Pakana ng gubyernong US ang ginawang pag-anunsyo ni Benigno Aquino III noong Hulyo 1 na may napipintong teroristang atake sa Davao City. Malinaw na ang layunin ng gayong anunsyo ay bigyang-matwid ang pagpapalakas ng presensya at panghihimasok-militar ng US sa Davao City sa ilalim ng “gerang anti-terorismo.”
Sinalubong ng batikos ang ginawang anunsyo ni Aquino na pasasabugan umano ng bomba ng isang Abdul Basit Usman ang mga instalasyon sa Davao City. Sinundan ang anunsyo ni Aquino ng malakihang pagpapakat ng mga pwersang pulis at militar sa palibot ng syudad at paghihigpit sa kilos ng mga tao. Matapos ang ilang araw, napilitan ang Malacañang na bawiin ang inianunsyong “planong teroristang atake” nang aminin nitong di kumpirmado ang impormasyon.
Ayon kay Kasamang Rubi del Mundo, tagapagsalita ng National Democratic Front-Southern Mindanao Region, walang ibang pakay ang ginawang anunsyo ni Aquino kundi ang bigyang-matwid ang paglulunsad sa Davao City ng “gerang anti-terorismo” at ang pagpasok ng mga dayuhang tropang Amerikano sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Ang EDCA ay isang bagong kasunduang militar na pinirmahan ng US at rehimeng Aquino upang pahintulutan ang militar ng US na magtayo ng mga base at pasilidad nito sa Pilipinas sa loob ng mga kampo ng AFP.
Binibigyan nito ng karapatan ang US na magtayo ng mga imprastruktura, maglagak ng mga armas, tumanggap ng kahit ilang sundalong Amerikano, maglunsad ng mga operasyong militar at iba pa.
Sa pagpapakana ng huwad na “planong teroristang atake” sa Davao City, nais ng militar ng US at ni Aquino na ipilit sa alkalde nitong si Mayor Rodrigo Duterte na pahintulutan ang malakihang presensya ng mga sundalong US sa syudad. Ilang ulit nang nagpapahayag si Mayor Duterte ng pagtutol sa pagpasok ng mga tropang Amerikano sa kanilang syudad at sa pagtatayo nito ng mga pasilidad at mga base militar sa ilalim ng EDCA.
Bago ito, inianunsyo ng militar ng US na isasara na nito ang himpilan ng Joint Special Operations Task Force-Philippines (JSOTF-P) sa loob ng Camp Navarro sa Zamboanga City. Mula sa 700 pwersa, tinataya ng militar ng US na maiiwan na lamang doon ang 30 nitong tauhan sa katapusan ng taon.
Ang totoo, sa ilalim ng EDCA ay mas marami ngayong sundalo ng US ang makapananatili sa Pilipinas sa iba’t ibang mga kampo ng AFP sa buong bansa.
Samantala, nagrali noong Hulyo 4 ang mga progresibong grupo sa pamumuno ng BAYAN sa harap ng embahada ng US sa Maynila upang magprotesta laban sa EDCA. Ang protesta ay inilunsad sa araw ng “huwad na kalayaan” ng Pilipinas at bahagi ng lumalakas na pagtutol sa EDCA mula nang pirmahan ito noong Abril.
Sa kasalukuyan, tatlong magkakahiwalay na petisyon laban sa kasunduan ang nakahapag sa Korte Suprema. Hinihiling ng mga nagpetisyon na kagyat nang itigil ang implementasyon ng kasunduan at ideklara itong labag ito sa konstitusyon. Kabilang sa mga inihapag nilang dahilan ang pagiging tagibang pabor sa interes ng US ng kasunduan at paglabag nito sa soberanya at mga batas at proseso ng gubyerno ng Pilipinas.
[Ang Bayan is the official
news organ of the Communist Party of the Philippines
and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of
the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang
Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano,
Waray, Hiligaynon and English.]
http://www.philippinerevolution.net/publications/ang_bayan/20140707/planong-terorismo-sa-davao-pakana-ng-us
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.