Apat na sibilyan, kabilang ang isang sanggol ang nadagdag sa bilang ng mga biktima ng operasyong militar ng 903rd Brigade na nananalasa sa Sorsogon mula pa noong Abril. Nasa ilalim ng 903rd Brigade ang 31st IB, 5th Scout Ranger Coy at iba pang pwersang militar.
Sa Matnog. Isang pamilya ang idinamay ng 31st IB nang salakayin ng mga tropa nito ang isang iskwad ng Bagong Hukbong Bayan sa Sityo Hukdong, Barangay Balocaue nitong Mayo 23.
Alas-5:45 ng umaga nang kubkubin ng militar ang mga Pulang mandirigmang pansamantalang nagpapahinga malapit sa bahay ng pamilyang Garduque. Pagkatapos ng ilang minutong putukan, napatay si Elias Garduque at malubhang nasugatan ang kanyang asawa na si Cynthia at ang kanilang isang taong gulang na sanggol.
Mahigit siyam na oras na hinayaan lamang ng mga sundalo ang mag-ina at alas-3 na ng hapon nang dalhin sila sa ospital. Pinagbawalang makalapit ang mga taumbaryo na nais sanang sumaklolo sa mag-anak matapos nila marinig ang putukan malapit sa kanilang bahay.
Awtomatikong binansagan ni Brig. Gen. Joselito Kakilala, hepe ng 603rd Bde, na mga gerilya ng BHB ang mag-asawang Garduque. Masahol pa, sinabi rin niyang wala raw “collateral damage” o nadamay sa labanan kahit kasama sa mga kaswalti ang sanggol ng mga Garduque na malubhang nasugatan.
Sa Casiguran. Binaril at napatay ng Alpha Coy, 31st IB noong madaling araw ng Mayo 9 si Joseph Benson, isang binata na taga-Barangay Inlagadian. Tinambangan si Benson sa Barangay Escuala habang naglalakad pauwi mula sa isang lamay malapit sa kampo ng Alpha Coy HQ ng 31st IB sa Barangay Casay ng parehong bayan. Inamin mismo ng tropang pumatay kay Benson sa ilang mamamayan sa lugar na ang kanilang biktima ay pinaghinalaan nilang kasabay ng mga operatiba ng BHB na umambus sa kanilang tropa sa Barangay San Juan noong nakaraang Abril.
Bago ito, nagbanta ang militar sa mga residente ng Barangay San Juan noong Abril 29 na “uubusin” nila ang mga pinaghihinalaan nilang tagasuporta ng BHB sa buong bayan ng Casiguran matapos ang matagumpay na ambus ng isang yunit ng Celso Minguez Command (BHB-Sorsogon) doon. Napatay sa ambus na ito si Cpl. Edison Capital at nasamsam ng BHB ang isang pistolang kal .45. Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang BHB sa pamilya ng nadamay na sibilyan sa naturang ambus para sa karampatang aksyon.
Sa Bulan. Walang-kahihiyang nagnakaw ng isang bangkang de-motor ang 31st IB na nag-ooperasyon sa mga interyor na barangay ng Bulan at Matnog noong Mayo 5, alas-10:30 ng gabi. Ang biktima ay ang pamilyang Masujer ng Barangay Sagrada. Pinuntahan ng mga tropa ng 31st IB ang pamilya noong umaga ng Mayo 5 at pinipilit nilang kunin ang bangkang pag-aari ng pamilya dahil diumano’y pag-aari ito ng BHB. Pansamantalang napigilan ni Mrs. Marife Masujer ang mga magnanakaw ngunit bumalik sila pagsapit ng gabi para tuluyang nakawin ang bangka na sinakyan ng umaabot sa 30 sundalo ng 31st IB papunta sa direksyon ng bayan ng Bulan.
Dahil sa takot, pansamantalang lumipat ang pamilyang Masujer sa kanilang mga kamag-anak sa ibang barangay. Hanggang ngayon ay hindi makapaghanapbuhay ang pamilya na tanging pangingisda ang pinagkakakitaan.
Sa Sorsogon City. Pinagbintangang kasapi ng BHB si Barangay Kapitan Eddie Albor ng Cococabitan, Sorsogon City noong Abril 27 matapos ang isang engkwentro sa pagitan ng pinagsanib na pwersa ng 31st IB at 5th SR Coy at isang tim ng BHB na ikinamatay ng isang Pulang mandirigma. Iligal na ikinulong si Albor sa Sorsogon City District Jail dahil sa mga gawa-gawang kaso para pilitin siyang pumirma sa isang sinumpaang salaysay na nagsasaad ng kasinungalingan na mataas na kadre ng BHB ang kaswalti sa naturang engkwentro. Ito ay para makubra ng militar ang P2.5 milyong pabuya para sa naturang kadre. Ang pagpirma ni Albor ay kapalit dapat ng pagpapalaya sa kanya ngunit hanggang ngayon ay nakakulong pa rin siya.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the
http://www.philippinerevolution.net/publications/ang_bayan/20140607/4-sibilyan-biktima-ng-operasyong-militar-sa-sorsogon
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.