Thursday, January 27, 2022

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: 2-araw na welga ng mga manininda sa Cebu, inilunsad

Ang Bayan Daily News & Analysis (Tagalog edition) posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jan 26, 2022): 2-araw na welga ng mga manininda sa Cebu, inilunsad
 





January 26, 2022

Higit isandaang manininda ng Carbon Market at kanilang mga tagasuporta ang naglunsad ng 2-araw na welga, mula Enero 24 hanggang 25, sa palengke sa Cebu City para tutulan ang pakanang pribatisasyon dito. Nanawagan sila sa lokal na gubyerno ng Cebu City at Megawide Corporation na dinggin ang kanilang hinaing na ihinto ang pribatisasyon. Pinamunuan ang sama-samang pagkilos ng Movement Against Carbon Market Privatization at Carbon-hanong Alyansa. Noon pang Enero 2021 unang inihapag ng lokal na gubyerno ang planong pribatisasyon ng palengke.

Ikinasa ng mga manininda ang dalawang araw na tigil-tinda sa Carbon Market para kundenahin ang sapilitang pagpapasara sa kanilang mga pwesto upang ilipat umano sa Unit II ng “modernisadong” bagong palengke na itinayo ng Megawide Construction Corporation at lokal na gubyerno ng Cebu City.

Ayon sa mga manininda, hindi pa tapos ang naturang mga gusali at wala pa umanong mapagkukunan ng tubig, mga banyo at iba pang pangangailangan. Tinakot pa ang mga manininda na kung hindi kusang isasara ang mga pwesto sa lumang palengke ay hindi bibigyan ng espasyo sa bagong itinayong mga gusali.

Bago magsimula ang welga, naglunsad ng programa ang mga manininda kung saan nagbigay ng mga talumpati ang mga lider-manininda, mga tagasuporta, mga maralitang komunidad na maapektuhan ng pribatisasyon at organisasyong kabataan na naninindigan kasama nila. Nagpaskil ng mga panawagang ‘we are on strike’ sa mga pwesto sa palengke. Ang ilan sa mga nakapaskil ay tinanggal ng mga tauhan ng lokal na gubyerno.

Nagpaabot ng suporta sa laban ng mga manininda ang National Union of Students of the Philippines-Cebu at mga organisasyon mula sa University of the Philippines-Cebu at University of San Carlos.

Gayundin, isinaad ni Ikit Crispe, residente ng Sityo Bato, Barangay Ermita, komunidad na mahahagip at mapapalayas ng mga proyekto ng Megawide, na malinaw na anti-mahirap ang naturang kumpanya. Dagdag niya na isang buwaya ang Megawide na hindi dapat tanggapin ng publiko lalo na ng mga manininda at residente ng Sityo Bato.

Kabilang sa 7.8 ektaryang lupa na nakapaloob sa proyekto na napirmahan sa Joint Venture Agreement ng lokal na gubyerno at Megawide ang aabot sa isang libo hanggang dalawang libong residente na maapektuhan mula sa Barangay Ermita.

Samantala, noong Enero 26, dumating ang kinatawan ng Gabriela Women’s Party na si Rep. Arlene Brosas para magpaabot ng suporta sa laban ng manininda ng Carbon Market at residente ng Sityo Bato.

Matatandaang nagsumite ng isang resolusyon si Brosas sa Kongreso noong Hulyo 2021 para kwestyunin at paimbestigahan ang kontrobersyal na pribatisasyon ng naturang palengke.

https://cpp.ph/angbayan/2-araw-na-welga-ng-mga-manininda-sa-cebu-inilunsad/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.