Friday, March 4, 2022

CPP/Ang Bayan News & Analysis: Anak ni NDFP Consultant Esteban Manuel Jr., dumulog sa CHR

Ang Bayan News & Analysis propaganda articles posted to the Communist Party of the Philippines Website (Mar 4, 2022): Anak ni NDFP Consultant Esteban Manuel Jr., dumulog sa CHR (Son of NDFP Consultant Esteban Manuel Jr., approached CHR)




March 04, 2022



Sa isang sulat sa Commission on Human Rights (CHR) ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas, humingi ng tulong si Albert Manuel para matunton ang kanyang ama na si Esteban Manuel Jr., konsultant pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Inaresto si Manuel Jr. ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Villareal, Samar noong Pebrero 16.

“Ako at ang aming pamilya ay humihingi ng tulong sa mga taong maaaring makatulong na matunton siya (Esteban Manuel Jr.) at tiyakin ang kanyang kaligtasan, pisikal na kaayusan, kalusugan at masigurong nakakatanggap siya ng tamang pag-aalaga na kailangan niya,” ayon sa nakababatang Manuel sa kanyang sulat sa CHR.

Si Manuel Jr. ay 73 taong gulang na at mayroong iniindang mga sakit. Mayroon siyang hypertension at nangangailangan ng mga gamot.

“Hindi pa rin kami nakatatanggap ng sagot sa aming mga dulog na tuntunin siya sa lalong madaling panahon. Nananawagan kami sa mga dumakip sa kanya na panatilihin siyang ligtas at buhay,” dagdag pa niya.

Ayon sa grupong Kapatid, organisasyon ng mga pamilya at kaibigan ng mga bilanggong pulitikal, hindi malinaw kung ano ang mga kasong isinampa laban kay Manuel Jr. batay sa inilalabas na mga ulat ng sundalo at pulis. Inirehistro siya sa iba-ibang mga pangalan at magkakaiba ang pinalalabas na mga nakumpiskang armas sa kanya.

Ayon pa sa Kapatid, karaniwan na itong taktika ng mga sundalo para magsampa ng gawa-gawang kaso na walang piyansa para ibimbin sa kulungan ang mga aktibista at progresibo.

“Kailangan namin ng mga makakasama papuntang Samar para bisitahin siya. Batay sa mga ulat, maaaring nakadetine siya sa isang kampo militar sa Calbiga o istasyon ng pulis sa Villareal,” saad ni Albert sa kanyang sulat sa CHR.

Nauna nang kinundena ni Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), ang iligal na pag-aresto kay Ka Esteban. Ayon sa kanya, si Ka Esteban ay mayroong mga dokumento sa ilalim ng Joint Agreement on the Safety and Immunity Guarantees (JASIG) na dapat ay nagtitiyak ng kanyang kaligtasan mula sa paniniktik at pag-aresto.

“Nananawagan kami sa mga lokal at internasyunal na organisasyon sa karapatang-tao at makataong mga grupo, gayundin sa mga tagapagtaguyod ng kapayapaan, na mag-abot ng tulong kay Ka Esteban,” ayon pa kay Valbuena.

Sinabi ni Valbuena na ang pag-aresto kay Ka Esteban ay bahagi ng kampanyang panunupil ng rehimeng Duterte laban sa mamamayang Eastern Visayas. “Ang rehiyon ang ay isa sa pinakamataaas na bilang ng mga paglabag sa karapatang-tao simula nang ipailalim sa kontrol ng militar at pulis sa implementasyon ng Memorandum Order No. 32 ni Duterte simula 2018,” saad ni Valbuena.

Si Esteban Manuel Jr., o tinatawag ding Junior o JR ng kanyang pamilya at mga kaibigan, ay tubong Laoag, Ilocos Norte at ipinanganak noong Enero 15, 1949. Naging kasapi siya ng Kabataang Makabayan nang nag-aaral pa ng kursong engineering sa University of the Philippines-Diliman.

https://cpp.ph/angbayan/anak-ni-ndfp-consultant-esteban-manuel-jr-dumulog-sa-chr/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.