Monday, July 7, 2014

CPP/Ang Bayan: AFP, nagtamo ng 29 kaswalti sa Southern Mindanao

From the Tagalog edition of the CPP propaganda publication, Ang Bayan (Jul 7): AFP, nagtamo ng 29 kaswalti sa Southern Mindanao

Labintatlong sundalo ang napatay at 16 ang nasugatan sa panig ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa magkakasunod na aksyong militar na inilunsad ng Comval-North Davao-South Agusan Subregional Command at Comval-Davao East Coast Subregional Command ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong Hunyo 20, 22 at 30 sa Compostela Valley, Davao del Norte at Davao Oriental.

Davao del Norte. Binigo ng mga Pulang mandirigma ng BHB ang tangkang pagkubkob ng mga tropa ng 72nd IB nang pasabugan nito ng command-detonated explosive (CDX) ang mga umaatakeng sundalo sa Sityo Mabuhay, Barangay Dacudao, San Isidro bandang alas-6 ng umaga noong Hunyo 22. Isang sundalo ang napatay at tatlong iba pa ang nasugatan. Isang kasapi ng BHB ang namartir sa labanang ito.

Compostela Valley. Dalawang elemento ng 25th IB ang napatay at isa ang nasugatan nang pasabugan sila ng CDX ng isang yunit ng BHB sa Sityo Saog, Barangay San Isidro, Monkayo noong Hunyo 20, mga alas-5:30 ng umaga. Pagkalipas ng apat na oras, dalawa pang tropa ng nasabing batalyon ang nasugatan sa operasyong pasabog ng mga Pulang mandirigma sa Sityo Anagase, Barangay Casoon, Monkayo.

Alas-3 ng hapon ng Hunyo 22, naglunsad muli ng operasyong pasabog ang mga Pulang gerilya kung saan napatay ang limang elemento ng 46th IB at nasugatan ang apat na iba pa sa Barangay Ampawid sa bayan ng Laak.
Isinagawa ang mga aksyong militar na ito sa harap ng mas pinaigting na kontra-rebolusyonaryong kampanya ng Eastern Mindanao Command ng AFP nitong ikalawang hati ng Hunyo sa lugar. Nag-operasyon ang siyam na platun sa Laak at anim na platun sa Monkayo. Nagpakat din ng pwersang militar sa halos lahat ng barangay sa Veruela at nagdeploy ng tatlong platun sa Loreto sa Agusan Sur at tatlong platun sa Kapalong, Davao del Norte.

Ang pinaigting na operasyong militar na ito ay kasunod ng pagpaslang ng mga elemento ng AFP sa mga sibilyang sina Wilfredo Estrebillo at Flaviano Morales sa Davao del Norte nitong Hunyo.

Davao Oriental. Limang sundalo ng 67th IB ang napatay at anim na iba pa ang nasugatan nang pasabugan ng command-detonated explosive ng mga Pulang mandirigma ng Comval-Davao East Coast Subregional Command habang nagpapatrulya sa Barangay Aliwagwag, Cateel nitong Hunyo 30, bandang alas-10 ng umaga.

Ang mga abusadong tropa ng 67th IB ay protektor ng mga mapangwasak na malalaking magtotroso sa prubinsya. Sa kabila ng matinding pagsalanta ng bagyong Pablo noong 2012 sa Davao Oriental, patuloy ang malakihang pagtotroso sa nalalabing kagubatan nito. Suportado rin ng mga burukrata kapitalista sa lugar na sina Gov. Corazon Malanyaon at Kongresman Elmer Dayanghirang ang malakihang pagtotroso sa prubinsya at mismong ang meyor ng Cateel na si Camilo Nuñez ay isa ring malaking magtotroso.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

http://www.philippinerevolution.net/publications/ang_bayan/20140707/afp-nagtamo-ng-29-kaswalti-sa-southern-mindanao

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.