NDF-Bicol propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jun 30): Pakulong Lokalisadong Usapan ng 9th IDPA sa Kabikulan
Maria Roja Banua, Spokesperson
NDFP Bicol Region (Region V)
30 June 2017
Nananatiling bigo ang 9th IDPA sa kanilang kampanya laban sa rebolusyonaryong kilusan sa Bikol sa kabila ng kanilang walang lubay na operasyong militar at saywar. Iba’t ibang pakulo ang ipinangangalandakan ng mga upisyal at tagapagsalita ng dibisyon sa midya at madla sa pagtatangkang dungisan ang imahe ng kilusan at pahinain ang suporta ng mamamayang Bikolano rito.
Ayon sa kanila, wala na umanong sapat na pwersa ang BHB sa rehiyon at patuloy pang humihina. Apat sa anim na prubinsya ng Bikol ang idineklara na nilang conflict manageable at tinatayang kakayanin na rin umano nilang kontrolin ang presensya ng pulang hukbo sa natitirang prubinsya ng Masbate bago magtapos ang taon. Ang totoo, walang nagawa ang kanilang panananalakay upang pigilan ang ibayong paglakas at pagdami hindi lamang ng pulang hukbo kundi maging ang paglawak at paglalim ng kasapian ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa at mga sangay ng Partido. Lalo lamang nagngalit ang mamamayan sa tumitinding karahasan at pang-aabusong militar. Itinatakwil ng masang Bikolnon ang pagtarget ng kasundaluhan sa mga sibilyan kapwa sa kalunsuran at kanayunan.
Lokalisadong Peacetalks.
Bunsod ng matinding desperasyon, muling binuhay ng 9th IDPA ang kampanya nila para sa lokalisadong peacetalks. Gaano man kaganda ang mga terminong gamitin ng iba’t ibang brigada ng 9th IDPA, hindi magtatagumpay ang pagtatangka nilang hatiin ang kilusan sa pamamagitan ng hiwa-hiwalay na peacetalks. Nananatiling matatag at buo ang pamunuan at kasapian ng CPP-NPA-NDF sa buong bansa. Walang anumang yunit ng NPA sa Kabikulan ang papasok sa lokalisadong usapang pangkapayapaan ng militar na hiwalay pa sa negosasyong nagaganap sa kasalukuyan. Kinikilala ng lahat ng yunit ng hukbo ang kakayahan ng NDFP bilang kinatawan ng mamamayan na dalhin sa usapan ang mga sosyo-ekonomikong repormang magsisilbi sa karamihan.
Pagpapakalat ng Pekeng Balita.
Dahil hindi na maapula ng kasundaluhan ang sunud-sunod na tagumpay ng mga opensiba ng NPA, halos araw-araw inaatake ng mga propagandista ng 9th IDPA ang mga aksyong militar ng pulang hukbo. Paulit-ulit nilang binabatikos ang mga mapanlikhang armas ng NPA tulad ng command detonated explosives samantala malinaw na nakasaad sa mga kasunduang kapwa sinang-ayunan ng GRP at CPP na lehitimo ang mga ito. Halos lahat na rin ng nagaganap na krimen ay awtomatikong ibinibintang sa BHB. Pilit nilang isinusubo sa masa ang pekeng balitang sinasamantala ng NPA-Bikol ang nangyayari sa Marawi upang makapaglunsad ng mga aksyon. Sa katunayan, ang pwersa ng militar ang siyang sumasakay sa kaligaligan sa Mindanao upang makapaghasik ng kaguluhan sa rehiyon. Ayon sa pahayag ng mga prubinsyal na kumand ng pulang hukbo, lalong sumahol ang pang-aabusong militar matapos ang deklarasyon ng Batas Militar. Sa kasalukuyang buwan pa lamang, nakapagtala na ng sunud-sunod na kaso ng harasment ang 83rd IBPA sa Albay at 9th IBPA sa Masbate. Samantala, mayroong apat na kaso ng pagpatay ang 31st IBPA sa Sorsogon.
Pantutugis at Pekeng Pagpapasuko ng mga Sibilyan.
Gasgas na ang palabas ng 9th IDPA na marami umanong kaso ng mga sumusukong aktibong kasapi ng NPA. Halos taun-taong naglalabas ang kasundaluhan ng listahan ng mga umano’y sumuko sa kanilang tanggapan at sa tuwina, kaagad din namang napasisinungalingan ang kahibangan nilang ito. Paulit-ulit na lang ang mga karakter sa kanilang pekeng balita. Laging nariyan ang isang magsasabing pagod na sa kaguluhan kaya sumuko. Lagi ring nariyan ang mapasusukong upisyales ng pulang hukbo. Hindi rin mawawala ang karakter ng isa o dalawang menor de edad o kaya ay matanda na sapilitang nirekluta rin umano ng NPA.
Kahiya-hiya ang desperasyon ng kasundaluhang lumikha ng mga pekeng identidad para lamang masabing nababawasan nila ang bilang ng NPA. Ang mas masahol pa, kadalasang mga sibilyan ang tinatakot, tinutugis at ginigipit nila para sumuko. Walang pag-aalangan sa pagyurak ng karapatang-tao ang 9th IDPA mayroon lamang mailabas na pekeng balitang magsasalba sa kanilang pangalan.
Nananaginip nang gising ang 9th IDPA kung iniisip nitong makukuha nitong pahinain ang rebolusyonaryong kilusang patuloy na kinakatigan ng masa sa pamamagitan ng mga malisyoso at patraydor na pamamaraan nito. Pinanday na ng panahon ang mahigpit na pagkakaisa ng kilusan at ng mamamayan. Patuloy na tatamasain ng rebolusyon ang aktibong paglahok at suporta ng masa dahil nananatili itong tapat na naglilingkod sa interes nila.
Ang hindi nagmamaliw na suporta ng masang Bikolnon ang susi sa matagumpay na gawaing pulitika at militar ng CPP-NPA-NDF sa rehiyon. Sa ilang prubinsya, mayroon nang mga antas-munisipyong rebolusyonaryong organisasyong masa. Habang sa ibang panig, umiiral ang mga antas-baryong ganap na samahang masa at komiteng rebolusyonaryo sa baryo. Samantala, 45 taktikal na opensiba ang sumalubong sa 9th IDPA sa unang hati ng taon. Hindi kailanman mapatatahimik ng pasismong militar ni malilinlang ng saywar ang malawak na mamamamayang dinarahas at ginugutom sa ilalim ng kasalukuyang sistema. Buong sikhay na paglaban, iyan ang tanging landas na tinatahak ng laksa-laksang mamamayang namumulat.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.