang Oplan Kapayapaan. Sumandig tayo sa ating sama-samang pagkilos upang labanan ang todo-gera ng rehimeng US-Duterte.

Nananawagan ang LPC sa mamamayan ng Mt. Province, Cordillera, at buong bansa na ibaling sa rebolusyonaryong paglaban ang galit sa kawalan ng katarungan sa ilalim ng naghaharing sistema. Sumapi sa NPA – ang tunay na hukbo ng mamamayan – at ipagtagumpay ang Digmang Bayan na mag-aanak ng tunay na kalayaan at kapayapaan!

https://www.philippinerevolution.info/statement/biguin-ang-oplan-kapayapaan-labanan-ang-todo-gera-ng-rehimeng-us-duterte/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.