Saturday, April 20, 2024

CPP/NDF-Southern Tagalog: Balikatan Exercises, bahagi ng gerang agresyon ng US sa Asia Pacific: Tutulan at labanan ang panghihimasok ng US at panunulsol ng gera!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Apr 18, 2024): Balikatan Exercises, bahagi ng gerang agresyon ng US sa Asia Pacific: Tutulan at labanan ang panghihimasok ng US at panunulsol ng gera! (Balikatan Exercises, part of the US war of aggression in the Asia Pacific: Resist and resist US interference and war incitement!)
 


Patnubay de Guia
Spokesperson
NDF-Southern Tagalog

April 18, 2024


Marapat na kundenahin, tutulan at labanan ng mamamayang Pilipino ang mga mapanulsol na aktibidad ng US kagaya ng Balikatan Exercises sa Asia Pacific dahil sa bantang inihahatid nito sa mga mamamayan sa rehiyon, lalung laluna sa sambayanang Pilipino. Kailangang palakasin ang pakikibaka para ipaglaban at igiit ang pambansang soberanya at kasarinlan ng Pilipinas sa harap ng garapalang pagpapakatuta ni Marcos Jr sa US.

Sa gitna ng pagdarahop ng bayan dahil sa El Niño, inuuna pa ng rehimeng US-Marcos II ang paghahanda sa taunang Balikatan Exercises na ilulunsad sa Abril 22-Mayo 10. Lalahukan ito ng 16,700 pinagsanib na mga tropang US, Pilipinas at iba pang kaalyadong bansa. Ito na ang pinakamalaking delegasyon ng Balikatan sa kasaysayan. Isasagawa ito sa itinakda ng US na first island chain o kurdon ng mga isla sa Japan, South Korea, Taiwan, Pilipinas at Borneo na magiging lunsaran ng digma laban sa China. Sa loob ng bansa, tiyak na paglulunsaran ang West Philippine Sea (WPS) upang lalupang gatungan ang tensyon laban sa China.

Tusong sinasagpang ng US ang galit ng mamamayang Pilipino sa China at ginagamit itong tabing para sa paglulusot ng Balikatan at iba pang panghihimasok ng US. Tumampok nitong Marso ang pinakahuling agresibong aksyon ng China laban sa mga barko ng Pilipinas kung saan nasugatan ang dalawang coast guard sa panganganyon ng China ng tubig. Nasa proseso ng paghahatid ng suplay ang barko ng Pilipinas sa base militar sa Ayungin Shoal. Bukod pa rito ang panghaharas ng China sa mga mangingisdang Pilipino sa WPS.

Sinasakyan ng US ang paghahari-harian ng China sa WPS upang tuluy-tuloy na manghimasok at tapakan ang pambansang soberanya ng Pilipinas. Bago pa ang Balikatan, sing-aga ng Enero nagsagawa na ng ehersisyong militar ang US at Pilipinas sa Cabra Island, Occidental Mindoro na ginulo ng China. Ngayon naman, inilulunsad ng US at Pilipinas ang ehersisyong Cope Thunder sa Pampanga. Batay sa mga ulat, aabot sa higit 500 aktibidad ang ilulunsad ng magkasanib na pwersang militar ng US at Pilipinas ngayong 2024.

Nagagawa ng US na makapanghimasok sa bansa sa pamamagitan ng tagibang na kasunduang militar na Mutual Defense Treaty, Visiting Forces Agreement at mga katulad. Sa bisa ng Enhanced Defense Cooperation Agreement, nakapagdagdag ang mga ito ng apat na base militar bukod sa limang nauna nang nakaistasyon at iba pang mga lihim na base sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Pinakahuling kasunduang pinasok ng Pilipinas ay ang Bilateral Security Guidelines na malinaw na naglalatag ng pagpapakatuta ng bansa at ang pagpapakaladkad sa mga gera ng US sa ilalim ng ligal na balangkas.

Kabaliktaran ang ipinangangalandakan ng US na “pagtatanggol” at “paggigiit ng soberanya ng Pilipinas” dahil bahagi ang mga ehersisyong militar ng planong gerang sa China. Kinakailangan itong gawin ito ng US upang pilit na isalba ang naghihingalo nitong ekonomya, panatilihin ang hegemonya sa daigdig at pigilan ang pag-unlad ng karibal nitong imperyalistang China. Walang pakialam ang US sa sasapitin ng mamamayang Pilipino sakaling tumungo sa armadong sigalot ang pakikipaggirian nito sa China.

Wala nang naniniwala sa paghahambog ng US na ito ang “dakilang tagapagligtas” ng daigdig dahil sa malaon nitong rekord na paghahasik ng gera. Kabaligtaran, ang US ang numero-unong terorista sa buong daigdig. Malaki ang pananagutan ng imperyalismong US sa kabi-kabilang masaker gamit ang mga armas pandigma nito lalo sa Palestine kung saan pinakamaraming bata na ang pinaslang. Mariin itong kinukundena ng mamamayan ng daigdig, maging ng mamamayang Amerikano. Bukod pa, tinutuligsa ng naghihirap na mamamayang Amerikano ang gubyerno ng US sa paglustay ng pondo ng bayan para sa mga gerang proxy at gerang agresyon nito.

Sa Pilipinas, nakabatay sa US counter-insurgency guide ang kontra-rebolusyonaryong gerang inilulunsad ng reaksyunaryong gubyerno upang supilin ang pambansa-demokratikong pakikibaka ng bayan. Sinusuportahan ng US ang teroristang gera ng rehimeng Marcos II at AFP-PNP sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga armas at direktang paglahok sa mga operasyong pangkombat sa kanayunan at kabayanan. Sa utos ng US, pinaiigting ang kontra-rebolusyonaryong digma sa layuning kagyat na wakasan ang rebolusyonaryong kilusan at ganap na makapagpokus ang AFP sa eksternal na mga banta. Manipestasyon ito ng pagluluto at paghahanda sa nalalapit na gera sa Asia Pacific.

Dapat ilunsad ang malawakang pakikibakang bayan at padagundungin ang malakas na pagtutol ng sambayanang Pilipino sa imperyalistang gera. Batid ng bayan na maiipit ang Pilipinas sa gitna ng tunggalian ng dalawang malaking imperyalistang kapangyarihan at magreresulta ito ng labis na paghihirap at pagdurusa. Matinding pinsala ang iluluwal ng gera sa buhay, kabuhayan at ari-arian ng bayan.

Singilin si Marcos Jr. bilang tuta ng imperyalismong US. Si Marcos Jr. ang mistulang Zelensky ng Ukraine na nanlilimos sa mga imperyalistang bansa ng armas sa ngalan ng pagtatanggol sa sariling kapit sa poder. Ngunit sa likod nito, ang mga armas na ginagamit ng AFP-PNP ay itinututok sa nakikibakang mamamayan at rebolusyonaryong kilusan. Milyun-milyong piso ang winawaldas ng reaksyunaryong estado para lamang sa isinusulong nitong kontra-rebolusyonaryong gera, hindi pa para sa “pagtatanggol”. Isinasagawa ito sa gitna ng malawakang krisis at kahirapang dinaranas ng sambayanang Pilipino. Dapat ding panagutin ang US bilang numero unong terorista at tagasuplay ng armas-pandigma sa rehimeng Marcos II.

Dapat ilantad ang mga krimen ng mga tropang Amerikano sa paglabag sa karapatang tao ng mamamayan sa buong panahong nanghihimasok sila sa Pilipinas. Kailangang isadokumento at ipalaganap ang mga kaso ng pananakot, panghaharas at intimidasyon, panggugulo sa komunidad, panggagahasa sa kababaihan at ligalig na dulot ng kanilang mga ehersisyong militar sa bayan.

Mariing kundenahin ang perwisyong hatid nito sa paghahanap-buhay ng mga Pilipino laluna ng mga mangingisda na tiyak na maaapektuhan ng restriksyon sa paglaot sa panahong inilulunsad ang mga ehersisyong militar. Dapat ding ilantad ang mapaminsalang epekto ng mga pagsasanay sa kalikasan laluna sa natural habitat sa karagatan.

Bilang pagtataguyod sa kasarinlan at pagtatanggol sa mga mamamayan ng Asia Pacific, kailangang makipag-alyansa at makipagkapit-bisig ang Pilipinas sa mga aping mamamayang biktima ng imperyalistang agresyon. Lumahok sa mga internasyunal na alyansang anti-imperyalista at pangkapayapaan upang pangalagaan ang buhay at kaligtasan ng higit na nakararaming mamamayan.

Dapat ilantad ang imperyalismo bilang ugat ng kahirapan ng mga kolonya at malakolonya sa daigdig. Malawakang kundinahin ang pagwawasiwas ng imperyalismo ng mga gerang agresyon sa iba’t ibang bahagi ng mundo bilang desperadong hakbangin sa naghihingalo nilang ekonomya.

Ubos-kayang ilunsad at ipagwagi ang demokratikong rebolusyong bayan na isinusulong sa Pilipinas upang makalaya sa kuko ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Itambol ang kawastuhan ng programa ng pambansa demokratikong rebolusyon at palahukin ang pinakamaraming bilang ng inaapi at pinagsasamantalahang mamamayan.###

https://philippinerevolution.nu/statements/balikatan-exercises-bahagi-ng-gerang-agresyon-ng-us-sa-asia-pacific-tutulan-at-labanan-ang-panghihimasok-ng-us-at-panunulsol-ng-gera/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.