NDF-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Dec 1): Pagpupugay sa mga Rebolusyonaryong Martir sa Nasugbu, Batangas
Pagbayarin ang rehimeng US-Duterte sa kanyang mga krimen sa mamamayan!
Patnubay de Guia, Spokesperson
NDFP Southern Tagalog
1 December 2017
Press Release
Nagpupugay ang buong rebolusyunaryong kilusan sa Timog Katagalugan sa labinlimang Pulang kumander at mandirigma ng BHB na pinaslang ng pasistang AFP sa Nasugbu, Batangas noong Nobyembre 28, 2017. Habambuhay na dadakilain ng mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan ang inialay nilang talino, galing at kakayahan alang-alang sa pagsusulong ng demokratikong interes ng sambayanan.
Taos-puso ding nakikiramay ang National Democratic Front- Southern Tagalog sa mga pamilya, kaibigan at kasama ng lahat ng mga Pulang kumander at mandirigma na nag-alay ng kanilang natatanging buhay para sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan Walang kaparis na pighati ang nararamdaman ngayon ng mamamayan sa maagang pagpanaw ng mga mahal na kasama.
Kaisa ng kanilang mga pamilya at kaibigan ang lahat ng rebolusyonaryong mamamayan ng Timog Katagalugan sa pagdadalamhati. Mananatiling nakaukit sa gunita ng bawat kasama at masang kanilang nakasalamuha ang kanilang mga alaala. Ang kanilang inialay na buhay na kasimbigat ng kabundukan ng Sierra Madre ay magsisilbing inspirasyon sa lahat ng mamamayang nakikibaka para sa tunay na demokrasya at kalayaan.
Marapat lamang na paghalawan ng aral ang kanilang mga naging buhay. Tiyak na ang kanilang mga rebolusyonaryong simulain at adhikain ay tatagos sa bawat uring kanilang pinagmulan upang pukawin ang mamamayang kumilos para sa pagtatagumpay ng rebolusyon. Mapagpasya nating ibaling ang ating pagdadalamhati sa patuloy na pagpupunyagi sa ating mga rebolusyonaryong gawain at paigtingin ang ating pakikibaka laban sa rehimeng US-Duterte.
Ang pinakamahusay na paraan ng pagbibigay parangal at pagpupugay sa mga martir ay ang pagpapatuloy ng kanilang nasimulan, ang mahigpit na pagtangan sa mga armas na kanilang nabitawan at ang higit pang pagpupunyagi sa pagsusulong ng digmang bayan pangunahin sa pamamagitan ng armadong pakikibaka. Dapat na ibaling ng mamamayan ang kanilang poot at galit sa kasalukuyang pasistang rehimen na siyang salarin sa pagpaslang ng mga Pulang mandirigma.
Ang mga utang na dugo ng rehimen ang siya ring dugong dumidilig sa matabang lupa ng rebolusyon. Tiyak na libu-libong mamamayan ang mapupukaw upang tahakin ang rebolusyonaryong landas tulad ng ating mga bayani. Ang mamamayang nagpupuyos sa galit ang siyang sisingil sa rehimeng US-Duterte para sa lahat ng krimen nito sa sambayanang Pilipino.
Pansamantalang kabiguan lamang para sa lahat ng rebolusyonaryo ang naging kamatayan ng mga Pulang mandirigma sa kamay ng pasistang kaaway. Hindi magtatagal, muling tataglayin ng rebolusyonaryong mamamayan ng Batangas ang ibayong lakas upang tanganan ang mga sandatang nabitiwan ng mga kasamang namartir sa Nasugbu.
Hangga’t nananatiling malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino sa pamamagitan ng papet na rehimeng US-Duterte, kikilos ang daang libong mamamayan upang patuloy na ipaglaban at igiit ang kanilang mga demokratikong karapatan. Ang sumasahol na panlipunang krisis at ligalig ang siyang pangunahing matutulak sa mamamayan upang isulong ang tunay na panlipunang pagbabagong tanging sa pagrerebolusyon lamang makakamit.
Mabuhay ang lahat ng bayani ng rebolusyong Pilipino!
Mabuhay ang New People’s Army!
Paigtingin ang digmang bayan laban sa pasista at diktador na rehimeng US-Duterte!
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.