NPA-Quezon propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (May 3): Tugon ng NPA-Quezon sa mga pahayag ni Duterte sa pagbisita niya sa Bondoc Peninsula
Ka Cleo del Mundo, Spokesperson
NPA-Quezon (Apolonio Mendoza Command)
3 May 2018
Parang hinulaan ng rebolusyunaryong kilusan ang walang kakwenta-kwentang talumpati ni Duterte sa pagbisita niya sa Bondoc Peninsula kahapon para mamahagi ng CLOA sa ilalim ng pekeng reporma sa lupa ng reaksyunaryong gubyerno.
Maaga nang sinabi ng Apolonio Mendoza Command-NPA-Quezon kahapon na gagamiting okasyon ni Duterte ang pagpunta sa lalawigan para alimurain ang kanyang mga kalaban at grupong tumutuligsa sa kanyang pasistang pamamahala sa bansa.
Namumutiktik sa pagmumura, kabargasan at kabastusan sa mamamayan, lalo na sa kababaihan ang umabot sa 13-pahinang talumpati ni Duterte (tingnan sa website ng Presidential Communications Office Presidential News Desk).
Kagaya ng inaasahan, binigyang-katwiran na naman niya ang madugong gera kontra-droga, ang kanyang pagiging babaero, tagapaglako ng galit (hate-monger) at mga kontra-mamamayang programa at patakaran.
Maaga niyang ipinarada ang mga minamanok niyang kandidato sa paparating ng mid-term election sa susunod na taon. Talagang pangangampanya ang pakay ni Duterte at hindi reporma sa lupa.
Hindi rin niya pinaligtas ang Australianang madre na pinadedeport niya, gayong kung nalalaman lamang ni Duterte ang tulong na inihatid ng kongregasyon ni Sr. Patricia Fox sa mga bayan ng North Quezon dahil sa livelihood program na mahigit isang dekada nang tinatamasa ng mga kababaihan doon.
Nagpasaring pa si Duterte na siya ay magiging “masaya na ipagpatuloy ang usapang (kapayapaan)” pero may mga bagay siyang hindi niya maiuurong.
Inasukalang bala ang alok ni Duterte na muling buksan ang peace talks kung hindi naman niya iaatras ang mga kondisyon niyang makaisang panig.
Hindi maaari ang gusto ni Duterte na limitahan ang NPA sa “tigil-putukan at pagkakampo sa loob ng 60-araw” para matuloy ang peace talks.
Kung tutuusin, pumasok na ang CPP-NPA-NDFP sa anim na buwang ceasefire mula August 2016 hanggang January 2017 pero hindi naman ito naging garantiya para umabot sa pagpirma sa mahalagang kasunduan sa socio-economic reforms na siyang lulutas sa gera sibil sa bansa.
Hangga’t pabalat-bunga ang pangakong pagbabago ni Duterte kagaya ng pamimigay ng CLOA gayong libreng pamamahagi ng lupang sakahan ang kahilingan ng mga magsasaka, hindi aabante ang peace talks.
Nananawagan kami sa mamamayan ng Quezon at buong bansa na hindi pa lubos na naliliwanagan sa tunay na katangian ng rehimeng US-Duterte na ito na ang tamang panahon para maging kritikal sa pasismo at namumuong diktadurya ni Duterte.
Kailangang magkaisa ng sambayanan sa paglalantad, pagtatakwil at paglaban sa sa rehimeng US-Duterte.
Sa papasahol na militaristang paghahari ni Duterte sa bansa, walang ibang pagpipilian ang NPA at ang buong rebolusyunaryong kilusan kundi higit na palakasin ang pagdedepensa sa mamamayan at pulang kapangyarihang naipundar nito sa lalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng mas pinaigting na aksyong militar laban sa mersenaryong hukbo at lahat ng galamay ng pasismo ng rehimeng US-Duterte.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.