Friday, February 9, 2024

CPP/NDF-Southern Tagalog: Ipagtanggol ang kalayaan at karapatan! Buwagin ang NTF-ELCAC!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Feb 7, 2024): Ipagtanggol ang kalayaan at karapatan! Buwagin ang NTF-ELCAC! (Defend freedom and rights! Disband NTF-ELCAC!)
 


Patnubay de Guia
Spokesperson
NDF-Southern Tagalog
National Democratic Front of the Philippines

February 07, 2024

Ikinagagalak ng NDFP-ST ang rekomendasyon ni UN Special Rapporteur (SR) on Free Expression and Opinion Irene Khan na pagbuwag sa NTF-ELCAC at pagbubuo ng patakaran kontra red-tagging matapos ang kanyang 10-araw na bisita sa bansa.

Higit nitong palalakasin ang lehitimong panawagan mula sa mga progresibo at mga organisasyong nagtatanggol sa karapatan at kalayaan ng mamamayang Pilipino. Sampal naman ito sa mukha ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II na nagpapanggap na gumagalang sa karapatang tao ngunit patuloy pa rin ang pang-aatake sa mga progresibo’t nakikibakang mamamayan gamit ang Anti-Terrorism Act (ATA), NTF-ELCAC at ang mismong AFP-PNP. Patunay din itong nararapat singilin at pagbayarin ang nakalipas na tiranikong rehimeng Duterte sa mga krimen nito laban sa bayan.

Batay sa pagsisiyasat ni Khan, malinaw na may papel ang red-tagging o terror/terrorist-tagging sa estratehiyang “kontra-terorismo” ng mga pwersang panseguridad ng bansa. Nakasalamuha at nakausap ni Khan ang iba’t ibang organisasyon at mga biktima ng red-tagging at panghaharas ng NTF-ELCAC, gayundin ang mga piling opisina at opisyal ng reaksyunaryong gubyerno. Kabilang sa personal na kinausap ni Khan ang tatlong mamamahayag sa Tacloban, Leyte na dinakip at iligal na inaresto sa panahon ni Rodrigo Duterte subalit patuloy na nakakulong at pinagkakaitan ng hustisya ng kasalukuyang rehimen. Tulad ng marami sa daan-daang bilanggong pulitikal, nananatili silang nakapiit dahil sa mga gawa-gawang kasong isinampa sa bisa ng ATA at malisyosyong pag-uugnay sa kanila sa armadong rebolusyonaryong kilusan.

Tinukoy din ni Ms. Khan na wala sa kapasidad ang mekanismo ng reaksyunaryong gubyerno na proteksyunan ang mga mamamahayag katulad na lamang ng Presidential Task Force for Media Security (PTFMC) dahil wala silang alam sa patakaran kung paano hahawakan ang seguridad ng midya na pangunahin nilang tungkulin. Ikinadismaya din niya ang napag-alamang “blocking” ng website sa mga alternative news organizations matapos ang mga itong i-redtag at sinabi na isa itong direktang censorship na kailangang matamang suriin.

Hindi man direktang ipinahahayag, sinasang-ayunan ng posisyon ni Khan laban sa NTF-ELCAC ang masahol na pasistang panunupil sa anyo ng pamamaslang, pagdukot, pagtortyur, panganganyon at pambobomba sa kanayunan, iligal na pang-aaresto at detensyon at talamak na red-tagging sa ilalim ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. Bago si Khan, nauna nang nagbigay ng opinyon si UN SR on the Promotion and Protection of Human Rights in the Context of Climate Change Ian Fry noong 2023 hinggil sa ugnayan ng pasistang panunupil at pakikibaka ng mamamayan para sa kanilang demokratikong karapatan. Tinatarget ng mga pwersa ng estado ang mga aktibista, lider-magsasaka, unyonista, lider-manggagawa, pambansang minorya at kahit mga sikat na personahe basta’t sumusuporta at lumalaban para sa katarungan at karapatang tao, tunay na reporma sa lupa, makatarungang sahod at makataong kalagayan sa paggawa, at inklusibong pag-unlad na nakabatay sa pagtatanggol sa pambansang soberanya at pagsusulong ng tunay na industriyalisasyon. Pati mga drayber na mawawalan ng hanapbuhay dahil sa mandatory franchise consolidation ng Public Utility Vehicle Modernization Program ay nire-redtag at pinalalabas na kalaban ng estado.

Walang ibang layunin ang mga pang-aatake kundi patahimikin at takutin ang nakikibakang mamamayan hanggang magupo ang kanilang determinasyon at mapanlabang diwa. Tulad ng tinuran ng mga eksperto ng UN, hindi maikakaila ang pananagutan ng NTF-ELCAC sa malaganap na paniniil ng estado sa mamamayan. Pasimuno ito ng paninirang-puri at pagbabansag na `terorista’ sa mga progresibong organisasyon at indibidwal. Ipinapakita sa aktwal na karanasan na ito ay paunang kundisyon para direktang atakehin ng mga pwersa ng estado sa pamamagitan ng AFP-PNP ang kanilang mga sibilyang target.

Dito sa TK, malagim na halimbawa ng krimen ng NTF-ELCAC at ibinunga ng red-tagging ang kaso ng Bloody Sunday Massacre noong Marso 7, 2021 kung saan siyam na aktibista ang pinatay sa singkronisadong operasyon ng mga pulis at militar. Matapos maging batas ang ATA, lalong naging palasak ang pagbabanta’t intimidasyon sa anyo ng pagsasampa ng kaso. Biktima nito ang 14 na aktibista at lider masa ng rehiyon na sumama sa pambansang protesta noong ikalawang SONA ni Marcos Jr. Nakagagalit din ang pagsasampa ng mga elemento ng 59th IBPA ng kaso laban sa mga kabataang aktibista at tagapagtanggol ng karapatang tao na lumahok sa pag-iimbestiga sa pagpatay ng militar sa batang si Kyllene Casao at magsasakang may kapansanan sa isip na si Maximino Digno noong Hulyo 2022. Inaakusahan ang mga biktima na `terorista’ o di kaya’y `nagbibigay ng materyal na suporta sa NPA. Ilan sa mga kasong isinampa ay ibinasura na ng mga reasksyunaryong korte dahil sa garapalang kawalan ng batayan.

Gaano man kapasista ang estado ay hindi nito kayang gapiin ang nag-aalab na hangarin ng mamamayan para sa hustisya, kalayaan, demokrasya at karapatan. Ito ang dahilan kaya’t nagpapatuloy at sumusulong ang pambansa demokratikong pakikibaka sa harap ng puting lagim at kontra-rebolusyonaryong gera. Kahanga-hanga at dapat pagpugayan ang pagpupursige ng mga demokratikong pwersa lalo ng mga tagapagtanggol ng karapatang tao na hindi inalintana ang takot sa pagsuong sa panganib para isulong ang tunay na hustisya at karapatan ng mamamayan. Dapat na ibayo pang palakasin ang kanilang hanay at ibunsod ang malawak na kilusang masa para idepensa ang mamamayan mula sa mga imbing pakana ng bulok na estadong tuta ng US.

Positibong bagay, ngunit higit pa sa pagsita ng mga dayong eksperto ang kinakailangan upang manaig ang hustisya at wakasan ang pasismo sa bansa. Hindi kailanman bibitawan ng reaksyunaryong gubyerno ang sarili nitong mga instrumento para supilin ang mga lumalaban sa bulok nitong mga programa at patakaran. Kailangan ang patuloy na marubdob na pakikibaka ng mamamayan sa landas ng pambansa demokratikong rebolusyon upang tunay na manaig ang paggalang sa karapatang tao at katarungan sa lipunang Pilipino. Magiging ganap na malaya ang bayan na magpahayag ng kanilang saloobin sa panahong hawak na ng mamamayan ang pampulitikang kapangyarihan sa pamamagitan ng Demokratikong Estadong Bayan.###

https://philippinerevolution.nu/statements/ipagtanggol-ang-kalayaan-at-karapatan-buwagin-ang-ntf-elcac/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.