Thursday, January 27, 2022

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: 10 katutubong Mangyan, dinukot ng 2nd ID

Ang Bayan Daily News & Analysis (Tagalog edition) posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jan 23, 2022): 10 katutubong Mangyan, dinukot ng 2nd ID






January 23, 2022

Sampung katutubong Mangyan na mga residente ng Barangay Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro ang dalawang buwan nang iligal na ikinukulong 2nd ID, ayon sa ulat ng National Democratic Front-Southern Tagalog. Ayon sa pamilya ng sampu, hindi na nila nakita o nakontak man lamang ang kanilang mga kamag-anak matapos silang ipatawag ng 203rd Brigade noong Nobyembre 2021.

Sa ulat ng NDF-ST, dalawang beses na ipinatawag ng mga sundalo ang sampu bago sila nawala. Inutusan silang magdala ng damit sa pangalawang patawag at mula noon ay hindi na pinauwi. Hindi alam ng mga kamag-anak kung saan sila dinala.

Lumapit sa barangay ang mga kapamilya para humingi ng tulong pero hindi sila pinakinggan. Ayon sa NDF-ST, inabutan pa ng upisyal ng barangay ng ilang libong piso ang asawa ng isa sa mga biktima para manahimik at tumigil na sa paghahapag ng reklamo.

Tinatayang sapilitang dinala ang mga biktima sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal na headquarters ng 2nd ID para sanayin maging CAFGU. Sa mensaheng naipadala ng isa sa mga dinukot na katutubo sa kanyang pamilya, sinabi niyang “huwag nang pumayag na may sumunod pa sa kanila” dahil tiyak na pahihirapan din ang mga ito.

Matagal nang pokus ng mga operasyong kombat, saywar at pandarahas ang Barangay Monteclaro ng mga sundalo ng AFP. Noon ding Nobyembre 29, 2021, sa isa sa mga operasyong kombat ng mga sundalo, apat na Mangyan-Batangan at Alangan ang iligal na dinakip habang namamasko sa mga kaibigan at kakilala nila sa kapatagan ng Occidental Mindoro.

Sapilitang dinala ang apat sa kampo sa Sityo Mantay, Brgy. Monteclaro, San Jose at doon binugbog ng mga elemento ng 4th IB. Nasugatan sa leeg ang isa dulot ng pambubugbog ng mga sundalo.

Noon namang Abril 2019, hindi bababa sa 1,000 pamilya ang nagbakwit sa mga komunidad sa Barangay Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro at Barangay Lisap, Bongabong, Oriental Mindoro matapos apat na araw na bombahin at ratratin ang kanilang mga barangay.

Giit ni Patnubay de Guia, tagapagsalita ng NDF-ST, “dapat kasuhan at panagutin ang mga berdugong militar sa pagdukot at iligal na pagdedetine at sapilitang rekrutment sa CAFGU sa higit 10 katutubo kasabay ng patuloy na pananakot sa kanilang mga pamilya at komunidad.” Hamon niya rin na dapat likhain ang isang malakas na kilusang masa para ipagtanggol ang karapatan ng mga katutubong Mangyan.

https://cpp.ph/angbayan/10-katutubong-mangyan-dinukot-ng-2nd-id/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.