NPA-Quezon propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (May 2): Planong pamamahagi ni Duterte ng CLOA sa Quezon, vote buying
Ka Cleo del Mundo, Spokesperson
NPA-Quezon (Apolonio Mendoza Command)
2 May 2018
Press Release
“Pinapaalalahanan namin si Duterte na maghunos-dili sa pang-aalipusta, pambabastos at pagmumura sa mamamayan ng Quezon. Ang makakaharap niya ay mga maralitang magsasaka na kasalukuyang dumaranas ng gutom dahil sa bagsak na presyo ng lukad at kawalan ng lupa,” banggit ni Ka Cleo del Mundo, tagapagsalita ng Apolonio Mendoza Command-NPA Quezon sa kanyang pahayag.
Napabalita ngayong araw na bibisita si Presidente Rodrigo Roa Duterte sa mga bayan ng Mulanay at San Francisco sa ikatlong distrito ng lalawigan ng Quezon para mamahagi ng certificate of land ownership award o CLOA. Ang parehong bayan ay nasa Bondoc Peninsula na itinuturing na hacienda belt ng lalawigan.
“Ang nais marinig ng mga magniniyog ng Bondoc Peninsula ay ang programang libreng pamamahagi ng lupa at pagbabalik ng bilyong pondo ng coco levy. Sukang-suka na ang mamamayan ng Quezon sa pekeng CARP na kailanman ay hindi bumago sa monopolyong kontrol sa lupa,” dagdag ni del Mundo.
“Ginawa na dati ni Aquino noong 2010 ang pamamahagi ng CLOA para mangampanya, pero halos isang dekada ang dumaan may nagbago ba sa kabuhayan at buhay ng mga magsasaka sa mahigit 800-ektaryang lupaing saklaw ng huwad na reporma sa lupa sa mga bayan ng Mulanay at San Narciso?,” paliwanag ng tagapagsalita ng NPA-Quezon.
Matatandaang bumisita rin ang dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III sa Bondoc Peninsula para gawing showcase ang lugar ng reporma sa lupa ng Department of Agrarian Reform.
“Ang pagpunta ni Duterte sa Bondoc Peninsula ay para sa mga amo at kasapakat niyang landlord na sina Reyes, Murray, Uy at Matias. Gagarantiyahan niyang hindi mapapamahagi nang libre ang lupa para makuha ang pinakamalakas na suporta at konsesyon sa naghaharing uri sa kanayunan. Kailangan ito ni Duterte sa paparating na barangay election at midterm election sa susunod na taon.”
“Sa Mayo 14 ay eleksyong pambarangay na, walang alam ang gubyerno kundi bilihin ang boto ng mamamayan sa pamamagitan ng mapanlinlang nilang programa. Hindi kailanman natuto ng bagong trick ang mga matatandang aso ng imperyalistang US,” ani del Mundo.
Sinabi rin ng AMC-NPA sa kanilang pahayag na suportado nila ang pagpapatuloy ng usapang kapayapaan sa pagitan ng NDFP at gubyerno ng Republika ng Pilipinas, pero hindi sa mga kundisyon na gusto ni Duterte kagaya ng pagsasalong ng armas at walang taning na ceasefire kahit hindi pa naisasara ang mahalagang kasunduan sa socio-economic reforms na naglalaman ng libreng pamamahagi ng lupa at iba pang repormang panlipunan na ayon sa rebolusyunaryong kilusan ay siyang ugat ng gera sibil sa bansa.
Ayon kay del Mundo inaasahan nilang gagamiting pagkakataon ni Duterte ang pagbisita sa Bondoc Peninsula para batikusin ang rebolusyunaryong kilusan at patuloy na paasahin ang mamamayan na darating ang pagbabago sa pamamagitan ng gera kontra-droga, martial law at oplan Kapayapaan.
Ang SQBP ay kilalang malakas ng base ng NPA sa Quezon. Noong buwan ng Pebrero, magkasunod na nireyd ng NPA ang Tumbaga ranch sa San Francisco kung saan nakakumpiska ng anim na armalite at iba pang kagamitang militar, at kinabukasan ay inambus ang rerespondeng sundalo sa highway ng General Luna.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.