National Democratic Front (NDF)-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (May 1): Manggagawang Pilipino, magkaisa upang wakasan ang kontraktwalisasyon at neoliberal na paghahari sa bansa!
Patnubay de Guia, Spokesperson
NDFP Southern Tagalog
1 May 2018
Nakikiisa ang National Democratic Front-Southern Tagalog sa lahat ng manggagawang Pilipino at mamamayan sa kanilang panawagang kagyat na ibasura ang kontraktwalisasyon at wakasan na ang “endo” sa bansa. Sa okasyon ng pagdiriwang sa Labor Day o Pandaigdigang Araw ng Paggawa ngayong Mayo Uno, nararapat lamang na dakilain ang lahat ng manggagawa ng daigdig na nakibaka at patuloy na nakikibaka para sa kaseguruhan sa trabaho, disenteng trabaho, nakabubuhay na sahod, karapatan sa pag-uunyon, pagwewelga at iba pa. Sa araw ding ito, napapahong singilin ng mamamayang Pilipino ang rehimeng US-Duterte sa pangako nitong ibasura ang kontraktwalisasyon sa bansa.
Sa loob ng halos dalawang taong paghahari ng rehimeng US-Duterte, hindi pa rin naibabasura ang kontraktwalisasyon bagkus ay sinuhayan pa nito at higit na pinalala sa pamamagitan ng Department of Labor and Employment Order 174. Nananatiling nakapako ang pangako ni Duterteng wakasan ang kontraktwalisasyon, pangakong bukang-bibig nya noong panahon ng eleksyon hanggang pag-upo sa estado-poder.
Sadyang walang balak ang rehimeng US-Duterte na ibasura ang kontraktwalisasyon matapos ipagwalang-bahala ang kautusang inihanda ng iba’t ibang organisasyon ng mga manggagawang magwawakas sa “endo”. Simula’t sapul, hindi ang mga manggagawa ang pinakikinggan ni Duterte kundi ang mga kapitalistang pangunahing nagsasamantala sa murang lakas paggawa at pinapaburan ang neoliberalismong inilalako ng imperyalismong US sa bansa. Hangga’t hindi nakakawala ang Pilipinas sa gapos ng imperyalistang pandarambong at pagsasamantala, mananatili ang mga hambalos ng neoliberalismo tulad ng labor only contracting at iba pang iskema ng pleksibilisasyon sa paggawa. Sa ganitong mga tindig ni Duterte, mahirap nang asahan ang kanyang rehimen na maibsan ang pagdurusa ng mga manggagawang Pilipino.
Sa Timog Katagalugan pa lamang, nagpapatuloy at lalo pang tumitindi ang pakikibaka ng mga manggagawa laban sa kontraktwalisasyon. Mula nang umupo sa pwesto si Duterte, higit pang lumala ang kalagayan ng mga manggagawa. Bagama’t malaki ang ipinamalas na pag-asa ng DOLE at ng kanyang rehimen noong panahon ng peace talks, nagmistulang buladas lamang ang pangakong iregularisa ang libu-libong manggagawang kontraktwal sa rehiyon. Wala pa sa dalawang porsyento ng 29,202 manggagawang denisisyunang dapat gawing regular ang kinilala at niregularisa ng mga pagawaang kanilang pinapasukan. Hanggang sa kasalukuyan, nanatiling 80-90% ng mga manggagawa sa rehiyon ang kontraktwal at ang mga inilalabas na kautusan ng DOLE ay pawang mga pakitang-tao lamang at hindi tiyak na naipapatupad.
Hanggang ngayon, hindi pa rin nireregularisa ang mga manggagawa ng Technol Eight at Sun Logistics, ng Yazaki Torres na may mahigit sa 15,000 manggagawang kontraktwal, mahigit sa 6,000 sa EMI Yazaki sa Cavite habang aabot sa 14,000 sa pagawaan ng Epson sa Batangas.
Sa Takata Philippines, may 3,900 kontraktwal na nakaambang mawalan ng trabaho dahil sa planong pagbebenta nito sa korporasyong Amerikano. Hindi malayong sapitin ng mga manggagawa ng Takata ang nangyari sa mga manggagawa ng MIESCOR (Meralco) sa Sto. Tomas, Batangas nang magsara ito ngayong taon matapos linlangin ang mga manggagawa.
Isang tampok na laban ngayon sa rehiyon ang pakikibaka ng mga kontraktwal na manggagawa ng Coca-Cola Femsa Philippines sa planta nito sa Sta. Rosa, Laguna. Naitulak ng mga manggagawa ng Coca-Cola ang DOLE upang maglabas ng desisyon na gawing regular ang 675 na manggagawang kontratwal ngunit hindi pa rin ito naipapatupad.
Ang napipintong pagbubukas ng peace talks sa pagitan ng NDFP at GRP ang nagbibigay ng pag-asa sa uring manggagawang matugunan ang kanyang mga kahilingan hanggang sa maksimum na ipatupad ang pambansang industriyalisasyon. Laman ito ng ikalawang adyenda sa usapan na Comprehensive Agreement on Socio-economic Reforms (CASER). Ngunit nakasalalay ito sa sinseridad ng rehimeng US-Duterteng tugunan ang hinaing ng mga manggagawa.
Ngayong Mayo Uno, dapat na padagundungin ng lahat ng manggagawa ang kanilang lakas at galit laban sa anti-mamamayan at anti-manggagawang rehimeng US-Duterte. Kailangang igiit nila ang pagpapatuloy ng peace talks at kagyat na pagbubuo ng kasunduan sa repormang sosyo-ekonomiko. Kasabay nito, hindi nila dapat tantanan ang pakikibaka upang tuluyan nang wakasan ang kontraktwalisasyon sa bansa kasabay ng paggigiit na isulong ang pambansang industriyalisasyon na tatapos sa dominasyon ng imperyalismong US sa ekonomiya ng bansa at lilikha ng marami at disenteng trabaho para sa mamamayan.
Batid ng mga manggagawang tanging ang pagtatagumpay ng digmang bayan ang mapagpasyang hakbang ng lahat ng manggagawang Pilipino upang tapusin hindi lamang ang kontraktwalisasyon kundi higit ang dominasyon ng imperyalismong US sa bansa. Upang maging posible ito, kailangang patuloy na sumalig ang uring manggagawa sa kanilang lakas at makiisa sa iba pang inaaping uri upang isulong ang armadong pakikibaka sa kanayunan at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan.###
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.