NPA-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Feb 15): Hustisya sa mga karumaldumal na krimen ng berdugong si Palparan
Jaime “Ka Diego” Padilla, Spokesperson
NPA-Southern Tagalog (Melito Glor Command)
15 February 2018
Press Release
Nananawagan ang Melito Glor Command – New People’s Army Southern Tagalog ng isang makatarungang hatol kung saan dapat papanagutin ang berdugong si retired General Jovito Palparan, Jr. sa kanyang mga karumaldumal na krimen sa mamamayan, lalo sa pagdukot sa dalawang estudyante ng University of the Philippines (UP) na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan.
Ngayong huling pagdinig sa Bulacan Regional Trial Court, malinaw ang krimen ni Palparan sa sapilitang pagkawala nina Empeño at Cadapan kahit ilan pang kasinungalingan ang kanyang lubirin sa harap ng mamamayang sumisigaw ng hustisya at katarungan. Ang kanyang hindi pagdalo sa mga unang pagdinig at pagtatago ay patunay ng kanyang pagkakasala. Matatandaang dalawang taong nagtago ang berdugong kriminal na si Palparan habang nagdurusa ang pamilya ng mga biktima, lalo ang pamilya nina Empeño at Cadapan.
Sa Timog Katagalugan, libu-libong mamamayan ang naging biktima ng kanyang mga kasong kriminal tulad ng pamamaslang, pagdukot, iligal na panghuhuli at pagsampa ng mga gawa-gawang kaso, pagtortyur, pananakot, panghaharas at intimidasyon mula sa mga komunidad sa kanayunan hanggang sa hanay ng mga ligal na organisasyon at lider-aktibista sa kanayunan. Tampok rito ang pagpaslang kina Eddie Gumanoy, Eden Marcellana, Atty. Jovy Magsino at Leima Forto na lumagpas na sa isang dekadang hindi nabibigyan ng katarungan, pagsampa ng gawa-gawang kaso sa tinaguriang “ST 72” o 72 lider-aktibista sa Timog Katagalugan, pananakot at panghaharas sa mga komunidad sa Batangas, Rizal, Laguna at Mindoro kung saan sariwa pa sa mamamayan ang atrosidad ng mga mersenaryong militar sa ilalim ng pamumuno na noon ay koronel Joveto Palparan, lalo sa komunidad ng mga katutubong Mangyan.
Sa dami ng inutang na dugo sa bayan ni Palparan, makatwiran at makatarungan lamang na hatulan si Palparan bilang maysala at parusahan sa kanyang mga krimen. Malaon na itong ipinapanawagan hindi lamang ng pamilya ng mga biktima kundi ng buong sambayanan.
Dapat igawad ang hustisya sa lahat ng krimen ni Palparan. Hindi titigil ang sambayanang Pilipino hangga’t hindi nakakamit ang katarungan sa kanyang mga krimen.
Mahalaga ang aktibong pagkilos ng lahat ng mga pamilya na dumanas matinding karahasang militar kasama ang buong sambayanang Pilipino upang hindi mabaon sa limot at mabigyan ng hustisya ang lahat ng mga biktima ng pasismo ng estado. Sa samama nating pagkilos at paglaban makakamit ang isang tunay na hustisyang makatao at makatarungan.
https://www.philippinerevolution.info/statements/20180215-rnhustisya-sa-mga-karumaldumal-na-krimen-ng-berdugong-si-palparan
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.