Saturday, June 7, 2014

CPP/Ang Bayan: RPA: berdugo pa rin

From the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the CPP Website (Jun 7): RPA: berdugo pa rin

Nanumpa noong Mayo 28 si Stephen Paduano (alyas Carapali Lualhati) bilang kinatawan ng Abang Lingkod, ang grupong “partylist” ng bandidong Revolutionary Proletarian Army (RPA).

Pero kahit nakapagpanibagong-bihis ang kontra-rebolusyonaryong grupo sa Kongreso, hindi ito makapagpanggap sa mga nakababatid ng tunay nitong katangian. Sa mismong araw ng panunumpa ni Paduano, nagpatuloy ang RPA sa mga gawaing berdugo.

Brutal na pinaslang ng mga elemento ng RPA si Dionesio Garete, 57, isang magsasaka at residente ng Barangay Aquino, Nobleza West, Janiuay, Iloilo noong Mayo 28, mga alas-9:15 ng umaga. Si Garete ay kasapi ng Janiuay-Badiangan Farmers Association (JABAFA) na nagsusuplay ng muscovado sa Panay Fair Trade Center (PFTC).

Minamaneho noon ng biktima ang isang Toyota Hilux pickup truck kasunod ng isang cargo truck ng JABAFA na may kargang bagong aning mga tubo na dadalhin sa gilingan sa Barangay Damirez ng parehong bayan.

Tinambangan si Garete sa Sityo Gantong, Barangay Danao ng nasabi ring bayan. Tumagos sa kanyang dibdib ang halos lahat ng 24 na bala ng kal .45 at de-12 shotgun, na tumama pa sa likuran at kanang bahagi ng minamaneho niyang pickup truck.

Batay sa apat-na-araw na imbestigasyong isinagawa ng fact-finding team mula sa KARAPATAN-Panay, PAMANGGAS, GABRIELA at PFTC, ang bandidong RPA ang may kagagawan ng krimen. Napag-alamang bago paslangin si Garete, siya ay pinagbantaan ng isang alyas “Jorek” ng RPA na bibigyan siya ng leksyon kung magpapatuloy siya sa kanyang aktibong pagsuporta sa anito’y “kabilang grupo.” May tatlong sibilyan pa raw ang pinagbantaang papatayin ng RPA.

Ipinaabot ng KARAPATAN-Panay ang resulta ng pagsisiyasat sa Janiuay Police Office pero inamin ng ilang pulis na wala silang magagawa dahil ang RPA ay “direkta nang hawak ng MalacaƱang.” Ang RPA ay sangkot sa halos 80 kaso ng pamamaslang sa Iloilo pa lamang.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

http://www.philippinerevolution.net/publications/ang_bayan/20140607/rpa-berdugo-pa-rin

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.