Friday, September 3, 2021

Kalinaw News: Isang Political Officer ng NPA, Patay sa Engkwentro, matataas na kalibre ng Baril, Nasakmit

Posted to Kalinaw News (Sep 3, 2021): Isang Political Officer ng NPA, Patay sa Engkwentro, matataas na kalibre ng Baril, Nasakmit



Gigaquit, Surigao del Norte – Patay ang isang Political Officer ng New People’s Army o NPA pagkatapos ng sagupaan sa mga kasundaluhan ng 30th Infantry (Fight On) Battalion, Philippine Army sa bulubunduking bahagi ng Sitio Suoton, Brgy Cagdianao, Claver, Surigao del Norte nitong ika-dalawa ng Setyembre 2021.

Siya ay kinilala ng kanyang dating kasamahan bilang si Alyas “Asyong”, ang Vice Platoon Kumander at Political Officer ng SYP Platun 16C1, Guerilla Front 16, Northeastern Mindanao Regional Committee (SYP16C1, GF16, NEMRC).

Naganap ang sagupaan matapos naging aktibo ang mga tauhan ng 30IB sa pagpapatrolya simula noong ipinagkaloob ng 4th Infantry Division ang pangangalaga sa seguridad ng buong Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) Area ng tatlong malalaking kumpanya ng minahang TMC, THPAL at PGMC sa bayan ng Claver mula noong ika-isa ng Setyembre sa taong kasalukuyan.

Sa pamamalagi ng mga kasundaluhan sa bundok, sila ay kakatanggap ng sumbong mula sa mga mamamayan hinggil sa presensiya ng armadong terorista at myembro ng NPA kung kaya agad ipinag-utos ni Lt. Col Ryan Charles Callanta, pinuno ng 30IB ang pagsasagawa ng security patrol upang tugisin ang mga armado.

Habang nagsasagawa ng patrol ang mga tropa, kanilang nakasagupa ang mga armadong terorista na tinatayang nasa mahigit o kumulang na sampung katao at pinaniniwalaang kasapi ng SYP Platun 16C1, GF16, NEMRC na pinamumunuan ni Roel T Neniel o mas kilala bilang alyas “Jacob”. Ang nasabing bakbakan ay tumagal ng labin limang (15) minuto at nagresulta sa pagkasawi ni Ka Asyong.

Nakuha din sa pinangyarihan ang mga matataas na kalibre ng baril tulad ng dalawang (2) AK47 rifle, isang (1) M14 rifle, isang (1) bandolier, dalawang (2) magazine ng AK47 at pitong (7) magazine ng M14 na may kasamang mga bala, at iba’t-ibang supply ng mga pagkain at medisina.

Sa pahayag ni LtCol Ryan Charles G Callanta, taospuso siyang nagpasalamat sa kooperasyon ng mga mamayan sa pagbibigay ng agarang impormasyon tungkol sa mga gawain ng teroristang NPA. Ayon sa kanya, “Isa itong patunay o batayan sa patuloy na suporta ng mamamayan sa kampanya ng Ending Local Communist Armed Conflict o ELCAC. Nais naming ipaabot mula sa aming hanay ang aming pakikiramay sa pamilya ng nasawing NPA. Nawa’y ang pangyayaring ito ay magsilbing aral sa mga natitirang miyembro ng teroristang NPA na wala silang mapapalang maganda sa kilusan kundi gutom, pagod, at maaari pa nila itong ikasawi. Kung kaya patuloy naming hinihikayat ang lahat ng natitirang miyembro na sumuko na at tanggapin ang hatid na tulong ng Gobyerno sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP bago pa mahuli ang lahat.”

“Asahan lang din po ng ating mamamayan sa buong probinsya ng Surigao del Norte na patuloy naming proprotektahan at aalagaan ang ating bayan ng sa ganon patuloy tayong .umunlad at maging mapayapa.” Dagdag pa ni LtCol Callanta.

Sa ngayon agad ng ibinaba ng mga tropa ng 30IB ang nasawing NPA at dinala sa GADES Funeral Service upang mabigyan ng maayos na libing at patuloy pa ding inaalam ang pagkakakilanlan nito upang maipaalam sa kanyang pamilya.



[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]

https://www.kalinawnews.com/isang-political-officer-ng-npa-patay-sa-engkwentro-matataas-na-kalibre-ng-baril-nasakmit/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.