Friday, February 9, 2018

CPP/NPA-Southern Tagalog: 10 Puntong Batayan Bakit Dapat Patalsikin ang Rehimeng US-Duterte

NPA-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (Feb 8): 10 Puntong Batayan Bakit Dapat Patalsikin ang Rehimeng US-Duterte



Jaime “Ka Diego” Padilla, Spokesperson
NPA-Southern Tagalog (Melito Glor Command)

8 February 2018

1. Palpak at Madugong Gera Kontra Droga
Bigo si Duterte na panagutin ang mga malalaking druglord, sindikato, at mga protektor ng droga sa loob ng gubyerno kabilang ang 9,000 pulis aniya’y sangkot sa negosyo ng iligal na droga. Lalong napahiya si Duterte nang madawit ang anak na si Paulo at manugang na Maneses Carpio sa pagsa-smuggle ng P6.4 bilyong pisong halaga ng droga sa Bureau of Customs.

Sa halip na parusahan ang maysala, itinuon ni Duterte ang gera kontra droga sa maralita. Higit 14,000 mamamayang pinaghihinalaang tulak at adik ng droga ang pinatay sa ilalim ng Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel Reloaded sa loob lamang ng isang taon—lampas pa sa bilang ng mga pinaslang ni Marcos noong Batas Militar.

2. Pagwasak sa Marawi City at Pagsupil sa mga Moro
Wasak ang tirahan at kabuhayan ng higit 400,000 mamamayan sa gera ng gubyerno kontra Maute-Isis sa Marawi. Aabot sa 2,000 sibilyang Moro ang namatay at daang libo ang napilitang lumikas mula sa lungsod, na nagmistulang ground zero matapos ang pambobomba idinerehe ng US.

Nagsilbing babala ang gera sa Marawi sa maaaring mangyari sa mamamayang Moro kung patuloy silang tututol sa Bangsamoro Basic Law at federalismo na isinusulong ni Duterte. Patunay ito na hindi mag-aatubili ang rehimen na pakawalan ang armadong lakas nito upang durugin ang mga sasalungat sa tiranikal na paghahari ni Duterte.

3. Pagpapatupad ng TRAIN at iba pang Dagdag Pahirap sa Mamamayan
Tiyak na lalong magdurusa ang maralita at anakpawis kung magpapatuloy pa ang paghahari ng rehimeng US-Duterte.

Paspasang isinabatas ng papet na Kongreso ang TRAIN na magdudulot ng kabi-kabilang pagtataas ng presyo ng mga batayang bilihin gaya ng mga produktong petrolyo. Nakaamba rin ang pagphase-out sa mga jeep na makakaapekto sa milyun-milyong drayber sa bansa.

Dito sa Timog Katalagugan, higit sa kalahating milyong bahayan mula Manila hanggang Sorsogon ang wawasakin para sa Manila South Railway Project.

4. Patuloy na Kontraktwalisasyon at Kawalan ng Trabaho
Sang-ayon sa interes ng Imperyalismong US, panginoong maylupa at burgesya kumprador, pinalala ng rehimen ang pasanin ng manggagawang Pilipino.

Mapanlinlang ang maka-kapitalistang “win-win solution” ng Department of Labor and Employment sa kontraktwalisasyon, na ipinapasa lamang sa mga manpower agency ang pagkokontraktwalisa sa mga manggagawa. Wala ring trabaho ang 4.5 milyong Pilipino nitong 2017.

Sa suma, patuloy ang pagpapasasa ng oligarkiya sa lakas-paggawa ng anakpawis: katumbas na ng yaman ng 15 pamilya ang kabuuang yaman ng 80 milyong pinakamahirap na Pilipino.

5. Lantarang Pagpapakatuta sa Imperyalismong US
Tapat si Duterte sa amo niyang Imperyalistang US, kaya’t pataksil niyang ipinagkaloob ang Pilipinas sa Estados Unidos bilang forward military base nito sa Asya-Pasipiko. Hinayaan rin niyang makalabas-masok sa bansa ang pwersa at kagamitang pang-militar ng US bilang suporta sa interes nito sa rehiyon.

Katuwang ni Duterte sa pagpapakatuta ang mga ahente ng US-CIA na sina Lorenzana, Esperon at Año na kanyang iniluklok sa mga susing pwesto sa reaksyunaryong gubyerno. Natupad nila ang maka-imperyalistang layunin sa tabing ng gera kontra-terorismo at pagpapatuloy ng mga kasunduang militar gaya ng VFA at EDCA.

6. Pagsuko ng pambansang soberanya sa mga imperyalistang bayan
Pumasok ang rehimeng US-Duterte sa mga kasunduan sa mga kalapit na kapitalista at imperyalistang bayan kapalit ng bilyun-bilyong pautang, tulong at ayudang militar.

Halimbawa nito ang limos na ibinigay ng China, Russia at Japan para sa kanyang engrandeng proyektong “Build, build, build”na sinuklian ni Duterte ng karapatang ilabas-pasok sa bansa ang kanilang mga barkong pandigma. Sinasagad ng rehimen ang pagpapakatuta sa mga imperyalista sa pamamagitan ng pagratsada sa charter change upang payagan ang 100 porsyentong dayuhang pagmamay-ari ng lupa, imprastraktura at iba pang batayang industriya.

7. Pagkitil sa Kalayaang Magpahayag at Pang-uusig sa mga Kritiko
Kinakasuhan, tinatanggal sa pwesto at ikinukulong ang lahat ng mga kritiko ng gubyernong Duterte, tulad nina Chief Justice Maria Lourdes Sereno at Ombudsman Conchita Carpio-Morales at Senator Leila de Lima.

Tinutugis at sinisiraan ni Duterte ang midya, simbahan, at mga international human rights group at advocate gaya ni UN Special Rapporteur on Summary and Extra-judicial Executions Agnes Callamard na tinuligsa ang laganap na pagpatay sa ngalan ng gera kontra droga.

Sabay ng pagpapatahimik sa mga kritiko ay ang tangkang pagkontrol sa daloy ng impormasyon tungkol sa mga isyu gaya ng gera kontra droga, Marawi siege at Martial Law sa Mindanao. Isinusubo ng AFP at PNP sa mainstream media ang mga gawa-gawang datos at fake news upang linlangin ang mamamayan at pabanguhin ang umaalingasaw na pasismo ng rehimeng US-Duterte.

8. Lantay-Pasistang Panunupil sa Mamamayang Nakikibaka
Mulat sa di-maawat na pag-abante ng rebolusyon ang rehimeng US-Duterte, kaya’t agad itong nagdeklara ng all-out war laban sa CPP-NPA-NDF at mga progresibong grupo.

Hindi nagtipid sa bomba at bala ang AFP at inatake ang 50 komunidad, kabilang ang baryo ng Mangyan sa Brgy. Benli, Bulalacao, Mindoro Oriental at mga barangay sa paligid ng Mt. Banoy, Batangas City. Napilitan lumikas ang libo-libong mamamayan kabilang ang 10,000 Lumad dahil sa mga banta ng pagbomba sa kanilang komunidad at paaralan.

Laganap ang pamamaslang sa mga lider-magsasaka at progresibo, na sa huling tala ay umabot sa 100—walo ay mula sa Timog Katagalugan. Walang tigil ang samu’t saring paglabag sa karapatang tao sa anyo ng tortyur, iligal na panghuhuli at pag-iimbestiga, panghaharas, at pananakot, na target ang mga progresibo at nakikibakang masa.

9. Pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao
Kadugtong ng all-out war sa rebolusyonaryong kilusan ang pagpapalawig ni Duterte ng Martial Law sa Mindanao. Mula sa 100 araw na deklarasyon ay pinahaba ito hanggang isang taon, at nagbanta pa na muling isasailalim ang buong bansa sa Batas Militar.

Bahagi ang Martial Law ng ambisyon ni Duterte na maging ganap na diktador. Gagamitin niya ang Batas Militar upang malawakang makapaghasik ng takot at dahas ang AFP at PNP at patindihin ang pagsupil sa mga rebolusyonaryo. Tiyak na pagtatakpan muli ang mga kalabisan at paglabag sa karapatang tao gaya ng nangyari sa gera kontra droga.

10. Pagtapos sa peace talks at pagdeklarang “terorista” sa CPP-NPA-NDF
Tinalikuran ni Duterte ang pagkakamit ng tunay, makatarungan at pangmatagalang kapayapaan nang tapusin niya ang peace talks sa CPP-NPA-NDF sa pamamagitan ng Proclamation No. 360. Kasunod nito’y idineklara niyang “terorista” ang CPP-NPA-NDF at inilunsad ang malawakang “crackdown” sa mga progresibo at alyado ng tunay na pagbabagong panlipunan.

Ipinapakita nito na hindi seryoso si Duterte na solusyonan ang ugat ng armadong pakikibaka: ang tumitinding krisis at kahirapan ng mamamayan at ang solusyon ditong libreng pamamahagi ng lupa at pagpapatupad ng pambansang industriyalisasyon. Ang tanging gusto niya ay talunin ang NPA at ang rebolusyonaryong kilusan—handa siyang gumamit ng dahas makamit lamang ito. Malinaw, kung gayon, kung sino ang terorista: ang rehimeng US-Duterte.

Sapat at labis pa ang 10 puntong inilahad upang bigyang-katwiran ang ating panawagan.

Hinahamon tayong kumilos at muling lumikha ng kasaysayan:

Sa harap ng nagbabadyang diktadura, buklurin natin ang pinakamalawak na hanay ng mamamayan sa isang malapad na nagkakaisang prenteng lalaban at magpapabagsak sa rehimeng US-Duterte.

Palawakin natin at palakasin ang lahat ng mga rebolusyonaryo at progresibong organisasyon ng masang magsasaka, manggagawa, estudyante, kababaihan, maralitang lunsod, pambansang minorya, at mga makabayang negosyante na siyang magiging saligan ng kilusang pagpapabagsak sa rehimen.

Yanigin natin ng dambuhala at nag-aalimpuyong kilos protesta ang mga bukirin, pagawaan, paaralan at mga lansangan.

Ibayo pa nating palakasin ang New People’s Army at paramihin ang mga Pulang mandirigma mula sa hanay ng kabataang estudyante, manggagawa, masang magsasaka at mga pambansang minorya.

Kasabay ng malawak na pakikibaka ng sambayanang Pilipino, maglulunsad ang NPA ng malalaki at sunod-sunod na taktikal na opensiba upang pahinain ang pasistang AFP-PNP na kumakanlong at nagtatanggol sa reaksyunaryo, anti-mamamayan at pro-imperyalistang rehimeng US-Duterte.

Sa matibay nating pagkakaisa, tiyak ang pagbagsak ng AFP, PNP at ng reaksyunaryong gubyerno ni Rodrigo Duterte.

Patalsikin at ibagsak ang pasista at nagbabadyang diktadurang rehimeng US-Duterte!

Mabuhay ang nakikibakang mamamayan!

https://www.philippinerevolution.info/statements/20180208-10-puntong-batayan-bakit-dapat-patalsikin-ang-rehimeng-us-duterte

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.