Wednesday, December 16, 2015

Sison: Parangal kay Ka Greg Rivera (Kudos to Comrade Greg Rivera)

Posted to the Jose Maria Sison Website (Dec 15): Parangal kay Ka Greg Rivera (Kudos to Comrade Greg Rivera)

 12345515_10207770288325841_2571003641523330436_n
 


Ni Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas at Punong Konsultant ng Pambansa Demokratikong Prente ng Pilipinas
Disyembre 15, 2015

Taos puso kong binabati ang dakilang kasama, si Tatang Greg Rivera, sa okasyon ng kanyang ika-79 na kaarawan nitong Disyembre 15. Kasama ako sa mga kasamang sumasaludo at nagpaparangal sa iyo dahil sa iyong mahaba at mabungang serbisyo sa kilusang magsasaka sa balangkas ng pambansa at panlipunang pagpapalaya.

Abot sa aking kaalaman na kalahok ka sa pagsisimula ng AMC o Aguman Dareng Manglalautang Capampangan (1984) na sa kalaunan naging binhi ng pagkakatatag ng AMGL o Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson noong 1985. At ito naman ang naging buod ng binuong KMP o Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Hindi ka nasindak ng Mendiola Massacre ng Enero 1987 kundi naging lalong palaban ka at naging pultaym ka.

Ayaw tanggapin ng iyong pamilya ang pagkilos mo. Subalit ipinaggumiit mo ang pagkilos. At naging pinakamalaking sakripisyo mo ang mawalay sa pamilya. Hindi ka natinag ng krisis sa pamilya at lalong higit sa krisis mismo sa loob ng kilusan sa Gitnang Luson. Magiting na lumahok ka sa kilusang pagwawasto at lumaban ka sa Oplan Bantay Laya 1 at 2. Patuloy na lumalaban ka sa kasalukuyang Oplan Bayanihan.

Naging pangunahing pamilya mo ang mga kasama sa AMGL. Naging segundaryo ang iyong tunay na pamilya sa dugo. Si Ka Joseph Canlas (Tagapangulo ng AMGL) ang parang panganay na anak mo. Sa umpisa pa lamang, maraming kasama ang naging anak mo at lalo pang dumami ang mga ito at mga apo mo sa pagdaan ng panahon.

Gayunpaman, hindi ka nagpabaya at nagkulang sa pagsisikap na ipaunawa at ipatanggap sa iyong mga tunay na anak ang iyong mga tungkulin at gawain. Bunga nito, sinusuportahan ka ng mga anak sa abot ng kanilang makakaya.

Humahanga ako sa iyo Tang Greg sa iyong determinasyon na kikilos ka hangga’t may natitira ka pang lakas, gaano man kaliit na ang kaya mong gawin dahil sa abanteng edad. Maligaya kang patuloy na nakakapag-ambag pa rin sa kilusang magsasaka sa rehiyon. Alam kong gumagampan ka pa ng mahalagang tungkulin bilang Finance Officer ng AMGL.

Wasto ang diwa at kapasyahan moTang Greg na manilbihan sa uring magsasaka hanggang huling hininga. Nagpapasalamat kaming lahat sa mga gawa at ambag mo sa mahabang panahon. At tutularan namin ang iyong katatagan at maningning na halimbawang pamana sa kasalukuyang henerasyon at sa susunod pa.

Mabuhay ka Tatang Greg Rivera!

Mabuhay ang AMGL at KMP!

Mabuhay ang uring magsasaka at sambayanang Pilipino!

http://josemariasison.org/parangal-kay-ka-greg-rivera/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.