Friday, May 4, 2018

CPP/Ang Bayan: Mag-aral ng marxismo! Baguhin ang mundo!

Ang Bayan propaganda editorial posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (May 4): Mag-aral ng marxismo! Baguhin ang mundo!



 Sa pamamagitan ng espesyal na isyu na ito ng Ang Bayan, ginugunita at ipinagdiriwang ng Partido Komunista ng Pilipinas, kasama ng uring manggagawa sa buong mundo, ang ika-200 taon ng araw ng kapanganakan ni Karl Marx, ang dakilang guro ng proletaryado.

Mababasa sa sumusunod na pahina ang iba’t ibang artikulo na tumatalakay sa buhay, mga sulatin at gawain ni Marx bilang isang proletaryong rebolusyo- naryo. Tampok sa isyung ito ang artikulong “Nagpapatuloy na Bisa at Sigla ng Marxismo” na tumalakay sa pangunahing nilalaman ng Marxismo at tumalunton sa pag-unlad nito sa Marxismo-Leninismo-Maoismo. Ito ay inambag ni Kasamang Jose Maria Sison, Tagapangulong Tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas at isa sa nangungunang Marxista-Leninista-Maoista ng kasalukuyang panahon.

 Katulad ng isinasaad ng naturang artikulo, ang Marxismo ay nananatiling tumpak, buhay at umuunlad na ideolohiya ng proletaryado. Ito ang tanging nakapagbibigay-linaw sa mga dahilan sa likod ng umuulit-ulit at lumalalang kapitalistang krisis sa buong daigdig, nagpapanday ng rebolusyonaryong kapasyahan ng mga manggagawa at masang anakpawis na lumaban at nagtataas ng kanilang optimismo na makakamit ang tagumpay at muling dadaluyong ang sosyalistang rebolusyon sa buong daigdig. Tinuro ni Marx ang di maiiwasang landas ng kasaysayan tungo sa komunistang hinaharap.

Ang Marxismo o Marxismo-Leninismo-Maoismo ay sumibol mula sa natipong siyentipikong kaalaman sa larangan ng pilosopiya, syensyang panlipunan at ekonomyang pampulitika. Ito ay isang paraan ng pag-iisip at pagsusuri, pananaw at paninindigan ng uring proletaryo. Isa itong siyentipikong instrumento para baguhin ang mundo. Isa itong sandata para sa pagrerebolusyon.

Sa mahigit nang 150 taon, ang Marxismo ay naging materyal na pwersa ng pagbabago. Lumapat, umugat at lumaganap ito sa iba’t ibang bansa. Ang Manipesto ng Partido Komunista (1848) ang isa sa akdang pinakamaraming ulit na sinalin sa kasaysayan ng buong mundo. Tulad ng maso, ang Marxismo ay tinanganan ng mga proletaryong rebolusyonaryo para pandayin ang bagong kinabukasan.

Buhay at umuunlad ang Marxismo dahil palagi itong ginagamit sa paggagap ng proletaryado sa walang tigil na nagbaba- gong kalagayan ng mundo at teoretikong gabay sa praktika ng tunggalian ng mga uri. Sa paglalapat sa partikular na sit- wasyon ng iba’t ibang bansa, ang Marxismo ay nagkakahugis bilang rebolusyonaryong programa ng pagkilos at kongkre- tong mga balak, patakaran at hakbangin ng mga partido komunista para ibagsak ang mga reaksyunaryong uri, itatag ang proletaryong diktadura kasama ang mga demokratikong uri at pandayin ang sosyalismo.

Sa gabay ng Marxismo at pag- unlad nito sa Marxismo-Leninismo-Maoismo, nagtagumpay ang proletaryado sa Russia (1917), sa China (1949) at maraming iba pang bansa, naitatag ang diktadura ng proletaryado at ipinundarang sosyalistang sistema ng ekonomyang planado at tu- mutugon sa pangangailangan ng masang manggagawa at masang anakpawis. Mabilis na kumalat ang Marxismo sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sa loob ng pitong taon (1949- 1956) nakapamayani ang demokratikong kapangyarihan ng proletaryo sa sangkatlo ng buong daigdig nang magsalikop ang sosyalistang rebolusyon sa Soviet Union at China, gayundin ang matatagumpay na rebolu- syong demokratiko at anti-kolonyal sa iba’t ibang panig ng mundo (Korea, Vietnam, Cuba) na pinamunuan ng proletaryado. Sa panahon na ito, hinawakan ng uring proletaryado ang mga nangungunang salik ng ekonomya, pinagplanuhan ang produksyon at mabilis na pinaunlad ang antas ng buhay ng mga tao.

Ang kabanata na ito ng kasaysayan ang pinakamaaliwalas para sa uring proletaryado at iba pang produktibong uri: 100% empleyo, libreng pabahay, libreng serbisyong pangkalusugan, libreng edukasyon at iba pa.

 Subalit katulad ng dinanas na mga pag-atras at kabiguan ng burgesya nang isa pa itong rebolusyonaryong uri sa halos limang siglong iniluluwal ang kapitalismo mula sa sinapupunan ng pyudalismo, dumanas din ang proletaryado ng mga kabiguan at pag-atras sa pagsusulong nito ng sosyalistang rebolusyon sa nagdaang siglo. Ang itinatag ng proletaryado na progresibo at modernong sistemang sosyalista ay winasak ng burgesya nang ibalik nila ang kapitalismo—noong una ay dahan-dahan at pakubli, malao’y hayagan at lubusan—sa Russia simula 1956, sa China simula 1977 at sa iba pang bansa.

Itong panunumbalik ng kapita- lismo at muling pagpapaloob ng Russia at China sa pandaigdigang sistemang kapitalista ay lumilikha ng kundisyon ng mas malalim at mas masaklaw na krisis ng kapitalistang sistema. Ang maigting na ribalan ng mga monopolyo kapitalista para sa tubo ay nagbubunsod ng mas malalang anarkiya at krisis ng sobrang produksyon.

Ang nagdaang apat na dekada ng neoliberal na mga patakaran ay bigong isalba ang kapitalistang sistema. Sa halip, inilugmok lamang nito ang buong mundo sa walang katapusang siklo ng krisis na dumadalas at mas nagtatagal. Sa bawat sulok ng mundo, hinahambalos ang masang anakpawis ng malawakang disempleyo, mababang sahod at lumalalang mga kundisyon at anyo ng pagsasamantala. Hinahanap nila ang liwanag ng Marxismo upang tanglawan ang daan ng rebolusyonaryong paglaban.

Sa Pilipinas, tinatanglawan ng ating Partido ang landas ng demokratikong rebolusyong bayan at ang hinaharap na sosyalistang rebolusyon. Sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, lalagumin ng Partido ang limampung taong rebolusyonaryong karanasan ng samba- yanang Pilipino, upang ibayo pang pagyamanin ang baul ng rebolusyonaryong teorya at gamiting sandata para isulong ang matagalang digmang bayan patungo sa susunod na estratehikong yugto ng pag-unlad.

Hindi maikakaila ang saysay ng mga nakamit na tagumpay ng sosyalistang rebolusyon sa epikong maka-uring digmaan ng burgesya at proletaryado. Katulad na ang Rebolusyong 1848 ay itinuring nila Marx na paghahanda sa Komuna ng Paris noong 1871, at katulad na ang nagaping Komuna ng Paris ay itinuring ni Lenin na paghahanda para sa tagumpay ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Oktubre sa Russia, ang mga tagumpay sa sosyalistang rebolusyon sa kalakhang bahagi ng ika-20 siglo (1917-1977), bagaman winasak ng burgesya, ay dapat nating ituring na paghahanda sa mas malalaking tagumpay sa susunod na pagbwelo ng sosyalistang rebolusyon sa hinaharap.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20180504-mag-aral-ng-marxismo-baguhin-ang-mundo/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.