Monday, April 30, 2018

CPP/NPA-Kalinga: Duterte kontra-manggagawa, tuta ng mga kapitalista, pahirap sa masa!

New People's Army (NPA)-Kalinga propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Apr 30): Duterte kontra-manggagawa, tuta ng mga kapitalista, pahirap sa masa!

Ka Tipon Gil-ayab, Spokesperson
NPA-Kalinga (Lejo Cawilan Command)

30 April 2018

Sa Mayo 1 ipinagbubunyi ng masang anakpawis ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa, ngunit walang ibang aasahang pag-unlad ang sektor ng paggawa mula sa papet at pasistang rehimeng Duterte bagkus lalo pa nitong pag-iibayuhin ang paghihirap at pasanin ng sambayanang Pilipino. Mula ng maupo sa pwesto, ampaw na mga pangako at puro palipad-hangin lamang ang ginawa ni Duterte upang lumikha ng ilusyong may ginagawa itong hakbang upang iangat ang antas ng pamumuhay ng ordinaryong Pilipino. Maraming ipinangako ngunit lahat ng ito ay napako. Pinilit niya mang ikubli, lumitaw rin ang diktador-pasistang kulay nito na walang ibang pinagsisilbihan kung hindi ang interes nito at ng iilang naghaharing-uri.

Sa halip na tuparin ang pangako nitong wawakasan ang kontraktwalisasyon, naglabas ang rehimen ng ampaw at bogus na DO 174 na sa katunayan ay mas lalong nagpalala sa iskemang kontraktwalisasyon. Imbes na paboran nito ang mga manggagawa, lalo lamang nitong pinatindi ang pagsasamantala at pandarahas sa kanila ng mga kapitalista. Sinigurado ng DO 174 na mas ibayo pang maipagkakait ng mga kapitalista ang mga batayang karapatan ng mga manggagawa sa seguridad sa trabaho, nakabubuhay na pasahod, at ligtas at malusog na kalagayan sa paggawa. Sa ilalim ng rehimen ay umabot na sa 4.1 milyon ang bilang ng mga walang trabaho. Ito na ang pinakamasahol na bilang sa loob ng 20 taon. Ang masaklap dito, hindi rin masasabing maswerte ang mga kasalukuyang may trabaho dahil sa kabila ng di-makataong kalagayan sa paggawa ay limos lamang ang kasalukuyang P512 na minimum wage sa NCR. Talaga nga namang marapat na tawaging “libing” wage ito dahil wala pa ito sa kalahati ng kinakailangang halaga na P1,171 upang mabuhay ng disente ang isang pamilyang may anim na miyembro. Kung tutuusin hindi pa nga sapat ang P512 na minimum wage upang makakuha man lamang ng disenteng libing, paano pa kaya ang makapagpagamot ng may sakit o pagtugon sa mga emergency na kalagayan?

Kalunos-lunos na isiping ganito ang kalagayan ng manggagawang Pilipino na siyang tunay na pundasyon ng ekonomiya ng bansa habang patuloy na lumolobo ang yaman ng 40 na pinakamayamang pamilya sa bansa na siyang tunay na nakikinabang sa mga proyekto at utang ng rehimen mula sa iba’t ibang bansang pinaglakuan nito sa Pilipinas. Masaklap pa rito, wala na ngang aasahan ang mamamayang Pilipino sa rehimen ay dinagdagan pa nito ang pasanin ng masa sa pagsagasa sa kanila ng TRAIN law na lalong maglulugmok sa kanila sa kahirapan. Sa pamamagitan ng TRAIN ay lalong sisirit ang presyo ng mga batayang produkto at lalong bababa ang kakayahan ng masang-anakpawis na makamit ang kanilang mga batayang-pangangailangan sa araw-araw.

Partikular sa rehiyon, ang P250 na minimum wage para ng CAR ay hindi kailanman matatawag na nakabubuhay na pasahod at malayong- malayo sa itinakdang living wage at kahit na sa minimum wage sa NCR. Hindi kailanman matutustusan ng limos na halaga na ito ang pagkain, edukasyon, kalusugan at iba pang batayang serbisyong kinakailangan ng tao upang mabuhay ng disente. Itinutulak ng rehimen na kumapit sa patalim ang mga mamamayan dahil na rin sa kainutilan nitong magbigay ng disenteng ikabubuhay. Nais pang ikubli ng rehimen ang patuloy na paglawak ng disempleyo sa bansa sa pagmamalaking marami itong nakuhang mga pamumuhunan mula sa paglalako nito sa likas-yaman ng bansa na di umano ay lilikha ng libo-libong trabaho para sa mga mamamayang Pilipino. Halimbawa sa Kalinga, bumubuhos ngayon ang napakaraming proyektong pang-enerhiya gaya ng dam at geothermal (pito sa walong munisipyo ng probinsya ang kasalukuyang may mga ganitong proyekto) na pawang pinondohan mula sa mga pautang na nakuha ni Duterte sa China at iba pang kahalintulad na bansa. Ipinangangalandakan ng gobyerno na ang mga proyektong ito ay magbibigay ng hanapbuhay sa mga mamamayan ng probinsya ngunit sa esensya ang mga trabahong ito ay pangsamantala lamang at kung ikukumpara sa peligrong idudulot nito sa kalikasan ay wala itong kahit anong maidudulot sa masa kung hindi perwisyo at lalong pagkasira ng kanilang kabuhayan.

Pinaiigting din ng rehimen gamit ang reaksyunaryong armado nitong AFP ang rekrutment ng CAFGU sa lugar bilang di umano alternatibong pagkakitaan ng mga hikahos na masa ngunit sa katotohanan ay nagsisilbi lamang ito sa interes ng rehimen na maghasik ng takot at saywar sa mga komunidad sa kanayunan. Sapilitang nirerekrut ng AFP ang mga masang magsasaka upang maging utus-utusan, giya sa mga operasyong militar at ahente-paniktik sa mga komunidad. Kung tutuusin ay pang-“betsin” lang ang sahod ng CAFGU na P4,800/buwan na hindi sasapat na panustos sa pangangailangan ng pamilya. Isinusubo lamang ng rehimen at ng AFP ang mga CAFGU sa delikadong trabaho na kontra-mamamayan sa kabuuan. Sa halip na paunlarin ang sektor na agrikultura at magbigay ng disenteng ikabubuhay, sinasadya ng rehimen na paigtingin ang krisis sa kabuhayan at pagpapabaya nito sa mga batayang sektor at maging sa mga pambansang minorya upang lalo nitong makontrol at manipulahin ang pamumuhay ng mga ito.

Mahigpit ang ugnayan ng development aggression sa probinsya sa tumitinding militarisasyon dito. Sa pwersahang pagpasok ng mga dayuhang kumpanya ng enerhiya na kakamkam sa yaman ng Kordilyera, sinisigurado ng rehimen ang proteksyon sa mga ito sa pamamagitang ng pagpapaigting ng militarisasyon sa lugar at malawakang rekrutment ng reaksyunaryong armado sa hanay ng mga mamamayan, pangunahin na sa mga pambansang minorya. Nagkukubli sa tabing ng pag-unlad at pangkabuhayan ang tunay na layunin ng rehimen na kamkamin ang yaman at lupang ninuno ng Kordilyera.

Tinutulak ng rehimen ang mamamayang Pilipino sa desperasyon at kamatayan. Walang dapat ibang gawin ang mga mamamayan kung hindi ang mag-alsa at lumaban mula sa pambubusabos ng naghaharing-uri. Dapat buong-lakas na harapin ng konsolidadong hanay ng mga manggagawa iba pang sektor ang mga atakeng neoliberal sa kanilang mga karapatan at kagalingan. Hindi dapat hayaan na mabawi ang mga tagumpay ng kilusan na pinagbuhusan ng pawis at dugo ng laksa-laksang mamamayang lumalaban para rito. Marapat na singilin ng mamamayan ang kahayupan ng rehimen na patuloy na nangyuyurak sa kanilang mga karapatan at pumapatay sa kanilang kabuhayan. Hindi dapat magpalinlang sa mga palipad-hangin at pangako ng rehimen bagkus ay maging kritikal at mapanuri rito. Marapat na tahakin ng mga manggagawa ang landas ng rebolusyon, ng armadong pakikibaka, na siyang tanging solusyon upang makawala sila sa tanikala ng pagsasamantala kasama ang iba pang uring api. Tanging sa tagumpay lamang ng demokratikong rebolusyong bayan makakamit ang nasyunal na industriyalisasyon na siyang tutugon sa mga batayang karapatan at kagalingan di lamang ng uring manggagawa kung hindi ng lahat ng uri.

IBAYONG ILANTAD HANGGANG MAPATALSIK ANG REHIMENG US-DUTERTE!

MANGGAGAWA MAG-ALSA! PANGHAWAKAN ANG DAKILANG TUNGKULIN SA DRB, SUMAMPA SA BHB AT TUMIPON SA DAKILANG PAKIKIBAKA NG SAMBAYANANG PILIPINO!

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.